Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 7, 2017
LIFE IS UNFAIR: Reflection for 27th Sunday in Ordinary TimeYear A - October 8, 2017 - SEASON OF CREATION
"Life is not perfect!" Kung paanong walang perpektong tao ay gayun din naman, wala ring perpektong buhay! May isang lalaking pilit na hinahananp ang perpektong babae para sa kanya. May nakilala siyang magandang babae sa FB. Pero ng maka-eyeble nya ay di naman pala ganun kakinis ang mukha. Naduktor lang pala ng apps na pampaganda. May nakilala uli siyang maganda na at seksi pa! Akala niya ay siya na ang perfect girl para sa kanya. Nang lapitan niya ay ang angas naman ng pag-uugali. Sa huli ay nakilala niya ang isang babaeng "nasa kanya na ang lahat", maganda, seksi, mahinhin kumilos at magsalita. Siya na nga ang perfect gitrl na hinahanap niya! Ngunit laking pagkalungkot niya ng pagkatapos lamang ng ilang araw na pagpapakilala sa isa't isa ay bigla na lamang umalis at hindi na nagpakita sa kanya ang kanyang "perfect girl", Ang dahilan? Hindi daw siya ang perfect boy na hinahanap n'ya! Totoong walang perpektong tao sa mundo. Wala ring perpektong buhay! May mga taong ginagawa ang lahat para maging perpekto ang kanilang anyo. May mga "Xander Ford" na gusto ng iwan ang pagiging "Marlou" sa ngalan ng katanyagan at kasikatan. Ang sabi ng mga natural na guwapo "Life is unfair! Paano naman kaming ipinanganak na gwapo o maganda?" Pero dapat nating tandaan: "Life doesn't have to be perfect to be wonderful." Posible talaga ang pagiging "UNFAIR" ng buhay! Sa unang pagbasa at ebanghelyo ay ipinapakita sa atin ang pagiging unfair ng tao sa kanyang pagsagot sa kagandahang loob ng Diyos. Sa aklat ni Propeta Isaias ay narinig natin na ginawa ng lahat ng may-ari ng ubasan upang magkaroon ng magandang bunga ang kanyang mga tanim na ubas ngunit ang ibinunga nito ay maaasim na prutas . Sa Ebanghelyo naman ay narinig natin ang hindi patas na trato ng mga kasama ng may-ari ng ubasan sa mga isinugo ng may-ari upang kunin ang parte niya sa inani. Pagkatapos ng kanyang mga ginawa para mapaganda ang ani ng ubasan ay karahasan sa mga isinugo at pagpatay sa kanyang sariling anak ang kanilang isinukli. Talaga nga namang hindi pantay ang nangyayari sa buhay. Ang sabi ni Bill Gates: "Life is unfair; get used to it!" Bagamat hinahangaan ko si Bill Gates ay hindi naman ako sang-ayon sa sinabi niya. Ang pagkakawalang bahala sa mga maling nangyayari sa ating lipunan ay lumilikha ng "Culture of impunity", na kung saan ay pinababayaan na lang nating maghari ang kasamaan sa ating paligid at nagiging katanggap-tanggap sa atin ito. Nariyan na ang mga di makatarugang pagpatay na dala ng War on Drugs. Bakit nga ba ang karamihan sa mga pinapatay ay mahihiirap? Pareho din sa kasalanan laban sa kapaligrian. May mga taong kayang sumira ng kalikasan at kabuhayan ng tao sa ngalan ng pag-unlad at personal na interes tulad ng makasariling pagpapayaman. Ang mga taong ito ay walang kaalam-alam na sila ay nagkakagaw ng "ECOCIDE" o ecologial suicide na kung saan ay ikapapahamak ng ating mundo. Ang panawagan ng Santo Papa Francisco sa kanyang sulat na "Laudato Si" ay sikapin nating magkaroon ng ECOLOGICAL EDUCATION at ECO-SPIRITUALITY upang magkaroon tayo ng kaalaman sa pagsolusyon sa ating dinaranas na ECOLOGICAL CRISIS. Sa pagtatapos ng Panahon ng Paglikha o Season of Creation ay hinahamon tayong huwag balewalain ang pagdaing ng ating Inang Kalikasann. "Life is not always fair, but God is always faithful." Sikapin nating huwag magwalang bahala sa harap ng maraming kamalian sa ating paligid. Isabuhay natin ang pagiging RESPONSIBLE STEWARDS na naatasan ng Diyos na alagaan at pagyamanin ang kanyang mga nilikha.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento