Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Oktubre 14, 2017
MAKALANGIT NA PIGING : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year A - October 15, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ang sarap maimbitahan sa isang salo-salo! Masarap kumain lalo na't libre! Lalo na tayong mga Pilipino, mahilig magpakain kapag may okasyon. Mahilig tayong maghanda kapag may pagdiriwang. May pakain tayo kapag may bininyagang bata. May pakain din sa araw ng kaarawan, sa araw ng pagtatapos, sa kasal, at kahit maging sa patay, wala tayong pinatatawad basta't paghahanda ng salo-salo. At dahil ito ay "salo-salo" ay nag-iimbita tayo ng mga bisita. Mas marami mas masaya! Dito ay walang pagkakaiba ang mahirap sa mayaman. Nais nating mapasaya ang maraming tao sa ating pagsasaluhang handaan. Naalala ko noong ako ay isang bagong pari pa lamang at nagmisa sa kapistahan ng isang barrio. Pagkatapos ng Misa ay kaliwa't kanan ang nag-imbita sa akin na kumain sa kanilang bahay. Ako naman, upang mapasaya ang mga taong iyon, ay nangakong pupunta sa kanilang mga bahay. Nakakalimang bahay pa lang ako ay parang sumusuko na ang aking sikmura! Paano ba naman, sa limang bahay na pinuntahan ko ay pare-pareho ang handa, parepareho ang luto ng ulam: menudo, kaldereta, dinuguan, pansit. Ikaw kaya ang kumain sa limang bahay na pare-pareho ang lasa ng pagkain? Pero gayun pa man ay hindi ko sila binigo! Tinikman ko lahat ang kanilang inihanda. Masama ang loob ng hari na naghanda ng piging para sa kasal ng kanyang anak na lalaki sapagkat sa huling sandali ay umatras ang kanyang mga inimbitahan sa salo-salo. Paano nga naman itong tatawing salo-salo kung walang kasalo? Magiging SOLO-SOLO sa halip na SALO-SALO ang kainan. Kaya't napalitan siyang tawagin ang mga tao sa lansangan upang maipagpatuloy pa rin ang dapat na masayang piging! Ang talinhangang ito ay unang patungkol ni Jesus sa mga Hudyo na unang nabiyayaan ng imbitasyon na makibahagi sa piging ng kaharian ng Diyos, ngunit hindi nila tinanggap ang kanyang paghahari noong isinugo niya nag kanyang Anak. Kaya't ibinaling ng Diyos ang kanyang paanyaya sa kanyang bagong bayang hinirang! Tayo ang bayang iyon na tumanggap kay Jesus bilang ating Diyos at tagapagligtas. Ang paanyayang ito ay nagpapatuloy magpahanggang ngayon. Ang salo-salo na ating ginagawa sa tuwing tayo ay nagsisimba at dumadalo sa Santa Misa ay nagpapahayag ng ating pakikiisa at pagtugon sa paanyaya ng Diyos na makibahagi ng masaya sa Kanyang inihandang piging. Ito ay sumasalamin sa tunay na piging na kung saan ay makakapiling nating Siya magpakailanman at magpasawalang hanggan. Kaya't ang Banal na Eukaristiya ay tinatawag din nating "heavenly banquet", isang makalangit na pagsasalo na kung saan ay tinatanggap natin ang biyaya ng kaligtasan. Ugaliin sana natin ang pagtanggap ng Katawan ni Kristo sa Banal na Komunyon kung wala namang sagabal o hadlang sa ating mga sarili. Mas nagiging ganap ang ating pakikiisa sa Misa kung nakikisalo tayo sa iisang Katawan ni Kristo. Ngunit tandaan natin na ang Katawan ni Kristo ay hindi lang naman ang Banal na Ostiang ating tinatanggap. Ito rin ay ang Katawan ni Kristong nananahan sa ating kapwa. Kaya nga kung nagpahayag tayo ng "amen" sa ating pagtanggap kay Jesus, na nangangahulugan ng ating pagsang-ayon, dapat lang na tanggapin din natin ang ating kapwa anuman ang kanilang katayuan sa buhay. Marahil madaling tanggapin ang mga kaaya-aya sa atin subalit ang hamon sa atin ay mahalin din ang mga "unlovables" kung tawagin. Kasama na rito ang mga taong may sama tayo ng loob at ang ating mga kaaway. Kaya din ba natin silang tanggapin? Magiging masaya ang pagsasalo-salo sa Banal na Piging kung tatanggapin natin ang lahat tulad ng pagtanggap sa atin ng Diyos. Ngayong Taon ng Parokya ay ipakita natin ang pagkakaisa sa pamamagitan ng buong pusong pagtanggap sa bawat isa lalong-lalo na sa mga nalalayo sa ating Simbahan at sa mga taong naisasantabi ng lipunan. Ang Banal na Piging ay para sa lahat. Wala itong itinatangi sapagkat tayo ay iisang Simbahang nagsasalo-salo sa PIGING NI KRISTO!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento