Sabado, Setyembre 30, 2017

THE GOOD SON: Reflection for 26th Sunday in Ordinary Time Year A - October 1, 2017 - SEASON OF CREATION

Sino ba ang "The Good Son" sa talinhagang isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayon?  Siya ba ang nagsabi ng OPO at hindi sumunod sa kanyang ama o siya ba na nagsabi ng HINDI PO at sumunod?  Ang aking pangalawang tanong: masama ba ang anak na hindi sumunod at bakit kaya siya hindi sumunod? Anyare???  Ilagay mo ang iyong sarili sa kuwentong ito:  May pinag-ipunan kang bilhin at ito ay ang pangarap mong sapatos na panlaro, kulay puti, high cut at may ilaw sa ilalim.  Nang makaipon ka na ng sapat na halaga ay pumunta ka ng mall upang bilhin ang iyong "dream shoes".  Nagkataong may BIG SALE sa mall at agad-agad na bumungad sa iyo ang stall ng pizza na napakamura at mukhang masarap.  Kahit na gutom at takam na takam ka ay nasabi mo sa iyong sarili "Hindi ako bibiili ng pizza ito!  Ang perang dala-dala ko ay para sa aking dream shoes na panlaro, kulay puti, high cut at may ilaw sa ilalim!"  Pag-akyat mo ng 2nd Floor ay bumungad sa iyo ang naggagandahang bags na naka-SALE din sa napakamurang halaga... 70% OFF!  Muli mong sinabi sa iyong sarili na "Hindi, ang perang pinag-ipunan ko ay para sa aking dream shoes na panlaro...."  Nagpunta ka sa section ng mga sapatos.  May nakita kang kulay puti pero hindi naman panlaro. Hindi mo ito binili.  May nakita kang panlaro na kulay puti na panlaro pero di naman "high cut" at hindi mo rin binili.  May nakita ang high cut na panlaro at kulay puti pero wala namang ilaw sa ilalim.  Hanggang sa makita mo sa isang sulok ang sapatos mong pinapangarap: panlaro, puti, high cut at higit sa lahat... may ilaw sa ilalim!  Binili mo ito, sinubukan at isinuot sa iyong mga paa.  Sigurado akong ikaw na ang pinakamasayang nilalang sa oras na iyon sapagkat sa wakas ay napasaiyo na ang iyong dream shoes na... panlaro, kulay puti, high cut at may ilaw sa paa!  Ang tanong ko kanina ay kung ano ba ang nangyari sa anak na nagsabi ng OPO ngunit hindi naman sumunod.  Marahil ay hindi malinaw sa kanya ang dapat niyang gawin.  Marahil ay maraming "distractions" sa daan at nalihis ang kanyang landas sa kanyang layunin.  Marahil ay nagkulang siya sa "focus"  at hindi siya seryoso sa kanyang pagsasabi ng opo!  Bagamat ang talinhaga ay itinukoy ni Jesus sa mga Hudyo na hindi tumanggap sa panawagan ni Juan Bautistang magsisi sa kanilang mga kasalanan, ito rin ay ipinatutukoy niya sa atin na minsan ng nagsabi ng OPO sa ating pagsunod kay Kristo.  Ito ay nangyari noong tayo ay bininyagan at kinumpilan.  Huwag nating sabihing wala pa tayong muwang ng mangyari ito sapagkat taon-taon ay sinasariwa natin ang pangako sa ating binyag kapag panahon ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.  Ang ipinangako natin ay ating tatalikuran ang kasamaan at kasalanan at tayo ay sasampalataya kay Kristo.  Sa tuwing tayo ay  nakagagawa ng paglabag sa utos ng Diyos na ang tawag din natin ay kasalanan, ay binabawi natin ang ating OPO sa Diyos.  Sa tuwing sinasalungat natin ang turo ng Simbahan tulad ng pagsang-ayon sa pagpatay, pagsasama ng hindi kasal sa Simbahan, abortion, divorce, same sex marriage, death penalty, etc... ay binabawi rin natin ang ang OPO sa Diyos. Sikapin nating itama ang ating mga maling pag-iisip, salita at gawa.  Ngayong buwang ng Oktubre, ang Buwang ng Santo Rosaryo, ay magandang gawing mabuting halimbawa ang Mahal na Birheng Maria sapagkat siya ang tunay na nagsabi ng OPO sa paanyaya ng Diyos at ipinakita ito sa kanyang buhay.  Sa ikalimang Linggong ito sa Panahon ng Paglikha ay hinihikayat tayong magtalaga ng ating sarili sa pangangala sa ating kalikasan at ipakita ito sa paghahanap ng solusyon at naayong aksiyon upang maisakatuparan ang kaloobang ito ng Diyos na protektahan ang ating iisang tahanan!  Dito ay mahalagang maisabuhay natin ang katagang ACTION SPEAKS LOUDER THAN WORDS.  Ang tunay na "THE GOOD SON" ay ang taong kayang magsabi ng OPO at pagkatapos gagawa ng pagkilos upang maisakatuparan ito!

Linggo, Setyembre 24, 2017

ANG KABUTIHAN NG DIYOS AT ANG KABUUANG EKOLOHIYA (INTEGRAL ECOLOGY) : Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year A - September 24, 2017 : SEASON OF CREATION

Isa sa mga ritwal na ating ginagawa sa pagdiriwang ng Misa ay ang pagbibigayan ng tanda ng KAPAYAPAAN bago ang pagtanggap ng komunyon.  Noong ako ay bata pa, ito ang aking pinakaaabangang bahagi ng Misa sapagkat pagkakataon ito upang makaalis sa aking lugar na kinalalagyan at lumapit sa mga taong nais kung lapitan upang sabihan ng malakas na "Peace be with you!"  Ngunit ngayong ako ay matanda na, sapat na sa akin ang lumingon sa kanan, kaliwa, likuran at iyuko ang aking ulo ng bahagya habang pabulong na sinasabi ang "Peace be with you!"   Anyare?  Ganun ka rin ba?  Tila baga nagiging mekaniko na ang bahaging ito ng Misa at nawawala na ang tunay na kahulugan ng pagbibigay ng mahalagang tandang ito.  Sa Hebreo ang kapayapaan ay ang salitang SHALOM.  Karaniwang itong sinasabi ng isang Hudyo kapag may nakakasalabong siya sa kayang paglalakad o kaya naman ay kapag magbibigay siya ng kanyang paunang pagbati sa isang kalipunan. Ngunit ang "shalom" ay hindi lang simpleng pagbati ng "Peace be with you!"  Ang salitang "shalom" ay nangangahulugan ng kaganapan, wholeness, completeness.  Ito ang sitwasyon na kung saan ay nangyayari ang kalooban ng Diyos sa ating buhay.  Ibig sabihin ang kapayapaan ay nakakamit natin kung mabuti ang ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa ating kapwa, sa ating sarili at maging sa ating kapaligiran dahil ito ang kalooban ng Diyos para sa ating lahat!  Ang lahat ay magkakaugnay at ito ang nagpapakita ng kabutihan ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga nilikha.  Ang Diyos ay lubos na mabuti at kailanman ay hindi matatanto ng tao ang kanyang kabutihan.  Hindi natin maiintindihan ang Kanyang pag-iisip.  Hindi natin mauunawaan kung bakit patuloy Niyang pinasisikat ang kanyang araw sa mga taong mabubuti at masasama.  Ito ay sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao: "For my thoughts are not your thoughts, nor are your ways my ways." (Isaiah 55:6)  At sa ganitong konteksto dapat intindihin ang Talinhaga ng mga Manggagawa sa ubusan.  Ang dapat bigyang pansin ay hindi ang kawalang-katarungan ng may ari ng ubasan sa pagbibigay ng pare-parehong sahod sa kanyang mga mangagawa kahit na iba-iba ang haba ng kanilang paglilingkod at pagod na kalakip ng kanilang paggawa.  Ang dapat bigyang pansin ay ang kabutihang-loob ng may-ari ng ubasan nagbigay ng arawang sahod kahit sa mga huling nagtrabaho at kaunting oras lamang na nagpagod.  "Are you envious because I am generous?" (Mt. 20:15)  ang tanong niya sa mga umaangal sa kanilang sahod na tinanggap.  Ang ating Diyos ay lubos na mabuti at mapagbigay.  He is a generous God!  Sa halip na tayo ay umangal at magmaktol sa kanyang mga ibinibigay sa atin, ay dapat magpasalamat na lamang tayo sa ating mga biyaya.  Marami tayong dapat pasalamatan sa Kanya. Naririyan na ang biyaya ng kalusugan, tahanan, pamilya, mga kaibigan, pagkain araw-araw,  at kasama na rin ang biyaya ng kalikasanan.  Kung paanong ang Diyos ay mapagbigay dapat tayo rin ay matutong magbigay ng ating panahon, kakayahan at kayamanan upang pagyamanin ang mga biyaya ng Diyos sa atin.  Iwasan antin ang maaksayang pamumuhay. Huwang nating sayangin ang ating oras sa walang kuwentang gawain.  Huwag aksayahin ang ating pagkain.  Maging maingat sa pagbili ng mga bagay at gamitin ng mabuti kung ano ang meron sa atin.  Ito ang pagpapakita natin ng pasasalamat sa kabutihan ng ating Diyos.  Ingatan natin ang ating mundo na marupok: "Fragile, handle with care!"  Ang "Integral Ecology" ay nangangahulugan ng "integral approach" upang matugunan ang krisis na unti-unting sumisira sa ating iisang tahanan na ipinagkaloob ng Diyos sa atin.  

Sabado, Setyembre 16, 2017

UGAT NG PANG-EKOLOHIKAL NA KRISIS: Reflection for 24th Sunday in Ordinary Time Year A - September 17, 2017 - SEASON OF CREATION

Sa unang linggo ng Panahon ng Paglikha ay pinagnilayan natin ang biyaya ng pagkakaroon ng "iisang tahanan" o "common home" na ang tawag natin ay mundo.  Sa ikalawang linggo naman ay ang responsibilidad na kaagapay ng biayayang "iisang tahanan" na ipinagkaloob ng Diyos sa atin.  Ngayon namang ikatlong linggo ng Panahon ng Paglikha ay nais ng ating Simbahan na pagnilayan natin ang "ugat ng krisis na pang-ekolohikal" o "roots of ecological crisis."  Tunay ngang isang malaking krisis ang ating kinakaharap ngayon.  Isang krisis na kapag hindi natugunan ay maaring magbunga ng pagkasira nating lahat!  Ano ba ang pinagmulang nito?  Sa kabila ng pag-unlad ng teknolohiya ay tila kasabay naman ang pagbagsak ng ating pagpapahalagang pan-tao na makikita natin sa unti-unting pagsira sa ating kapalagiran.  May kuwento ng isang minero na ang kanyang trabaho ay ang pagtatapyas ng bato.  Isang araw, habang siya ay nagtatapyas ng bato ay napansin niyang lubhang napakainit ng sikat ng araw.  Sobrang init na halos ikahimatay niya! Dahil dito, nasabi niya sa kanyang sarili: "Sana naging araw na lang ako upang hindi ko nagdurusa sa init na ito!"  Laking gulat niya ng makita niya ang kanyang sariling nasa itaas at nagbibigay ng init sa ibaba. Tuwang-tuwa siya sapagkat naging araw siya!  Ngunit panandalian lang pala ang ganitong pakirmdam.  Bigla na lamang may makapal na ulap na tumabing sa kanya.  Naharang ang kanyang init sa lupa kaya't  nasabi nya sa kanyang sarili: "Sana, naging ulap na lang ako! May malakas pa pala sa araw!" At muli nakita niya ang ang kanyang sarili bilang ulap na tumatabing sa araw.  Nang bigla na lang umihip ang malakas na hangin.  Itinaboy siya sa malayo at wala syang magawa para labanan ito kaya't muli niyang sinabi sa kanyang sarili: "Sana naging hangin na lang ako!"  At gayun nga ang nangyari.  Napakalaka niya bilang hangin. Lahat ay yumuyuko sa kanya sa tuwing siya ay dadaan ngunit may isang hindi natinag sa kanyang lakas.  Isang bundok ang humarang sa kanya at hindi niya ito mapagalaw man lang. Kaya't muli niyang sinabi: "Sana, naging bundok na lang ako!"  Nang maging bundok siya ay natuwa siya sapagkat di makapanaig sa kanya ang hangin. Ngunit laking pagkalungkot niya ng may maramdaman siyang tila may tumatapyas sa kanyang paanan.  At nakita niya ang isang minero na unti-unting inuubos ang kanyang paanan. Nasaan kaya ang problema ng taong iyon? Wala sa araw, ulap, hangin at maging bundok.  Ang problema ay nasa kanyang sarili.  Hindi siya masaya sa kanyang sarili kaya't hindi niya rin magawang magpasalamat kung anung mayroon siya at kaya n'yang gawin!  Balikan natin ang tanong na kung ano ba ang ugat ng tinatawag nating "Ecological Crisis".   Walang kasalanan ang kalikasan sa mga kahirapang nararanasan natin ngayon.  Ang ugat ng pagkakasala ay ang tao mismo.  Matigas ang kanyang ulo.  May kayabangan siya.  Hindi siya marunong magpasalamat sa mga ipinagkatiwala ng Diyos. At dahil dayan ay hindi siya naging MABUTING KATIWALA!  Sa talinhaga ng Ebanghelyo, ano marahil ang dahilan kung bakit hindi nagawang magpatawad ng aliping pinatawad ng kanyang hari? Wala siyang pusong marunong magpasalamat!  Sa laki ng pagkakautang na pinatawad sa kanya ay dapat nagkaroon siya ng making pagtanaw ng utang na loob sa kanyang panginoon at dahil diyan ay magagawa niya ring magpatawad sa iba.  Ang ugat ng Ecological Crisis na kinasasangkutan ng mundo natin ngayon ay ang tao rin na hindi marunong magpasalamat sa Diyos.  Ito ay nagdadala sa atin ng kawalan ng utang na loob at dahil dito ay hindi natin magampanan ang tungkulin ng pagiging mabuting katiwala ng Diyos para sa Kanyang mga nilikha.  Ito ang nagdadala sa atin upang maging makasarili at mawalan ng pananagutan sa Kanya.  Kaya nga't nawika ni San Pablo sa mga taga-Roma na "Walang sinuman sa atin ang nabubuhay para sa sarili lamang..."  Ang ugat ng Ecological Crisis ay ang kawalan ng pananagutan ng tao sa mga ipinagkatiwala ng Diyos sa kanya.  Sa ikatlong linggo ng ating Panahon ng Paglika ay magbalik-loob tayo sa Diyos.  Baguhin natin ang ating puso at pag-iisip upang matugunan natin ang krisis ng pagwawalang bahala at matupad natin ang hinihingi ng ating pagiging mabuting katiwala ng Diyos.  

Sabado, Setyembre 9, 2017

PAKIKIALAM PARA SA KALIKASAN: Reflection for 23rd Sunday in Ordinary Time Year A - September 10, 2017 - SEASON OF CREATION & YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES

Ikalawang Linggo na ngayon ng PANAHON NG PAGLIKHA o Season of Creation.  Sa Linggong ito ay pinapaalalahanan tayong mga Kristiyano na magkaroon ng "pakikialam" sa ating kapaligiran at kalikasan.  Kung bakit dumaranas tayo ng maraming trahedya at kalamidad ay gawa na rin ng ating walang pakikialam at paglapastangan sa mga nilikha ng Diyos na dapat ay ating pinamamahalaan. Isa sa maraming natutunan ko sa seminaryo habang kami ay hinahanda upang maging relihiyosong Salesiano ay huwag na huwag naming babanggitin ang  "Salesian blasphemy".  Laking pagkagulat ko nang marinig ko na meron pala kaming sariling blasphemy. Ang akala ko ay katulad ito ng paglait o pagkutya sa ngalan ng Diyos o kaya naman ay kawalan ng paggalang sa Kanya. Ang sabi ng aming Novice Master, ang paring nangangalaga sa aming paghubog bilang mga seminaristang nobisyano, na ngayon ay isa ng obispo, ay hindi dapat ito kailanman marinig na lumalabas ang mga salitang ito sa aming bibig.  Hindi kami mabuting Salesiano kapag binabanggit namin ito at lalo na't nagiging kabahagi na ito ng aming pagkatao.  Ano ba ang "blasphemy" na ito?  Simple lang. Ito ay ang kataga sa wikang ingles na "It's none of my bussiness!"  Sa orihinal na lingguwaheng Itaiano ay "Non tocca a me!" Sa ating wika ay mas malakas ang dating: "Wala akong pakialam!" Ang akala natin ang mabuting pamumuhay ay ang pag-iwas lamang sa kasalanan o paggawa ng masama. Tama naman ngunit hindi lang iyon. Hindi sapagkat hindi ka gumagawa ng masama ay mabuting Kristiyano ka na. Ang kasalanan ay hindi lang "commission". Ito rin ay "omission".  Anong ibig sabihin nito?  Nagkakasala din tayo kapag hindi natin nagawa ang isang kabutihan kapag nabigyan tayo ng pagkakataong gawin ito.  Halimbawa, nakita mong nandaraya ang kasama mo sa trabaho, at pinabayaan mo lang dahilan sa kaibigan mo siya ay nagkakasala ka na rin. Nakita mo ang kaklase mong nangongopya sa exam at hindi mo pinagsabihan, nagkakasala ka rin. Nagpupunta ang barkada mo sa isang masamang lugar, napipilitan ka lang na sumama pero wala kang ginagawang pagwawasto... kasalanan mo rin!  Ibig sabihin may pananagutan tayo sa maling ginagawa ng ating kapwa! Ito ang sinasabi ni Jesus sa kanyang talinhaga sa Ebanghelyo ngayong Linggo. Ito rin ang pahiwatig ng Panginoon sa unang pagbasa sa pamamagitan ni Propeta Ezekiel: "Kapag sinabi ko sa taong masama na siya’y mamamatay at di mo ito ipinaabot sa kanya upang makapagbagong-buhay, mamamatay nga siya sa kanyang kasamaan ngunit pananagutan mo ang kanyang kamatayan."  May pananagutan tayo sa ating kapwa. Hindi madali ang pagiging Kristiyano. Kinakailangan nating maging totoo sa harap ng kamalian. Marahil, marami tayong masasaktan at masasagasaan ngunit kinakailangan. Hindi tayo sisikat. Mawawala ang "bango" ng ating pangalan sa iba. Kalimitan tayo pa ang magiging mali. Ngunit hindi ito dahilan upang magwalang kibo na lamang tayo habang ang masamang gawain ay nangyayari sa ating harapan. Ang isang Kristiyano ay "pakialamero."  Ito rin ang dahilan kung bakit ang Simbahan sa mga panahon ngayon ay "nakikialam" sa mga nangyayari sa ating lipunan.  May kaibigan akong nagpahayag sa Facebook ng kanyang pagkadismaya sa Simbahang Katoliko sapagkat patuloy daw ang pagbatikos sa programa ng pamahalaan laban sa droga o "War of Drugs".  Sinabi ko sa kanya na ito ay kasama sa tungkulin ng Simbahan.  Ang Simbahan ay isang propeta, katulad ng mga propeta sa Lumang Tipan nagpapahayag ng kanilang mensahe mula kay Yahweh, kapag ang isang hari o namumuno ay hindi na gumaganap sa kanyang tungkulin at tumatalikod na sa Diyos.  Dahil dito ang propeta ay hindi tanggap sa kanyang sariling bayan sapagkat hindi tangap ng mga tao ang mapait na katotohan.  At ang Simbahan ay hindi kailanman tatalikod sa tungkuling ito na iniatang sa kanyan ni Kristo lalo na't ang niyuyurakan ay ang tungkol sa mabuting pamumuhay at pananampalataya.  Kaya nga wag nating batikusin ang ating mga namumuno sa Simbahan kapag nagpapahayag sila ng paninindigan laban sa pagpatay, death penalty, korapsiyon sa pamumuno, paglapastangan sa dignidad at karapatan ng tao.  Ginagawa lang nila ang kanilang tungkulin!  Hindi ito pangingi-alam sa pamahalaan.  Ito ay mabuting pangingialam upang maituwid ang kamalian.  Magalit tayo kapag ang Simbahan ay piniling manahimik na lamang sa mga kamaliang nangyayari sa ating lipunan!  Ngunit ang ating pakikialam bilang mga Kristiyano ay hindi upang ibaba ang dignidad ng iba o upang ipahamak sila. Ang ating pakikialam ay katulad ng pakikiaalam ng Diyos sa atin: pakikialam na may masuyong pagmamahal. Ibig sabihin ang layunin natin ay upang ituwid ang ating kapwa at tulungan silang mauwaan ang kanilang maling ginagawa.  Hindi tayo dapat magbulag-bulagan at magbingi-bingihan. Ang sabi nga ni Edmund Burke:"All that is needed for evil to prosper is for good people to remain silent."  At dahil nasa panahon din tayo ng Paglikha o Season of Creation ay magandang isama na rin natin ang ating pakikialam sa ating kapaligran at kalikasan sapagkat ito ay kabahagi naman talaga ng ating pamumuhay. Iwasto natin ang ating mga kapatid na mga walang pakialam sa kalinisan at kaayusan ng kapaligiran.  Marami pa rin ang walang konensiyang nagtatapon ng basura kung saan-saan.  Marami pa rin ang mga taong pinagsasamantalahan ang kalikasan sa ngalan ng pag-unlad at pagpapayaman (tulad ng illegal logging, reclamation of sea bays, illegal mining, etc.) Nangangailangan ito ng pagbuhay ng ating "social conscience" na mangyayari lamang kung ang bawat isa sa atin ay may "informed conscience".  Kaya nga ang pakikipaglaban para sa kalikasan ay dapat magsimula muna sa ating lahat,  Ngayong Taon ng mga Praokya ay sama-samang ipakita natin na may buong tapang na may pakialam tayo sa isa't isa para sa kapakanan ng ating kalikasan. Ang tema ng Season of Creation ngayong taong ito ay naakma:  "Let us celebrate and care for the earth as our "common home" as communion of communities!"  

