Sino ba ang "The Good Son" sa talinhagang isinalaysay ni Jesus sa ating Ebanghelyo ngayon? Siya ba ang nagsabi ng OPO at hindi sumunod sa kanyang ama o siya ba na nagsabi ng HINDI PO at sumunod? Ang aking pangalawang tanong: masama ba ang anak na hindi sumunod at bakit kaya siya hindi sumunod? Anyare??? Ilagay mo ang iyong sarili sa kuwentong ito:
May pinag-ipunan kang bilhin at ito ay ang pangarap mong sapatos na panlaro, kulay puti, high cut at may ilaw sa ilalim. Nang makaipon ka na ng sapat na halaga ay pumunta ka ng mall upang bilhin ang iyong "dream shoes". Nagkataong may BIG SALE sa mall at agad-agad na bumungad sa iyo ang stall ng pizza na napakamura at mukhang masarap. Kahit na gutom at takam na takam ka ay nasabi mo sa iyong sarili "Hindi ako bibiili ng pizza ito! Ang perang dala-dala ko ay para sa aking dream shoes na panlaro, kulay puti, high cut at may ilaw sa ilalim!" Pag-akyat mo ng 2nd Floor ay bumungad sa iyo ang naggagandahang bags na naka-SALE din sa napakamurang halaga... 70% OFF! Muli mong sinabi sa iyong sarili na "Hindi, ang perang pinag-ipunan ko ay para sa aking dream shoes na panlaro...." Nagpunta ka sa section ng mga sapatos. May nakita kang kulay puti pero hindi naman panlaro. Hindi mo ito binili. May nakita kang panlaro na kulay puti na panlaro pero di naman "high cut" at hindi mo rin binili. May nakita ang high cut na panlaro at kulay puti pero wala namang ilaw sa ilalim. Hanggang sa makita mo sa isang sulok ang sapatos mong pinapangarap: panlaro, puti, high cut at higit sa lahat... may ilaw sa ilalim! Binili mo ito, sinubukan at isinuot sa iyong mga paa. Sigurado akong ikaw na ang pinakamasayang nilalang sa oras na iyon sapagkat sa wakas ay napasaiyo na ang iyong dream shoes na... panlaro, kulay puti, high cut at may ilaw sa paa! Ang tanong ko kanina ay kung ano ba ang nangyari sa anak na nagsabi ng OPO ngunit hindi naman sumunod. Marahil ay hindi malinaw sa kanya ang dapat niyang gawin. Marahil ay maraming "distractions" sa daan at nalihis ang kanyang landas sa kanyang layunin. Marahil ay nagkulang siya sa "focus" at hindi siya seryoso sa kanyang pagsasabi ng opo! Bagamat ang talinhaga ay itinukoy ni Jesus sa mga Hudyo na hindi tumanggap sa panawagan ni Juan Bautistang magsisi sa kanilang mga kasalanan,
ito rin ay ipinatutukoy niya sa atin na minsan ng nagsabi ng OPO sa ating pagsunod kay Kristo. Ito ay nangyari noong tayo ay bininyagan at kinumpilan. Huwag nating sabihing wala pa tayong muwang ng mangyari ito sapagkat taon-taon ay sinasariwa natin ang pangako sa ating binyag kapag panahon ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.
Ang ipinangako natin ay ating tatalikuran ang kasamaan at kasalanan at tayo ay sasampalataya kay Kristo. Sa tuwing tayo ay nakagagawa ng paglabag sa utos ng Diyos na ang tawag din natin ay kasalanan, ay binabawi natin ang ating OPO sa Diyos. Sa tuwing sinasalungat natin ang turo ng Simbahan tulad ng pagsang-ayon sa pagpatay, pagsasama ng hindi kasal sa Simbahan, abortion, divorce, same sex marriage, death penalty, etc... ay binabawi rin natin ang ang OPO sa Diyos. Sikapin nating itama ang ating mga maling pag-iisip, salita at gawa. Ngayong buwang ng Oktubre, ang Buwang ng Santo Rosaryo, ay magandang gawing mabuting halimbawa ang Mahal na Birheng Maria sapagkat siya ang tunay na nagsabi ng OPO sa paanyaya ng Diyos at ipinakita ito sa kanyang buhay.
Sa ikalimang Linggong ito sa Panahon ng Paglikha ay hinihikayat tayong magtalaga ng ating sarili sa pangangala sa ating kalikasan at ipakita ito sa paghahanap ng solusyon at naayong aksiyon upang maisakatuparan ang kaloobang ito ng Diyos na protektahan ang ating iisang tahanan! Dito ay mahalagang maisabuhay natin ang katagang
ACTION SPEAKS LOUDER THAN WORDS. Ang tunay na "THE GOOD SON" ay ang taong kayang magsabi ng OPO at pagkatapos gagawa ng pagkilos upang maisakatuparan ito!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento