Mahigpit daw na ipatutupad ang pagbabawal sa mga paputok sa pagsalubong sa bagong taon. Pero bakit ganoon? Kapag pinagbabawal ay mas lalo pang ginagawa! Bawal magsinungaling, bawal mangopya, bawal maleyt, bawal mag-absent, bawal magboyfriend (o girlfriend), bawal magmura, bawal magpaputok! Ang daming pagbabawal pero bakit marami pa rin ang gumagawa? Ang sabi ng iba ay masarap daw kasi ang bawal... tulad ng bawal na pag-ibig! Sa pagsalubong sa isang manigong bagong taon ay marami ring pagbabawal upang hindi malasin. Sabi ng isang text na aking natanggap: “Para di malasin ang New Year, huwag mong isali sa handa ang bilog na prutas na may itim na buto tulad ng pakwan, chico, papaya at iba pa. Huwag ka rin maghanda ng ice cream para di matunaw ang swerte at higit sa lahat huwag maghanda ng ulam na galing sa hayop na may apat na paa gaya ng baboy, baka, kambing at baka tumakbo ang swerte. Huwag din maghanda ng isda at laman dagat at baka malunod ang swerte. Huwag din maghanda ng may pakpak tulad ng manok o pabo at baka lumipad ang swerte. Huwag ka na kayang maghanda at matulog ka na lang! Happy New Year!” Masama bang sumunod sa mga pamahiing ito? Hindi naman siguro basta't hindi namin kalilimutan na ang kapalaran ng tao ay hindi nakasalalay sa anumang pamahiin kundi sa matapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos. At dito ay ibinibigay sa ating ang Mahal na Birheng Maria upang ating maging huwaran. Kaya marahil ang unang araw ng taon ay laging nakatuon sa pagdiriwang kapistahan ni Maria bilang Ina ng Diyos. Dinapuan ng suwerte ang Mahal na Birheng Maria sapagkat napili siya sa lahat ng mga babae upang maging Ina ng anak ng kataas-taasang Diyos! Walang ng suwerteng hihigit pa dito! Ngunit hindi ito ang talagang kadakilaan ni Maria. Nang may nagsabi kay Jesus habang siya ay nagtuturo: "Mapalad ang sinapupunang nagluwal sa iyo!" Ngunit agad niya itong itinama at sinabi "Mas mapalad ang mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos!" At sino ba sa lahat ng nilikha ang naging masunurin sa kalooban ng Diyos maliban sa Mahal na Birheng Maria? Mga kapatid, ang kapalaran natin sa bagong taong ito ay nakasalalay sa tapat na pagsunod sa kalooban ng Diyos kaya't nararapat lamang na katulad ni Maria ay maging masunirin tayo sa Kanya. Lagi naman natin itong dinarasal "... sundin ang loob Mo, dito sa lupa para ng sa langit..." Sapat lamang na isabuhay natin ito ng may pananalig. Kahit hindi natin alam ang naghihintay sa atin sa bagong taong hinaharap, ang isang taong tumutupad sa kalooban ng Diyos ay walang dapat ikatakot. Kaya't huwag nating ipagsapalaran sa mga pamahiin ang ating kinabukasan. Kung tutularan lamang natin ang Mahal na Birhen at sasabihin din nating "mangyari nawa sa aking ayon sa wika mo..." tayo ay pagpapalain ng Panginoon at tatawagin Niyang mapalad. Ito ang susi kung nais nating maalis ang malas at pumasok ang buenas sa taong ito.
PS: Baka makatulong din ito: 3 Mabuting bisyo sa Taong 2018: ALAK, SUGAL, BABAE:
ALAK: Alalahanin Lagi Ang Kapwa, SUGAL: Sa Umaga Gunitain Ang Lumikha, BABAE: Basahin Ang Biblia At Ebanghelyo. Simulan ang "bisyo" ngayong bagong taon! ALAK, SUGAL at BABAE PA MORE!!!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento