Sabado, Enero 14, 2017

SA KAMAY NG STO. NINO: Reflection for the Feast of Sto. Nino - January 15, 2017 - YEAR OF THE PARISH as Communion of Communities

Naalala ko pa noong bata pa ako ang kuwentong laging binabahagi ng namayapang Jaime Cardinal Sin sa tuwing magdiriwang siya ng Misa ng Sto. Nino.  "Nasaan sa mapa  ang Tondo? Tanong ng isang guro sa kanyang mga mag-aaral.  Sagot ng isang bata: "Mam, nasa kalakhang Maynila po!" Muli siyang nagtanong: "Eh nasaan naman ang Maynila?"  Taas ng kamay ang pang bata: "Mam, nasa kabilang po siya sa NCR , ang National Capital Region."  "At nasaan naman ang NCR?" "Mam, nasa Luzon po!"  sagot  naman ng isa.  "At naaan naman ang Luzon?" "Nasa Pilipinas po, na nasa Asya na nasa mundo!"  Sagot ng isang tila naiinis na estudyante.  "At nasaan naman ang mundo?"  Nagtaas ng kamay ang pinakamakulit niyang estudyante:  "Mam, nasa kamay po ng Sto. Nino!"   Pagmasdan mo ang estatwa ng Sto. Nino at makikita mong may hawak-hawak siyang parang bola.  Hawak ng Sto. Nino ang mundo. Tayo ay nasa kamay ng Diyos.  Tayong lahat, ang bawat isa sa atin ay binubuhat ni Jesus!  Isang magandang paalala sa atin sa ating kasalukuyang panahon na puno ng pangamba at kaguluhan. Nariyan ang EJK o Extra-Judicial Killing na araw-araw ay laman ng balita.  Nariyan ang napipintong pagtaas ng buwis at kuryente.  Nariyan din ang nakabinbin sa Kongresong Death Penalty at divorce bill. Idagdag mo na ang kinakasang pamimigay ng condoms sa mga mag-aaral sa high school.  Parang nagkasunod-sunod ata ang problema sa pagpasok ng taon.  Mabuti na lang at may kapistahan ng Sto. Nino na nagsasabing huwag tayong mabahala sapagkat "hawak" tayo ng Diyos at hindi Niya tayo pababayaan!  Isa lang ang nais ng Diyos sa atin at yun ay ang magtiwala tayo sa kanya.  Katulad ng pagtitiwala ng isang bata sa kanyang magulang na hindi siya nito pababayaan.  Kaya nga't si Jesus ay nagpapaalala sa ating tumulad sa isang bata kung nais nating pagharian ng Diyos. “Tandaan ninyo ito: kapag hindi kayo nagbago at tumulad sa mga bata, hinding-hindi kayo mabibilang sa mga pinaghaharian ng Diyos."   Ang katangiang taglay ng isang bata ay ang kanyang kapayakan at pagiging mahina at ito ang nagpadakila sa kanya sa mata ni Jesus.  Dahil sa kanyang kahinaan ay mas madali siyang magtitiwala sa kanyang ama.  Dahil sa kapayakan ng kanyang pamumuhay ay hindi siya masisilaw ng makamundong pagnanasa at mapagkumbaba niyang haharapin ang tukso ng huwad na kadakilaan.  At ito ang nais ni Jesus na taglayin natin habang nabubuhay tayo sa mundo: ang pagtitiwala at pagpapakumbaba ng isang bata.  Ang debosyon sa Sto. Nino ay nagsasabi sa ating dapat tayong lumago sa ating pagiging Kristiyano.  Ang Sto. Nino ay hindi nanatiling bata. Siya ay lumaki at naging si Jesus na nangaral, nagpagaling ng maysakit, nagpalayas ng mga demonyo, bumuhay sa mga patay.  Siya rin ang tumubos sa ating mga kasalanan at nagpalaya sa atin sa kadiliman.  Kaya naman nararapat lang na lumalim din ang ating pagtitiwala sa Diyos habang naglalakbay tayo sa mundong ito.  Sa kasalukuyang nating mundo na nababalot ng karahasan at kultura ng kamatayan ay magagamit natin ang katangian ng pagiging isang bata.  Maging payak sa ating pamumuhay bilang Kristiyano at panindigan ang ating pananampalataya.  Ipagkatiwala natin ang lahat sa Diyos na patuloy na "humahawak" sa atin at hindi tayo pinababayaan.  Viva! Pit Senyor!

1 komento:

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

Totoo poba na si jesucristo at ang batang diyos na si sto nino ay iisa