Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 21, 2017
BIBLE CHRISTIANS: Reflection for 3rd Sunday in Ordinary Time Year A - January 22, 2017 - YEAR OF THE PARISH
Sa darating na Linggo ay ipagdiriwang na natin ang Linggo ng Biblia o Bible Week. Dapat ito ay magsisimula ng Enero 23 at magtatapos sa Enero 29. Ngunit sa kadahilanang ipagdiriwag natin sa Enero 29 ang Kapistahan ni San Juan Bosco sa ating parokya, minarapat kong i-advance na ngayon ang pagdiriwang natin ng Bible Sunday. Bakit nga ba mahalaga ang Biblia sa ating mga Kristiyano? Ano ba ang ibig sabihin ng Biblia? May isang lola na nagbabasa ng Biblia at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya. Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!" Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Kailan ka aalis sa mundong ito lola?" Ano nga ba ang Biblia? Paano nga ba ang tamang pagbasa at pag-intindi nito? Saan ba dapat ginagamit ito? Noong nakaraang mga araw ay may isang mambabatas na ginamit ang Biblia bilang patunay na pinapayagan daw ng Diyos ang death penalty sapagkat ang Anak Niya mismo, na si Jesus, ay nahatulan ng death penalty. Tama ba ang ganitong pag-iisip? Sa totoo lang kahit sa lohika (logic) ay hindi ko makita ang kawastuhan ng ganitong pangagnatwiran! Kumbaga sa boksing ay isang malaking sablay na suntok ang kanyang binitiwan na sa halip na kalaban ay ang referee ang tinamaan! Ano ba ang dapat isaalang-alang sa pagbasa ng Biblia? "May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Biblia. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at tinanong ang Panginoon: "Panginoon, ito ba ang nais mong gawin ko? At sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... nagpakamatay siya! Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Hesus sa atin sa kasalukuyang panahon. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung me tiyaga akong magsayang ng maraming oras sa pagbabasa ng Wattpad, bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Tandaan natin na sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Diyos. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong... isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa! Basahin, pagnilayan at isabuhay! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians". Tatlong paraan upang maging buhay ang Salita ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay.
Sabado, Enero 14, 2017
SA KAMAY NG STO. NINO: Reflection for the Feast of Sto. Nino - January 15, 2017 - YEAR OF THE PARISH as Communion of Communities
Naalala ko pa noong bata pa ako ang kuwentong laging binabahagi ng namayapang Jaime Cardinal Sin sa tuwing magdiriwang siya ng Misa ng Sto. Nino. "Nasaan sa mapa ang Tondo? Tanong ng isang guro sa kanyang mga mag-aaral. Sagot ng isang bata: "Mam, nasa kalakhang Maynila po!" Muli siyang nagtanong: "Eh nasaan naman ang Maynila?" Taas ng kamay ang pang bata: "Mam, nasa kabilang po siya sa NCR , ang National Capital Region." "At nasaan naman ang NCR?" "Mam, nasa Luzon po!" sagot naman ng isa. "At naaan naman ang Luzon?" "Nasa Pilipinas po, na nasa Asya na nasa mundo!" Sagot ng isang tila naiinis na estudyante. "At nasaan naman ang mundo?" Nagtaas ng kamay ang pinakamakulit niyang estudyante: "Mam, nasa kamay po ng Sto. Nino!" Pagmasdan mo ang estatwa ng Sto. Nino at makikita mong may hawak-hawak siyang parang bola. Hawak ng Sto. Nino ang mundo. Tayo ay nasa kamay ng Diyos. Tayong lahat, ang bawat isa sa atin ay binubuhat ni Jesus! Isang magandang paalala sa atin sa ating kasalukuyang panahon na puno ng pangamba at kaguluhan. Nariyan ang EJK o Extra-Judicial Killing na araw-araw ay laman ng balita. Nariyan ang napipintong pagtaas ng buwis at kuryente. Nariyan din ang nakabinbin sa Kongresong Death Penalty at divorce bill. Idagdag mo na ang kinakasang pamimigay ng condoms sa mga mag-aaral sa high school. Parang nagkasunod-sunod ata ang problema sa pagpasok ng taon. Mabuti na lang at may kapistahan ng Sto. Nino na nagsasabing huwag tayong mabahala sapagkat "hawak" tayo ng Diyos at hindi Niya tayo pababayaan! Isa lang ang nais ng Diyos sa atin at yun ay ang magtiwala tayo sa kanya. Katulad ng pagtitiwala ng isang bata sa kanyang magulang na hindi siya nito pababayaan. Kaya nga't si Jesus ay nagpapaalala sa ating tumulad sa isang bata kung nais nating pagharian ng Diyos. “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo
nagbago at tumulad sa mga bata,
hinding-hindi kayo mabibilang sa
mga pinaghaharian ng Diyos." Ang katangiang taglay ng isang bata ay ang kanyang kapayakan at pagiging mahina at ito ang nagpadakila sa kanya sa mata ni Jesus. Dahil sa kanyang kahinaan ay mas madali siyang magtitiwala sa kanyang ama. Dahil sa kapayakan ng kanyang pamumuhay ay hindi siya masisilaw ng makamundong pagnanasa at mapagkumbaba niyang haharapin ang tukso ng huwad na kadakilaan. At ito ang nais ni Jesus na taglayin natin habang nabubuhay tayo sa mundo: ang pagtitiwala at pagpapakumbaba ng isang bata. Ang debosyon sa Sto. Nino ay nagsasabi sa ating dapat tayong lumago sa ating pagiging Kristiyano. Ang Sto. Nino ay hindi nanatiling bata. Siya ay lumaki at naging si Jesus na nangaral, nagpagaling ng maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, bumuhay sa mga patay. Siya rin ang tumubos sa ating mga kasalanan at nagpalaya sa atin sa kadiliman. Kaya naman nararapat lang na lumalim din ang ating pagtitiwala sa Diyos habang naglalakbay tayo sa mundong ito. Sa kasalukuyang nating mundo na nababalot ng karahasan at kultura ng kamatayan ay magagamit natin ang katangian ng pagiging isang bata. Maging payak sa ating pamumuhay bilang Kristiyano at panindigan ang ating pananampalataya. Ipagkatiwala natin ang lahat sa Diyos na patuloy na "humahawak" sa atin at hindi tayo pinababayaan. Viva! Pit Senyor!
Sabado, Enero 7, 2017
BITUING NAGNININGNING: Reflection for the Solemnity of the Epiphany - January 8, 2017 - Year of the Parish as Communion of Communities
Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng EPIPANYA o ang Pagpapakita ng Panginoon. Para sa ilan, ito rin ang kanilang tinatawag na "The Second Christmas." Para sa ating mga Katoliko, ito ang huling linggo ng pagdiriwang ng Kapaskuhan. Kaya nga't hindi pa rin natatapos ang pagbibigayan ng regalo o aguinaldo. Sa mga nagtagong ninong at ninang, 'wag muna kayong lumabas, maaari pa kayong "huntingin" ng inyong mga inaanak! Sa katunayan, may mga bansa na sa araw na ito nagbibigayan ng regalo. Marahil dahil na rin sa pagbasa ng Ebanghelyo na ang mga pantas ay naglakbay upang hanapin ang sanggol na "tagapagligtas" at alayan ng mga handog na naaayon sa kanya. Nakagawian nating tawaging sila ay mga hari ngunit hindi naman talaga ito ang nakasulat sa Bibliya. Ang sabi sa ating Ebanghelyo, sila ay mga pantas na mula sa silangan. Ibig sabihin, sila ay hindi Hudyo at sa halip ay itinuturing ng mga "Hentil". Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso: "sa pamamagitan ng Mabuting
Balita, ang mga Hentil, tulad din ng
mga Judio, ay may bahagi sa mga
pagpapalang mula sa Diyos; mga
bahagi rin sila ng iisang katawan at
kahati sa pangako ng Diyos dahil
kay Kristo Hesus." Kaya nga Epipanya ang tawag sa kapistahang ito sapagkat una sa lahat ito ay pagpapakita na si Jesus ang tagapagligtas ng lahat maging ng mga hentil. Ikalawa, ipinakita nito kung sino si Jesus sa pamamagitan ng kanilang tatlong handog na ginto, kamanyang at mira. Ang ginto ay kumakatawan sa pagkahari ni Jesus, ang kamanyang ay sa kanyang pagka-Diyos at ang mira ay sa kanyang pagiging tao. Ikatlo, sinasabihan din tayo ng kapistahang ito na maging "mga bituing nagniningning" na nagdadala ng Mabuting Balita ng Panginoon sa ating kapwa ng may pagpapakumbaba. Ang kadakilaan ng mga pantas ay hindi sapagkat matatalino silang tao bagkus sila ay mga taong MAPAGKUMBABA. Ibang-iba kay haring Herodes na puno ng kayabangan sa kanyang sarili kaya't ayaw niyang mabuhay ang sanggol. Ayaw ng Diyos sa mga taong mayayabang! Bukas, ay ipagdiriwang natin ang TRASLACION ng Poong Nazareno. Ang lagi kong pinaaalala sa mga mamamasan ay ito: na hindi tayo ang nagbubuhat kay Jesus, sa halip tayo ang binubuhat niya! May kuwento ng isang taong nanaginip na siya raw at ang Panginoon ay naglalakad sa dalampasigan. Nakikita niya ang dalawang pares na bakas ng paa habang sila ay naglalakad. Ngunit napansin niya na sa mga sandali ng pagsubok at suliranin sa buhay at naglalaho ang isang pares na bakas ng paa sa buhanginan. At umangal siya sa Panginoon: "Panginoon, bakit naman tuwing may problema ako ay iniiwan mo ako? Bakit ako na lang ang naglalakad?" Tumugon ang Panginoon: "Nagkakamali ka anak! Hindi kita iniiwan. Sa mga sandaling nahihirap ka sa buhay dahil sa mga pagsubok at problema ay BINUBUHAT KITA! Huwag kang mayabang!" Sa pagpasok natin sa Bagong Taon ay kilalanin natin ng may pagpapakumbaba si Jesus bilang ating Panginoon at tagapagligtas! "Wise men still seek Him!" Magiging matalino tayo kung may pagkukumbaba nating kilalanin si Jesus sa ating kapwa. Hayaan nating magliwanag ang ating buhay para sa iba at tayo ay magmistulang mga bituing nagniningning!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)