Sabado, Setyembre 2, 2017

MANLILIKHA O MANINIRA? : Reflection for 22nd Sunday in Ordinary Time Year A - September 3, 2017 - SEASON OF CREATION

Pumasok na ang "ber months" at ito ay naghuhudyat sa atin na papalapt na ang Panahon ng Kapaskuhan.  Sa katunayan ay may mga maririnig ka ng Christmas carols na pinatutugtog sa mga radyo o kaya naman ay makakikita ka na ng mga Christmas decors sa mga shopping malls.  Ngunit huwag tayong magmadali sapagkat bago ang Panahon ng Kapaskuhan ay mayroon muna tayong Panahon ng Adbiyento o Paghahanda.  At bago ang Panahon ng Adbiyento, sa ating arkediyosesis ay may sinimulan na "bagong panahon" sa kalendaryong liturhikal ng Simbahan.  Ito ang PANAHON NG PAGLIKHA o ang SEASON OF CREATION.  Nagsisimula ito sa unang araw ng Setyembre at magtatapos sa kapistahan ni San Fransisco ng Asisi sa ika-apat ng Oktubre. Ang Panahon ng Paglikha ay apat na linggong pagdiriwang, pagninilay at panalangin na nakatuon sa pagpapahalaga sa inang kalikasan na ipinagkatiwala ng Diyos sa atin.  Ang Diyos bilang Manlilikha ay ginawa ang mundo at ibinigay sa atin bilang ating "common home" na dapat nating ingatan, pangalagaan at pagyamanin.  Dahil dito ay ginawaran N'ya rin tayo ng kapangyarihan maging manlilikha ngunit sa kasawiang palad ay hindi natin ito nagagampanan ng mabuti.  Sa halip na maging "manlilikha" ay mas nangigibabaw ang ating pagiging "maninira" ng ating kapaligiran at ng ating kalikasan.  Sa Encyclical Letter ng ating Santo Papa Francisco na pinamagatang "Laudato Si" ay tinatanong niya ang bawat isa sa atin kung ano na ang nangyayari sa "tahanang" ipinagkatiwa ng Diyos sa atin: What is happening to our common home?"  Kitang-kita naman natin at ramdam na ramdam ang pagbabagong nagaganap sa ating kapaligran.  Ang pabago-bagong panahon at klima, ang sobrang init at malakas na ulan, ang malawakang pagbaha at pagdumi ng mga ilog at karagatan, ang nagbibigay sa atin ng signos o hudyat na unti-unti ng nasisira ang ating "common home".  Kailan kaya tayo matututo? Tuloy pa rin kasi ang masasamang gawain tulad ng iresponsableng pagmimina at pagsira ng natural na eco-system sa ngalan daw ng pag-unlad.  Laganap pa rin ang "throw-away culture" sa bawat isa sa atin na kitang-kita sa pagsasayang ng pagkain at pagtatapon ng mga basura sa ating paligid.  Wala pa rin tayong pakialam sa pagkasira ng ating "tahanan".  Oras na marahil upang baguhin natin ang ating pananaw sa mga nangyayari sa ating paligid.  Sabi nga ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Roma: "Huwag kayong umayon sa takbo ng mundong ito.  Mag-iba na kayo at magbago ng isip..."  At ano ba ang takbo ng makamundong pag-iisip?  Ito ang ipinakita ni Pedro ng pinagsabihan niya si Jesus na huwag nawang itulot ng Diyos na siya ay maghirap.  Ano ang sagot ni Jesus kay Pedro?  "Lumayo ka, Satanas!  Hadlang ka sa aking landas.  Ang iniisip mo'y hindi sa Diyos kundi sa tao."  Ang makamundong pag-iisip ay ang pag-iwas sa paghihirap at sakripisyo.  Ang pag-aalaga sa ating tahanan o common home, ay nangangailangan ng malaking sakripisyo sa ating mga sarili. Ang simpleng tamang pagtatapon ng basura ay pagdidisiplina sa ating sarili.  Ang pagpapanatiling malinis ang mga daluyan ng tubig ay hindi madaling gawin at nangangailangan ng pakikiisa at pagtutulungan nating mga mamamayan.  Tandaan natin na tayo ang nakatira sa mundong ito.  Nasa ating mga kamay ang pag-aalaga at pag-iingat sa mga biyaya ng kalikasan na ipinagkatiwala lamang sa atin ng Panginoong Diyos.  Nawa ay magising na tayo sa katotohanan bago pa mahuli ang lahat.  Sa unang Linggong ito ng Panahon ng Paglikha ay maging mabubuti tayong katiwala ng ating iisang tahanan o common home!  Sa ating pangangalaga sa inang kalikasan ang Diyos ang ating pinapupurihan. "Laudato Si!"