Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Setyembre 24, 2017
ANG KABUTIHAN NG DIYOS AT ANG KABUUANG EKOLOHIYA (INTEGRAL ECOLOGY) : Reflection for 25th Sunday in Ordinary Time Year A - September 24, 2017 : SEASON OF CREATION
Isa sa mga ritwal na ating ginagawa sa pagdiriwang ng Misa ay ang pagbibigayan ng tanda ng KAPAYAPAAN bago ang pagtanggap ng komunyon. Noong ako ay bata pa, ito ang aking pinakaaabangang bahagi ng Misa sapagkat pagkakataon ito upang makaalis sa aking lugar na kinalalagyan at lumapit sa mga taong nais kung lapitan upang sabihan ng malakas na "Peace be with you!" Ngunit ngayong ako ay matanda na, sapat na sa akin ang lumingon sa kanan, kaliwa, likuran at iyuko ang aking ulo ng bahagya habang pabulong na sinasabi ang "Peace be with you!" Anyare? Ganun ka rin ba? Tila baga nagiging mekaniko na ang bahaging ito ng Misa at nawawala na ang tunay na kahulugan ng pagbibigay ng mahalagang tandang ito. Sa Hebreo ang kapayapaan ay ang salitang SHALOM. Karaniwang itong sinasabi ng isang Hudyo kapag may nakakasalabong siya sa kayang paglalakad o kaya naman ay kapag magbibigay siya ng kanyang paunang pagbati sa isang kalipunan. Ngunit ang "shalom" ay hindi lang simpleng pagbati ng "Peace be with you!" Ang salitang "shalom" ay nangangahulugan ng kaganapan, wholeness, completeness. Ito ang sitwasyon na kung saan ay nangyayari ang kalooban ng Diyos sa ating buhay. Ibig sabihin ang kapayapaan ay nakakamit natin kung mabuti ang ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos, sa ating kapwa, sa ating sarili at maging sa ating kapaligiran dahil ito ang kalooban ng Diyos para sa ating lahat! Ang lahat ay magkakaugnay at ito ang nagpapakita ng kabutihan ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Ang Diyos ay lubos na mabuti at kailanman ay hindi matatanto ng tao ang kanyang kabutihan. Hindi natin maiintindihan ang Kanyang pag-iisip. Hindi natin mauunawaan kung bakit patuloy Niyang pinasisikat ang kanyang araw sa mga taong mabubuti at masasama. Ito ay sapagkat iba ang pag-iisip ng Diyos sa pag-iisip ng tao: "For my thoughts are not your thoughts, nor are your ways my ways." (Isaiah 55:6) At sa ganitong konteksto dapat intindihin ang Talinhaga ng mga Manggagawa sa ubusan. Ang dapat bigyang pansin ay hindi ang kawalang-katarungan ng may ari ng ubasan sa pagbibigay ng pare-parehong sahod sa kanyang mga mangagawa kahit na iba-iba ang haba ng kanilang paglilingkod at pagod na kalakip ng kanilang paggawa. Ang dapat bigyang pansin ay ang kabutihang-loob ng may-ari ng ubasan nagbigay ng arawang sahod kahit sa mga huling nagtrabaho at kaunting oras lamang na nagpagod. "Are you envious because I am generous?" (Mt. 20:15) ang tanong niya sa mga umaangal sa kanilang sahod na tinanggap. Ang ating Diyos ay lubos na mabuti at mapagbigay. He is a generous God! Sa halip na tayo ay umangal at magmaktol sa kanyang mga ibinibigay sa atin, ay dapat magpasalamat na lamang tayo sa ating mga biyaya. Marami tayong dapat pasalamatan sa Kanya. Naririyan na ang biyaya ng kalusugan, tahanan, pamilya, mga kaibigan, pagkain araw-araw, at kasama na rin ang biyaya ng kalikasanan. Kung paanong ang Diyos ay mapagbigay dapat tayo rin ay matutong magbigay ng ating panahon, kakayahan at kayamanan upang pagyamanin ang mga biyaya ng Diyos sa atin. Iwasan antin ang maaksayang pamumuhay. Huwang nating sayangin ang ating oras sa walang kuwentang gawain. Huwag aksayahin ang ating pagkain. Maging maingat sa pagbili ng mga bagay at gamitin ng mabuti kung ano ang meron sa atin. Ito ang pagpapakita natin ng pasasalamat sa kabutihan ng ating Diyos. Ingatan natin ang ating mundo na marupok: "Fragile, handle with care!" Ang "Integral Ecology" ay nangangahulugan ng "integral approach" upang matugunan ang krisis na unti-unting sumisira sa ating iisang tahanan na ipinagkaloob ng Diyos sa atin.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento