Mahigpit daw na ipatutupad ang pagbabawal sa mga paputok sa pagsalubong sa bagong taon. Pero bakit ganoon? Kapag pinagbabawal ay mas lalo pang ginagawa! Bawal magsinungaling, bawal mangopya, bawal maleyt, bawal mag-absent, bawal magboyfriend (o girlfriend), bawal magmura, bawal magpaputok! Ang daming pagbabawal pero bakit marami pa rin ang gumagawa? Ang sabi ng iba ay masarap daw kasi ang bawal... tulad ng bawal na pag-ibig! Sa pagsalubong sa isang manigong bagong taon ay marami ring pagbabawal upang hindi malasin. Sabi ng isang text na aking natanggap: “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa. Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!” Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At dito ay ibinibigay sa ating ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Dinapuan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa tapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Lagi naman natin itong dinarasal "... sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." Sapat lamang na isabuhay natin ito ng may pananalig. Kahit hindi natin alam ang naghihintay sa atin sa bagong taong hinaharap, ang isang taong tumutupad sa kalooban ng Diyos ay walang dapat ikatakot. Kaya't huwag nating ipagsapalaran sa mga pamahiin ang ating kinabukasan. Kung tutularan lamang natin ang Mahal na Birhen at sasabihin din nating "mangyari nawa sa aking ayon sa wika mo..." tayo ay pagpapalain ng Panginoon at tatawagin Niyang mapalad. Ito ang susi kung nais nating maalis ang malas at pumasok ang buenas sa taong ito.
PS: Baka makatulong din ito: 3 Mabuting bisyo sa Taong 2018: ALAK, SUGAL, BABAE:
ALAK: Alalahanin Lagi Ang Kapwa, SUGAL: Sa Umaga Gunitain Ang Lumikha, BABAE: Basahin Ang Biblia At Ebanghelyo. Simulan ang "bisyo" ngayong bagong taon! ALAK, SUGAL at BABAE PA MORE!!!
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Disyembre 31, 2017
Sabado, Disyembre 30, 2017
SUSMARYOSEP... PAMILYANG MARANGAL AT BANAL: Reflection for the Feast of the Holy Family - Year B - December 31, 2017 - YEAR F THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Lahat tayo ay tumanggap ng isang mahalagang regalo noong araw ng Pasko. Siya ay ang "Emmanuel", ang Diyos na sumasaatin Pinili ng Diyos na isilang sa isang pamilya at ang pamilyang ito ay tinawag nating BANAL NA PAMILYA nina Jesus, Maria at Jose. Alam n'yo bang parating nating nababanggit ang Banal na Mag-anak sa hindi makabulahan at walang kapararakang bagay. "SUSMARYOSEP!" Kalimitan nating naririnig at ginagamit ang mga katagang ito kapag tayo ay nagugulat. Alam ba ninyong ito ay hango sa tatlong banal na pangalan nina JeSUS MARia at JOSEPH? Kaya nga kung minsan nakakalungkot na nawawalan na ng tamang paggalang ang paggamit ng salitang ito. Minsan sa isang religion class ay nagtuturo ang isang madre: "Mga bata, alam ba ninyong tayong lahat ay nilikha ng Diyos? Galing tayo sa Kanya!" Sagot ang isang bata, "Sister, ang sabi po ng nanay ko ay galing daw tayo sa unggoy!" "Iho", sagot ni sister, "hindi natin pinag-uusapan ang pamilya mo dito!" Papayag ka bang ang pamilya mo ay galing sa unggoy? Pero ito ang nangyayari ngayon... "INUUNGGOY" ang pamilya! Hindi na nabibigyan ng sapat na respeto ang karapatan at dignidad nito. Sa ngalan ng pagtataguyod ng kalusugan, o pagpaplano ng pamilya ay matalinong naitataguyod ang unti-unting pagsira sa kabanalan ng buhay at pamilya! Kalimitang binubunton ang sisi sa lumolobong populasyon, mga sakit na dulot ng hindi safe na sex, kahirapan ng buhay kaya napayagan ang RH Bill. Ngunit kung atin lamang susuriing malalim ay hindi ito ang ugat ng mga problema. Ito ay mga epekto lamang ng hindi paggalang sa "buhay" na kaloob ng Diyos sa atin. Nariyan na rin ang pisikal at emosyonal na pang-aabuso sa mga miyembro ng pamilya. At higit sa lahat napipinto na ang pagpapawalang bisa sa kasal ng mag-asawa sa pamamagitan ng DIVORCE.
Tandaan natin na ang pamilya ay binubuo ng mga tao na kawangis ng Diyos. Ang paglapastangan sa karapatan at dignidad ng bawat tao ay paglapastangan sa karangalan at kabanalan ng pamilya! Ang pamilyang Pilipno ay pamilyang MARANGAL AT BANAL. Marangal sapagkat hindi salapi o kayamanan ang nagsasabi kung masaya ba ang isang pamilya o hindi. Ang sabi nga ng isa nating kawikaan: "Aanhin mo ang isang mansiyon kung ang nakatira ay kuwago. Mabuti pa ang kubo kung ang nakatira naman ay TAO." Marangal ang pamilyang Pilipino kung pinapairal ang rispeto at itinataguyod ang pamumuhay moral nito. Tatlong letrang "P" ang dapat na tandaan natin kung ano ba ang dapat na pahalagahan ng isang Pilipinong pamilya. Ang pinakamababa na dapat ihuli ay ang PERA. Mahalaga ang pera para sa ikabubuhay ng pamilya ngunit hindi ito ang pinakamahalaga. Hindi garantiya ang kayamanan upang sabihing maaayos ang isang pamilya. May mas mataas pa dito at ito naman ang PRESENSIYA. Ang presensiya ng bawat miyembro ng pamilya sa isa't isa ay mahalaga. Ang mga magulang ay dapat nakikita ng mga anak at ang mga anak naman ay dapat nararamdaman ang pagmamahal ng mga magulang. Balewala ang PERA kung wala namang PRESENSIYA! At ang pinakamahalaga sa lahat ay PANALANGIN. "The family that prays together, stays together!" Tanging ang pagbubuklod ng Diyos ang garantiya ng katatagan ng isang pamilya. Ito rin ang nagsasabi kung ang isang pamilya ay tunay na BANAL. Ang pamilyang banal ay may takot sa Diyos at tapat na sumusunod sa kanyang mga utos at kalooban. Ipanalangin natin na sana ay mapanatili ang karangalan at kabanalan ng bawat pamilya. Sana ay maitaguyod ng mga mambabatas ang tunay na paggalang sa kanilang karapatan at karangalan. Ang Banal na Pamilya nina Jesus, Maria at Jose ay dapat laging magpaalala sa atin na sa kabila ng kahirapan sa buhay, sa kabila ng maraming pagsubok na hinaharap ang pamilyang Pilipino ay dapat manatili itong nakasentro sa Diyos. Hindi perpekto ang Banal na Pamilya ngunit dahil sa narooon si Jesus, ang Emmanuel... ang DIYOS NA SUMASAATIN ay narating nito ang karangalan at kabanalan! Tanging ang pamilyang pinaghaharian ni Kristo at ng Kanyang pag-ibig ang matatawag nating MARANGAL AT BANAL NA PAMILYA!

Lunes, Disyembre 25, 2017
ANG SURPRESA NG DIYOS: Reflection for Christmas Day Year B - December 25, 2019 - Year of the Clergy and Consecrated Life
Nakatangap ka na ba ng regalo ngayong Pasko? Binuksan mo na ba? Ako, mamaya pa magbubukas ng mga regalo ko bago mag-alas dose kasi gusto ko ng may "element of surprise" sa pagbubukas ng aking mga Christmas gifts! Hindi ba nakakasurpresa ang magbukas ka ng gift na pagkaganda-ganda ng pagkakabalot at pagkatapos ang tatambad sa 'yo ay isang dosenang "Good Morning Towel?" Hindi mo alam kung matutuwa ka o maiinis ka sa nagbigay! Yan ang napapala ng mahilig sa "surprise". Ngunit kahit ano pa man, gusto pa rin natin ang nasosorpresa tayo sa ating ginagawa at ito ay walang pinipiling katayuan sa buhay May kuwento ng isang tatay na may sakit na kanser ang tinanong ng kanyang anak: "Ita'y anong gusto mong gawin sa 'yo pag namatay ka na? Gusto mo bang ilibing sa lupa o i-cremate ka na lang?" sumagot ang matanda, "Bahala ka na anak? I-surprise mo na na lang ako!" hehehe... Ang lupet di ba? Mamamatay na lang "surprise" pa rin ang gusto! Minsa na rin tayong sinurpresa ng Diyos. Mahigit dalawang libong taon na ang nakararaan n,g surpresahin Niya tayo sa pagsusugo ng Kanyang bugtong na Anak. "For God so love the world that He gave His only begotten Son..." At ang dahilan ay sapagkat minahal Niya ang mundo. Minahal Niya tayong lahat. Isa itong malaking surpresa sapagkat sinong mag-aakalang ang Diyos mismo ang gagawa ng paraan upang muling itali ang napatid Niyang relasyon sa tao. Ang Pasko ay ang pagbibigay ng malaking surpresa ng Diyos sa tao! At ito nga ang ipinahayag ni San Juan sa pasimula ng kanyang Ebanghelyo: "Sa pasimula pa’y naroon na ang Salita. Kasama ng Diyos ang Salita at ang Salita ay Diyos... Naging tao ang Salita at siya’y nanirahan sa piling natin." Ang Salita na Diyos ay nagkatawang-tao. Mahirap maunawaan ang katotohanang ito! Mahirap matarok ng ating karaniwang pag-iisip ang ginawang ito ng Diyos. May kuwento na minsan ay may lalaking nagdasal sa Panginoon sapagkat nagkandamamatay ang kanyang mga alagang baboy. Ito pa naman ang ipinambubuhay niya sa kanyang pamilya kaya't nagsumamo siya sa Diyos na iligtas ang kanyang mga baboy sa kamatayan. Sumagot naman ang Diyos at sinabing: "Sige, bukas na bukas din ay gagaling ang iyong mga alagang baboy ngunit may isang kundisyon, bukas pagkagising mo ay makikita mo ang iyong sarili sa kulungan ng mga baboy. Kasama ka nilang kakain, matutulog at magpapagulong-gulong sa kanilang dumi, sa madaling salita... magiging baboy ka rin!" Napaisip ang lalaki at pagkatapos ng ilang sandali ay nagdasal: "Lord, kunin mo na lang ang mga baboy ko!" hehehe... Ikaw kaya ang malagay sa kanyang sitwasyon, papayag ka ba na maging baboy? Kung ating iisipin ang tao at baboy ay parehong hayop. Mas mataas lang ang tao sapagkat siya ay hayop na nag-iisip! Tanggalin mo ang kanyang kakayahang mag-isip at mag-aasal hayop siya! Kaya nga't hindi ganun ka-imposible ang tao na "magkatawang-baboy. Ngunit ang Diyos na maging tao ay hindi saklaw ng tamang pag-iisip. Paanong ang MANLILIKHA ay ibaba ang kanyang sarili at magiging isang nilikha? Tanging Diyos lang ang may kakayahang gumawa ng ganyan. Tayo rin ay ninanais ng Diyos na maging "surpresa" sa ating kapwa ngayong panahon ng Kapaskuhan. Bakit hindi mo subukang kausapin ang mga miyembro ng iyong pamilya na matagal mo ng hindi kinikibo? Sorpresa yan! Bakit hindi mo subukang magpatawad kahit na hindi ikaw ang mali. Masusurpresa ang kagalit mo! Bakit hindi mo tanggalin ang pag-iinom, pagsusugal, o ang anumang bisyong taglay mo? Sigurado ako, masusurpresa ang pamilya mo sa iyo! Nawa ang Paskong ito ang maging daan upang matularan natin ang surpresang ibinigay ng Diyos sa atin. Gawin nating makatotohanan ang pagsasabuhay ng ating pagiging Kristiyano at magugulat na lang tayo na wala tayong kamalay-malay na nasurpresa na pala tayo ni Kristo!
Linggo, Disyembre 10, 2017
BAGONG SARILI: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year B - December 10, 2017 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED LIFE
Marahil ay nakadalo na kayo sa mga pagtitipon na kung saan ay may panauhing pandangal na naanyayahang magbigay ng pananalita. Karaniwan ay may mga taong naatasan na magpapakilala sa kanila bago sila tumayo at magbigay ng kanilang mensahe. Ginagawa ito upang mas madaling matanggap ng mga tao ang sasabihin ng naanyayahang panauhin. Sapagkat kung agad-agad siyang tatayo at magsasalita sa harap ng mga tao ay lalabas siyang estranghero at hindi sila maniniwala sa mga sasabihin niya. Kaya nga't mahalaga ang papel ng tagapagpakilala. Kung dakila at mahalaga ang panauhun ay dapat gayun din, dakila at kagalang-galang din ang tagapagpakilala. Kung isang congressman o senador ang magsasalita hindi maaring kagawad lang ng baranggay ang magpapakilala. O kaya naman ay kung obispo ang inimbitahang panauhin, hindi naman ata tama na sakristan lang ang magpapakilala sa kanya. Noong isinugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak ay nagpadala Siya ng mga tagapagpakilala. Sa kasaysayan ng Lumang Tipan ay nariyan ang mga propeta katulad ni Propeta Isaias na nagbigay ng mga pahayag tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Sa Bagong Tipan naman lumabas ang katauhan ni Juan Baustista. Siya ang sinasabi ni Propeta Isaias na isang "tinig na sumisigaw sa ilang." Kakaiba ang pagkatao ni Juan sapagkat ang kanyang pananamit at kinakain ay naiiba sa karaniwang tao. Nakadamit siya na hinabing balahibo ng kamelyo at balang at pulot pukyutan ang kanyang pagkain. Ngunit ang talagang nagpadakila sa kanya ay ang kanyang mensahe sa mga tao. “Pagsisihan ninyo’t
talikdan ang inyong mga kasalanan," May mga nakinig sa kanyang pangagaral ngunit may mga ilan ding nag-alinlangan at hindi pinakinggan ang kanyang panawagan. Ito rin ng panawagan sa panahon ng Adbiyento: Magpanibago at magbalik-loob sa Diyos! Ang kulay violet ay dapat magpaalala sa atin ng tunay na diwa ng ating paghahanda sa Adbiyento, ang pagsisisi sa ating mga kasalanan. Kailan ba ang huling beses kang lumapit sa Sakramento ng Kumpisal? Baka naman masyado na nating pinatagal ang ating mga kasalanan at mistulang nagkakakalyo na ang ating budhi. Kaya nga't ang unang panawagan sa atin ay tapat na pagsusuri ng ating sarili. Pagkatapos nito ay ang tapat na pag-amin sa ating pagkukulang at mga pagkakamali. Kung kailangang magkumpisal ay dapat nating gawin ito. Ang pagkukumpisal ay ang panlabas na pagpapakita ng ating pagpapapkumbaba at pagsisisi sa ating mga pagkakamali. Higit sa lahat ito ay nagpapahayag na nais nating baguhin ang ating sarili at huwag na muling balikan ang dait nating masamang pamumuhay. Huwag tayong matakot lumapit sa Sakramentong ito na nagpapadama sa atin ng malaking pagmamahal ng Diyos. Kapag lumalapit na ang Pasko nais nating magkaroon ng bagong damit, bagong sapatos, kagamitan at iba pa. Hindi ba maaring ang hilingin naman natin ay ang isang "BAGONG SARILI?"
Sabado, Disyembre 2, 2017
KRISTIYANONG MAY AIDS: Reflection for First Sunday of Advent Year B - December 3, 2017 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Isang maligayang Bagong Taon sa inyong lahat! Ngayon ang unang araw sa Bagong Taon ng ating Simbahan. Ang Unang Linggo ng Adbiyento ay hudyat na tayo ay nagsisimulang muli ng ating Taong Liturhiko pagkatapos nating ipagdiwang ang Kapistahan ni Kristong Hari noong nakaraang Linggo. May kaibahan ang pagdiriwang ng bagong taon ng Simbahan sa nakagawiang pagsalubong natin sa pagpapalit ng taon. Kapansin-pansin dito ang kawalan ng ingay na dala ng mga paputok! Na nais ding pairalin ng pamahalaan sa pagpapalit ng taon. Magagawa kaya ito? Isang malaking goodluck sa pagpapatupad nito lalo na dito sa Tondo! Ang salitang Adbiyento ay hango sa salitang Latin na ADVENTUS na ang ibig sabihin ay "pagdating." Dahil may darating kaya tayo ay naghahanda. Ngunit ito ay paghahanda na may ginagawa! Hindi puwede ang tatamad-tamad at pa-easy-easy lang! May kuwento na may dalawang katulong na pinagbilinan ng kanilang amo na magtrabaho at huwag tatamad-tamad. May lakad siya sa umaga at sa kanyang pagdating sa gabi ay ayaw niyang makikita na wala silang ginagawa. Nagtrabaho naman ang dalawa ng buong araw at marahil dala na rin ng pagod ay kinuha ng isa ang remote control ng TV at nanood ng kanyang pinakaabangang teleserye sa kapamilya channel. Nagsisimula na ang Probinsiyano. Kapana-panabik ang mga eksenang tinutugis sina Leon at Agila ng kanilang mga kalabang sina Alakdan, Hipolito at Silva. Akala ng kanyang kasamang katulong ay Probinsiyano lang kanyang papanoorin. Aba, pagkatapos ng Probinsiyano ay itinuloy pa niya sa La Luna Sangre! At pagkatapos ay tinuloy nya pa rin ang panonood ng "The Good Son" at "Hwarang" . Itutuloy pa sana niya a Tonight with Boy Abunda ng tinawag na ang kanyang pansin ng kanyang kasamang katulong. "Inday! Ihinto mo na yan! Baka dumating na si Mam at malilintikan ka pag naabutan ka niyang nanonood ng TV!" "Bakit naman ako malalagot?" sagot ni Inday. "Hindi ba ang sabi niya na dapat ay hindi niya tayo dapat makitang walang ginagawa?" May punto nga naman si Inday. Mayroon siyang ginagawa. Ngunit ang ginagawa niya ay hindi tama. Hindi tama sapagkat hindi ito ang inaasahan ng kanyang among gagawin. Ang unang Linggo ng Adbiyento ay nagpapaalala sa ating maghanda sa muling pagdating ni Jesus na may ginagawa! At ito ay mangyayari sa araw at oras na hindi natin inaasahan.
“Mag-ingat kayo at maging handa sapagkat hindi ninyo alam kung kailan ang takdang oras," ang sabi ni Hesus sa Ebanghelyo. Ang Adbiyento ay hindi lang paghahanda para sa Pasko. Ang kapaskuhan ay ang paggunita sa Diyos na dumating na noong Siya ay nagkatawang tao. Mas dapat nating paghandaan ang muling pagbabalik ni Hesus na hindi natin alam ang araw at oras. "Maging handa kayong lagi, sapagka’t hindi ninyo alam kung kailan darating ang puno ng sambahayan – maaaring sa pagdilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga – baka sa kanyang biglang pagdating ay maratnan kayong natutulog." Kapag patuloy tayo sa ating masasamang pag-uugali tulad ng katamaran, kayabangan, katakawan, kalaswaan ng pag-uugali, pagiging maramot at makasarili, pagsasayang ng oras, pang-aapi at pagsasamantala sa kapwa... ay masasabi nating hindi pa tayo handa sa kanyang biglaang pagdating! Wala tayong pinagkaiba kay Inday na may ginagawa nga ngunit hindi naman ang nararapat niyang gawin. May isang kasabihang latin na maaring makatulong sa ating paghahanda: "Age quod agis!" Sa ingles, "Do what you are supposed to do!" Kung isasabuhay lamang natin ito ay marami tayong maiiwasang pagkakamali. Kung ginagawa lamang natin ang dapat nating gawin ay malalayo tayo sa pagkakasala. Sa pagdiriwang na ito ng Unang Linggo ng Adbiyento ay gawin natin ang dapat nating gawin. Unti-unting tanggalin ang masasamang pag-uugali at pag-ukulan ng pansin ang pagpapakabuti at pagtulong sa kapwa. Sa ganitong paraan ay hindi lang Pasko ng Pagsilang ang pinaghahandaan natin kundi pati na rin ang muling pagbabalik ni Kristo! Ang kulay ng Adbiyento ay lila o violet. Nangangahulugan ito ng pagsisisi sa ating mga kasalanan at pagbabalik-loob sa Diyos. Ito dapat ang diwa na mamayani sa atin sa buong Panahon ng Adbiyento. Ito ang tamang paghahanda na may ginagawa. Sa araw ding ito ay pinapaalala sa atin ang kamalayan at pagbibigay pansin sa mga nabiktima ng sakit na HIV-AIDS. Alam mo bang tayong mga Kristiyano ay maari ring mahawaan ng sakit na AIDS? Kapag ginagawa natin ang hindi dapat natin ginagawa o nagkukunwari tayong gumagawa ng mga kabutihan para sa iba, tayo ay may sakit nang AIDS. Marami sa atin ay "As If Doing Something" pero sa totoo lang ay wala naman ang tunay na diwa ng paglilingkod. Sa taong ito ay pinagdiriwang natin ang YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS. Tinatawagan nito ang mga hinirang ng Diyos na panibaguhin ang kanilang paglilingkod sa pamamagitan ng temang: RENEWED SERVANTS LEADER FOR THE NEW EVANGELIZATION. Ngunit ito rin ay maaring pagtawag sa ating lahat upang gampanan ang ating mga tungkulin bilang mga itinalaga para kay Kristo. Sa Sakramento ng Binyag ay nabahaginan tayo ng pagka-hari ni Jesus, ang haring naglingkod sa halip na paglingkuran. Ihanda rin natin ang ating mga sarili sa Kanyang muling pagdating sa pamamgitan ng paglilingkod na may pagpapakumbaba at katapatan sa ating kapwa.

Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)