Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Martes, Oktubre 31, 2017
TODOS LOS SANTOS: Reflection for All Saints Day Year A - November 1, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Isang araw si Pedro ay umuwi ng bahay na umiiyak at hawak-hawak ang kanyang ulong wala ng buhok. "Anung nangyari sa ulo mo? Bakit nagpakalbo ka? tanong ng kanyang nanay. "Paano po kasi naglaro kami ng bunutan ng buhok ng kaibigan kong si Juan. Kada banggit ng pangalan ng isang Santo ay bubunutan ng buhok! Halimbawa po, San Juan Bosco, isang buhok po yun! Banal na mag-anak na Jesus Maria at Jose... tatlo po yun! Labindalawang apostol... labindalawang buhok po yun!" sagot ni Pedro. "O eh bakit naman buong buhok mo ang naubos?" tanong ng nanay. "Kasi po ng naubusan na siya ng maibibigay na pangalan ng santo bigla ba namang sinigaw niya ang TODOS LOS SANTOS! Ayun sa barbero ang tuloy ko! Tama nga naman, dahil ang todos delos santos ay nangangahulugan ng "lahat ng mga banal." Sa katunayan nga ay kulang pa ang lahat ng buhok natin upang mabilang ang lahat ng mga banal sa langit. Mas marami kasi sa kanilang mga "nasa itaas" ang wala sa opisyal na listahan ng Simbahan na titnatawag natin ngayon sa titulong Santo o Santa. Bagamat wala man ang kanilang pangalan sa hanay ng mga banal ay alam naman natin na ang kanilang mabuting pamumuhay ang nagsisiguro na naroon na sila sa kalangitan at nagdarasal para sa atin. Naging tapat silang lahat sa pagsunod kay Hesukristo kaya't karapat-dapat lang na tamuhin nila ang gantimpalang mapabilang sa kaharian ng langit. Sila ang mga "mapapalad" na tinukoy ni Jesus sa Ebanghelyo. Marahil sa mata ng mundo sila ang mga aba, nagugutom, tumatangis, inuusig, inaapi. Ngunit sa mata ng Diyos, sila ang tinuturing Niyang "mapapalad" sapagkat noong sila ay nabubuhay pa ay lubos ang kanilang pagtitiwala sa kabutihan ng Diyos. Hingin natin ang kanilang pamamagitan. Magdasal tayo sa kanila na sana tayo rin ay mabilang isang araw sa kanilang hanay. Sapagkat ito naman talaga ang ating "bokasyon" o pagtawag sapul pa ng ating pagsilang... ang magpakabanal! Kaya nga't ang kapistahang ito ay hindi lamang para sa kanila. Sa katunayan, ito ay para sa atin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang panalangin. Tayo ang nangangailangan ng kanilang inspirasyon upang matulad tayo sa kanila at isang araw ay mapabilang din sa hanay ng mga banal. Sikapin nating magpakabuti habang tayo ay naririto pa sa lupa. Ang kasalanan ang hadlang sa ating pagiging banal. Sa tuwing tayo ay gumagawa ng kasalanan ay nalilihis tayo sa pagtawag ng Diyos na maging banal. Ang kabanalan ay pagtawag para sa lahat. Akuin natin ang pagiging banal. Isabuhay natin ang mga aral ni Kristo. Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti at balang araw ay makakamit din natin ang gantikmala ng kalangitan. Balang araw ay kasma na rin tayo sa tinagurinag TODOS LOS SANTOS!
Linggo, Oktubre 29, 2017
TANDA NG PAG-IBIG: Reflection for 30th Sunday in Ordinary Time Year A - October 29, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Mahalaga sa ating mga Katoliko ang "tanda ng krus." Sa katunayan, lahat ng ating mga panalangin ay pinangungunahan nito. Sa mahahalagang ritwal ito ay itinatanda natin sa ating mga sarili. May mga ibang Katoliko pa nga na ginagamit ito sa walang kabuluhang bagay tulad ng sa paglalaro ng basketball, volleyball at kahit na boksing. May iba naman na ginagamit ang tanda ng krus kapag nagugulat o kapag natatakot. Gaano ba kahalaga sa atin ito. Ito ang unang tanda na ating tinaggap noong tayo ay bininyagan. Ito ang tatak ng ating pananampalataya. Ang tatak ay mahalaga sapagkat ipinapakita nito ang halaga ng isang bagay. Halimbawa ay ang mga branded t-shirts na adidas o nike. Kung ang mga ito ay "orig" ay mahal ang mga ito. Ngunit kung ang mga ito ay nabii lamang sa divisoria, maaring peke ang mga ito at dahil d'yan ay mumurahin! Ang tatak ng krus ay tunay na pagpapakita ng kadakilaan ng pagmamamahal ng Diyos sa atin. Dito siya nag-alay ng kanyang buhay upang tuparin ang kalooban ng Ama at ibalik sa atin ang ating kaligtasan. Dito niya ipinakita sa atin ang kahalagahan ng dakilang utos ng pag-ibig na ipinapahayag ng "vertical" at "horizontal dimension" ng ating pananampalataya. Nang si Jesus ay tanungin kung ano ba ang pinakamahalaga sa kautusan ay ibinigay niya ang buod ng 613 na batas na kanilang sinusunod. May katwiran ang katanungan ng dalubhasa sa batas kung ibabatay natin ito sa napakaraming detalyadong kautusan na pilit nilang isinasabuhay. Ang sagot ni Jesus ay di naman talaga bago sa kanila, "Ibigin mo ang ang Diyos ng buo mong puso, kaluluwa at pag-iisip." Ang mga Hudyo ay likas na maka-Diyos. Ngunit ang idinugtong niya ang tila bago sa kanilang pag-isiip, "Mahalin mo ang iyong kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili". Bago sapagkat ito ay inilagay ni Jesus na kasing halaga ng pag-ibig sa Diyos. Ang pagkakamali nila, na marahil ang pagkukulang din natin, ay pinaghihiwalay natin ang dalawang kautusang ito. Marami sa ating mga Kristiyano na ang akala nila sa sarili ay matuwid sila sapagkat lagi silang nagsisimba at nagdarasal. Ngunit kung titingnan mo naman ang pagkilos ay kulang sa pagmamahal sa kapwa. Nariyan na ang mga taong nanlalait, nanlalamang at naninira sa iba pero hawak-hawak ang rosaryo at nagdarasal. Tandaan natin na ang tunay na pagiging maka-Diyos ay dapat maghubog sa atin upang maging tunay na maka-tao! Para saan pa ang pananampalataya sa Diyos na hindi mo nakikita kung ang kapwang nasa tabi mo lang ay hindi mo iginagalang? Para saan pa ang mahahabang panalangin kung nagwawalang bahala ka naman sa mga pangangailangan ng iba? Iisa lang ang kautusan at iyan ay ang batas ng pag-ibig! Kung tunay nating mahal ang Diyos, dapat ay nasasalamin din nito ang pagmamahal sa ating kapwa. Ang mga taong nag-aakalang matuwid dahil literal nilang tinutupad ang sinasabi ng batas ngunit kulang naman sa pagsasabuhay ng diwa nito ay ang mga taong mapagpaimbabaw at ang pagsamba nila ay nasa salita lamang. Sila ay nabulagan na ng kanilang pagiging relihiyoso at hindi na makita si Jesus sa mukha ng kanilang kapwang nangangailangan. Tingnan natin ang ating mga sarili at baka naman nagiging katulad na tayo nila. Ang dalawang dakilang utos na ito ay dapat parang mga sapatos na suot suot natin sa ating mga paa. Hindi naman tayo nagsusuot ng sapatos na isang paa lang ang gamit. Dapat dalawa! Ganun din sa pagsunod sa batas ng pag-ibig. Hindi maaring Diyos lang ating mahal at hindi ang ating kapwa. Ganun din naman hindi mo masasabing mahal mo ang kapwa mo kung hindi ka kumikilala sa Diyos. Ngayong Taon ng Parokya sikapin natin maging ganap ang ating pagmamahal upang maisabuhay natin ang dakilang utos ni Jesus. Ang "communion of communities" ay maisasakatuparan natin kung pinaghaharian tayo ng tunay na pagmamahal... pag-ibig sa Diyos... pag-ibig sa kapwa!
Sabado, Oktubre 21, 2017
KATOLIKONG PINOY: Reflection for 29th Sunday in Ordinary Time Year A - October 22, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Sino ba ang Katolikong Pinoy? Kapag nahaharap ang Simbahang Katoliko sa usapin na may kinalaman sa pamamalakad ng gobyerno ay agad-agad na ipinapasok ng kanyang mga kritiko ang usapin ng "separation of Church and State" na para bagang sinasabing walang karapatang makialam ang Simbahan sa mga usapin ng lipunan. Meron ba talaga? Mapaghihiwalay ba natin ang ating pagiging Kristiyano sa ating pagiging Pilipino. Pakinggan ninyo ang kuwentong ito: "Isang pari ang may alagang parrot at tinuruan niya ito na hindi lamang magsalita kundi rin kumanta. Ngunit kakaiba ang pagtuturo n'ya rito. Kapag hinila mo ang kanang paa nito ay kakanta ito ng "Lupang Hinirang" at kapag kaliwa naman ay "Ama Namin". Minsang dumalaw ang obispo sa kanilang simbahan at buong yabang na pinagmalaki ng pari ang kanyang alaga. Tuwang-tuwa ang obispo at sinubukan niyang hilahin ang kanang paa ng ibon. Kumanta naman ito ng "Bayang, magiliw..." at sinunod naman nitong hilahin ang kaliwang paa. "Ama namin sumasalangit ka..." Namangha ang obispo at naglaro ang kanyang isip. "Ano kaya ang kakantahin nito kapag hinila kong sabay ang kanan at kaliwang paa?" sabay lapit sa ibon na tila hahawakan na ang dalawang paa nito. Biglang bulalas ng ibon: "Hoy tanga! Huwag subukan gawin yan! Malalaglag ako!" Puwede nga bang pagsabayin ang Ama Namin at Lupang Hinirang? Puwedeng bang pagsabayin ang pagiging Maka-Diyos at Maka-bayan? Maraming nagsasabing hindi! Kung paano ang langis at tubig ay hindi mapaghahalo ay ganun din daw ang Simbahan at pulitika. Ano ba ang pananaw ni Jesus dito? Nang tinanong si Jesus kung karapat-dapat bang magbayad ng buwis sa Cesar (Emperador ng Roma) ay napakasimple ng kanyang sagot: "Ibigay sa Cesar ang sa Cesar at ang Diyos naman ay dapat ibigay sa Diyos!" Sinasabi sa 'tin ni Jesus na hindi dapat natin kaligtaan ang ating tungkulin sa Diyos kahit na tayo ay naglilingkod sa lipunan at gayundin naman ay di dapat kaligtaaan ang tungkulin sa lipunan kung tayo naman ay naglilingkod sa Diyos! Malimit gamitin ng mga kalaban ng Simbahan ang artikulong "separation of Church and State" na nakasaad sa ating Saligang Batas para hindi sila pakialaman ng Simbahan sa mga maling pamamalakad nito. Ngunit hindi ganito ang turo ng Diyos. Ang Simbahan ay may pananagutan kapag ang itinuturo ng estado ay labag sa pananampalataya at buhay moral! Ibig sabihin, ang Simbahan, sa pamamagitan ng kanyang turo at aral ay maaring magsilbing "propeta" upang magbigay babala sa mga mamamayan kung ang tinatahak na landas ng pamamahala ng gobyerno ay taliwas sa aral ni Kristo at ikinasasama na ng moral na pamumuhay ng mga mamamayan. Hinihikayat din tayong maging mabubuting Kristiyano sa pamamagitan ng masusing pagtupad ng ating tungkulin sa Diyos at sa ating bayan. Ang pagiging mabuting Kristiyano ay pagiging maka-Diyos at maka-tao at ang pagiging tapat na mamayan naman ay maipapakita sa pagiging maka-bayan at maka-mamamayan. Ang lahat ng ito ay sapagkat may iisa tayong Diyos na sinasamba at pinaniniwalaan. Anuman ang ating lahi o kultura, iisang Diyos ang kumakalinga at nag-aalaga sa atin. Kaya nga't pagsilbihan natin Siya sa pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan ngunit huwag din nating kalilimutang mabuhay na mabubuting mamamayan ng Kanyang kaharian. Maging matapang sa pagharap at pagtutol sa mga katiwaliang sumisira sa dangal ng ating pagkatao bilang Kristiyano at bilang Pilipino. Ang namayapa na Santo Papang si Pope Paul VI na ngayon ay isa ng "Blessed", na bumisita dito sa atin noong 1970, ay nagmistulang propeta sa pagsasabi sa tungkuling dapat gampanan ng Simbahan sa mga darating na taon na kung saan ang Simbahan ay haharap sa maraming pagsalungat. Pagkatapos ng limampung taon ay tila nagkakatotoo nga ang kanyang ipinahayag kung ano dapat ang "identity" ng Simbahan sa ating kasalukuyang panahon. Una, ay ang pagiging Simbahang Makatarungan. Ang sabi ng Santo Papa, "If you want peace, work for justice." Ito ay totoong totoo sa atin ngayon. Kung bakit hindi natin makamit ang kapayapaang ating minimithi ay sapagkat hindi pa rin maibigay sa lahat ang katarungang nakalaan para sa lahat. Isa na d'yan ang pagyurak sa ating "human rights". Hindi ba't nagkaroon pa nga ng panukula na gawing Php 1,000 lang ang budget ng Human Rights Commission? Ito ba ang pagpapahalaga natin sa ating pansariling katarungan? Kasama din dito ang hindi makatarungang mga pagpatay o "extra juducial killing" na hanggang ngayon ay hindi pa rin makilala at mahuli ang mga gumagawa nito. Pangalawa ay ang pagiging Simbahang Maawain. Pinagnilayan natin ito noong Year of Mercy. Sa mga nangyayari sa ating lipunan ngayon ay nakikita ng ibang mas madaling paraan ang pagpatay sa mga taong masasama. Mas madali ang maghusga kaysa umunawa. Kaya nga ang paanyaya sa atin ni Pope Francis ay ibahagi natin ang awa at malasakit ng Panginoon lalo na sa mga taong hindi kaibig-ibig at nakakaligtaang kalingain ng lipunan. At ang pangatlo ay ang pagiging Simbahang Misyonero. Ang sabi ng Santo Papa, "the Church exist in order to evangelize!" Ibig sabihin ay mawawalan ng saysay ang Simbahan kapag hindi niya magampanan ang tungkuling magpahayag ng Mabuting Balita ni Kristo. Sa ating kasalukuyang panahon ay ginagawa ito ng Simbahan sa walang takot na paninindigan at pagtuturo ng aral ni Kristo sa mga usapin tulad ng death penalty, extra juducial killing, abortion at contraception, divorce at same sex marriage, at marami pang iba. Kalimitan ay natutuligsa ang Simbahan at tila baga nagiging kalaban ng makabagong isipan at pag-unlad. Ngunit nananatiling matatag ang paninindigan ng Simbahan sa mga paniniwala nito kahit ito pa man ay hindi popular sa mas nakararaming tao. Sa nalalapit na pagtatapos ng Taon ng Parokya, bilang "Communion of Communities" ay maipapakita natin ang pagiging iisang Simbahan sa pagiging mabuting anak ng Diyos at pagiging tapat na mamamayan ng ating lipunan. Be good Christians and honest citizens! Ito ang pagiging Katolikong Pinoy!
Sabado, Oktubre 14, 2017
MAKALANGIT NA PIGING : Reflection for 28th Sunday in Ordinary Time Year A - October 15, 2017 - YEAR OF THE PARISH AS COMMUNION OF COMMUNITIES
Ang sarap maimbitahan sa isang salo-salo! Masarap kumain lalo na't libre! Lalo na tayong mga Pilipino, mahilig magpakain kapag may okasyon. Mahilig tayong maghanda kapag may pagdiriwang. May pakain tayo kapag may bininyagang bata. May pakain din sa araw ng kaarawan, sa araw ng pagtatapos, sa kasal, at kahit maging sa patay, wala tayong pinatatawad basta't paghahanda ng salo-salo. At dahil ito ay "salo-salo" ay nag-iimbita tayo ng mga bisita. Mas marami mas masaya! Dito ay walang pagkakaiba ang mahirap sa mayaman. Nais nating mapasaya ang maraming tao sa ating pagsasaluhang handaan. Naalala ko noong ako ay isang bagong pari pa lamang at nagmisa sa kapistahan ng isang barrio. Pagkatapos ng Misa ay kaliwa't kanan ang nag-imbita sa akin na kumain sa kanilang bahay. Ako naman, upang mapasaya ang mga taong iyon, ay nangakong pupunta sa kanilang mga bahay. Nakakalimang bahay pa lang ako ay parang sumusuko na ang aking sikmura! Paano ba naman, sa limang bahay na pinuntahan ko ay pare-pareho ang handa, parepareho ang luto ng ulam: menudo, kaldereta, dinuguan, pansit. Ikaw kaya ang kumain sa limang bahay na pare-pareho ang lasa ng pagkain? Pero gayun pa man ay hindi ko sila binigo! Tinikman ko lahat ang kanilang inihanda. Masama ang loob ng hari na naghanda ng piging para sa kasal ng kanyang anak na lalaki sapagkat sa huling sandali ay umatras ang kanyang mga inimbitahan sa salo-salo. Paano nga naman itong tatawing salo-salo kung walang kasalo? Magiging SOLO-SOLO sa halip na SALO-SALO ang kainan. Kaya't napalitan siyang tawagin ang mga tao sa lansangan upang maipagpatuloy pa rin ang dapat na masayang piging! Ang talinhangang ito ay unang patungkol ni Jesus sa mga Hudyo na unang nabiyayaan ng imbitasyon na makibahagi sa piging ng kaharian ng Diyos, ngunit hindi nila tinanggap ang kanyang paghahari noong isinugo niya nag kanyang Anak. Kaya't ibinaling ng Diyos ang kanyang paanyaya sa kanyang bagong bayang hinirang! Tayo ang bayang iyon na tumanggap kay Jesus bilang ating Diyos at tagapagligtas. Ang paanyayang ito ay nagpapatuloy magpahanggang ngayon. Ang salo-salo na ating ginagawa sa tuwing tayo ay nagsisimba at dumadalo sa Santa Misa ay nagpapahayag ng ating pakikiisa at pagtugon sa paanyaya ng Diyos na makibahagi ng masaya sa Kanyang inihandang piging. Ito ay sumasalamin sa tunay na piging na kung saan ay makakapiling nating Siya magpakailanman at magpasawalang hanggan. Kaya't ang Banal na Eukaristiya ay tinatawag din nating "heavenly banquet", isang makalangit na pagsasalo na kung saan ay tinatanggap natin ang biyaya ng kaligtasan. Ugaliin sana natin ang pagtanggap ng Katawan ni Kristo sa Banal na Komunyon kung wala namang sagabal o hadlang sa ating mga sarili. Mas nagiging ganap ang ating pakikiisa sa Misa kung nakikisalo tayo sa iisang Katawan ni Kristo. Ngunit tandaan natin na ang Katawan ni Kristo ay hindi lang naman ang Banal na Ostiang ating tinatanggap. Ito rin ay ang Katawan ni Kristong nananahan sa ating kapwa. Kaya nga kung nagpahayag tayo ng "amen" sa ating pagtanggap kay Jesus, na nangangahulugan ng ating pagsang-ayon, dapat lang na tanggapin din natin ang ating kapwa anuman ang kanilang katayuan sa buhay. Marahil madaling tanggapin ang mga kaaya-aya sa atin subalit ang hamon sa atin ay mahalin din ang mga "unlovables" kung tawagin. Kasama na rito ang mga taong may sama tayo ng loob at ang ating mga kaaway. Kaya din ba natin silang tanggapin? Magiging masaya ang pagsasalo-salo sa Banal na Piging kung tatanggapin natin ang lahat tulad ng pagtanggap sa atin ng Diyos. Ngayong Taon ng Parokya ay ipakita natin ang pagkakaisa sa pamamagitan ng buong pusong pagtanggap sa bawat isa lalong-lalo na sa mga nalalayo sa ating Simbahan at sa mga taong naisasantabi ng lipunan. Ang Banal na Piging ay para sa lahat. Wala itong itinatangi sapagkat tayo ay iisang Simbahang nagsasalo-salo sa PIGING NI KRISTO!
Sabado, Oktubre 7, 2017
LIFE IS UNFAIR: Reflection for 27th Sunday in Ordinary TimeYear A - October 8, 2017 - SEASON OF CREATION
"Life is not perfect!" Kung paanong walang perpektong tao ay gayun din naman, wala ring perpektong buhay! May isang lalaking pilit na hinahananp ang perpektong babae para sa kanya. May nakilala siyang magandang babae sa FB. Pero ng maka-eyeble nya ay di naman pala ganun kakinis ang mukha. Naduktor lang pala ng apps na pampaganda. May nakilala uli siyang maganda na at seksi pa! Akala niya ay siya na ang perfect girl para sa kanya. Nang lapitan niya ay ang angas naman ng pag-uugali. Sa huli ay nakilala niya ang isang babaeng "nasa kanya na ang lahat", maganda, seksi, mahinhin kumilos at magsalita. Siya na nga ang perfect gitrl na hinahanap niya! Ngunit laking pagkalungkot niya ng pagkatapos lamang ng ilang araw na pagpapakilala sa isa't isa ay bigla na lamang umalis at hindi na nagpakita sa kanya ang kanyang "perfect girl", Ang dahilan? Hindi daw siya ang perfect boy na hinahanap n'ya! Totoong walang perpektong tao sa mundo. Wala ring perpektong buhay! May mga taong ginagawa ang lahat para maging perpekto ang kanilang anyo. May mga "Xander Ford" na gusto ng iwan ang pagiging "Marlou" sa ngalan ng katanyagan at kasikatan. Ang sabi ng mga natural na guwapo "Life is unfair! Paano naman kaming ipinanganak na gwapo o maganda?" Pero dapat nating tandaan: "Life doesn't have to be perfect to be wonderful." Posible talaga ang pagiging "UNFAIR" ng buhay! Sa unang pagbasa at ebanghelyo ay ipinapakita sa atin ang pagiging unfair ng tao sa kanyang pagsagot sa kagandahang loob ng Diyos. Sa aklat ni Propeta Isaias ay narinig natin na ginawa ng lahat ng may-ari ng ubasan upang magkaroon ng magandang bunga ang kanyang mga tanim na ubas ngunit ang ibinunga nito ay maaasim na prutas . Sa Ebanghelyo naman ay narinig natin ang hindi patas na trato ng mga kasama ng may-ari ng ubasan sa mga isinugo ng may-ari upang kunin ang parte niya sa inani. Pagkatapos ng kanyang mga ginawa para mapaganda ang ani ng ubasan ay karahasan sa mga isinugo at pagpatay sa kanyang sariling anak ang kanilang isinukli. Talaga nga namang hindi pantay ang nangyayari sa buhay. Ang sabi ni Bill Gates: "Life is unfair; get used to it!" Bagamat hinahangaan ko si Bill Gates ay hindi naman ako sang-ayon sa sinabi niya. Ang pagkakawalang bahala sa mga maling nangyayari sa ating lipunan ay lumilikha ng "Culture of impunity", na kung saan ay pinababayaan na lang nating maghari ang kasamaan sa ating paligid at nagiging katanggap-tanggap sa atin ito. Nariyan na ang mga di makatarugang pagpatay na dala ng War on Drugs. Bakit nga ba ang karamihan sa mga pinapatay ay mahihiirap? Pareho din sa kasalanan laban sa kapaligrian. May mga taong kayang sumira ng kalikasan at kabuhayan ng tao sa ngalan ng pag-unlad at personal na interes tulad ng makasariling pagpapayaman. Ang mga taong ito ay walang kaalam-alam na sila ay nagkakagaw ng "ECOCIDE" o ecologial suicide na kung saan ay ikapapahamak ng ating mundo. Ang panawagan ng Santo Papa Francisco sa kanyang sulat na "Laudato Si" ay sikapin nating magkaroon ng ECOLOGICAL EDUCATION at ECO-SPIRITUALITY upang magkaroon tayo ng kaalaman sa pagsolusyon sa ating dinaranas na ECOLOGICAL CRISIS. Sa pagtatapos ng Panahon ng Paglikha o Season of Creation ay hinahamon tayong huwag balewalain ang pagdaing ng ating Inang Kalikasann. "Life is not always fair, but God is always faithful." Sikapin nating huwag magwalang bahala sa harap ng maraming kamalian sa ating paligid. Isabuhay natin ang pagiging RESPONSIBLE STEWARDS na naatasan ng Diyos na alagaan at pagyamanin ang kanyang mga nilikha.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)