Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Enero 7, 2017
BITUING NAGNININGNING: Reflection for the Solemnity of the Epiphany - January 8, 2017 - Year of the Parish as Communion of Communities
Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng EPIPANYA o ang Pagpapakita ng Panginoon. Para sa ilan, ito rin ang kanilang tinatawag na "The Second Christmas." Para sa ating mga Katoliko, ito ang huling linggo ng pagdiriwang ng Kapaskuhan. Kaya nga't hindi pa rin natatapos ang pagbibigayan ng regalo o aguinaldo. Sa mga nagtagong ninong at ninang, 'wag muna kayong lumabas, maaari pa kayong "huntingin" ng inyong mga inaanak! Sa katunayan, may mga bansa na sa araw na ito nagbibigayan ng regalo. Marahil dahil na rin sa pagbasa ng Ebanghelyo na ang mga pantas ay naglakbay upang hanapin ang sanggol na "tagapagligtas" at alayan ng mga handog na naaayon sa kanya. Nakagawian nating tawaging sila ay mga hari ngunit hindi naman talaga ito ang nakasulat sa Bibliya. Ang sabi sa ating Ebanghelyo, sila ay mga pantas na mula sa silangan. Ibig sabihin, sila ay hindi Hudyo at sa halip ay itinuturing ng mga "Hentil". Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso: "sa pamamagitan ng Mabuting
Balita, ang mga Hentil, tulad din ng
mga Judio, ay may bahagi sa mga
pagpapalang mula sa Diyos; mga
bahagi rin sila ng iisang katawan at
kahati sa pangako ng Diyos dahil
kay Kristo Hesus." Kaya nga Epipanya ang tawag sa kapistahang ito sapagkat una sa lahat ito ay pagpapakita na si Jesus ang tagapagligtas ng lahat maging ng mga hentil. Ikalawa, ipinakita nito kung sino si Jesus sa pamamagitan ng kanilang tatlong handog na ginto, kamanyang at mira. Ang ginto ay kumakatawan sa pagkahari ni Jesus, ang kamanyang ay sa kanyang pagka-Diyos at ang mira ay sa kanyang pagiging tao. Ikatlo, sinasabihan din tayo ng kapistahang ito na maging "mga bituing nagniningning" na nagdadala ng Mabuting Balita ng Panginoon sa ating kapwa ng may pagpapakumbaba. Ang kadakilaan ng mga pantas ay hindi sapagkat matatalino silang tao bagkus sila ay mga taong MAPAGKUMBABA. Ibang-iba kay haring Herodes na puno ng kayabangan sa kanyang sarili kaya't ayaw niyang mabuhay ang sanggol. Ayaw ng Diyos sa mga taong mayayabang! Bukas, ay ipagdiriwang natin ang TRASLACION ng Poong Nazareno. Ang lagi kong pinaaalala sa mga mamamasan ay ito: na hindi tayo ang nagbubuhat kay Jesus, sa halip tayo ang binubuhat niya! May kuwento ng isang taong nanaginip na siya raw at ang Panginoon ay naglalakad sa dalampasigan. Nakikita niya ang dalawang pares na bakas ng paa habang sila ay naglalakad. Ngunit napansin niya na sa mga sandali ng pagsubok at suliranin sa buhay at naglalaho ang isang pares na bakas ng paa sa buhanginan. At umangal siya sa Panginoon: "Panginoon, bakit naman tuwing may problema ako ay iniiwan mo ako? Bakit ako na lang ang naglalakad?" Tumugon ang Panginoon: "Nagkakamali ka anak! Hindi kita iniiwan. Sa mga sandaling nahihirap ka sa buhay dahil sa mga pagsubok at problema ay BINUBUHAT KITA! Huwag kang mayabang!" Sa pagpasok natin sa Bagong Taon ay kilalanin natin ng may pagpapakumbaba si Jesus bilang ating Panginoon at tagapagligtas! "Wise men still seek Him!" Magiging matalino tayo kung may pagkukumbaba nating kilalanin si Jesus sa ating kapwa. Hayaan nating magliwanag ang ating buhay para sa iba at tayo ay magmistulang mga bituing nagniningning!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento