Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Disyembre 10, 2017
BAGONG SARILI: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year B - December 10, 2017 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED LIFE
Marahil ay nakadalo na kayo sa mga pagtitipon na kung saan ay may panauhing pandangal na naanyayahang magbigay ng pananalita. Karaniwan ay may mga taong naatasan na magpapakilala sa kanila bago sila tumayo at magbigay ng kanilang mensahe. Ginagawa ito upang mas madaling matanggap ng mga tao ang sasabihin ng naanyayahang panauhin. Sapagkat kung agad-agad siyang tatayo at magsasalita sa harap ng mga tao ay lalabas siyang estranghero at hindi sila maniniwala sa mga sasabihin niya. Kaya nga't mahalaga ang papel ng tagapagpakilala. Kung dakila at mahalaga ang panauhun ay dapat gayun din, dakila at kagalang-galang din ang tagapagpakilala. Kung isang congressman o senador ang magsasalita hindi maaring kagawad lang ng baranggay ang magpapakilala. O kaya naman ay kung obispo ang inimbitahang panauhin, hindi naman ata tama na sakristan lang ang magpapakilala sa kanya. Noong isinugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak ay nagpadala Siya ng mga tagapagpakilala. Sa kasaysayan ng Lumang Tipan ay nariyan ang mga propeta katulad ni Propeta Isaias na nagbigay ng mga pahayag tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Sa Bagong Tipan naman lumabas ang katauhan ni Juan Baustista. Siya ang sinasabi ni Propeta Isaias na isang "tinig na sumisigaw sa ilang." Kakaiba ang pagkatao ni Juan sapagkat ang kanyang pananamit at kinakain ay naiiba sa karaniwang tao. Nakadamit siya na hinabing balahibo ng kamelyo at balang at pulot pukyutan ang kanyang pagkain. Ngunit ang talagang nagpadakila sa kanya ay ang kanyang mensahe sa mga tao. “Pagsisihan ninyo’t
talikdan ang inyong mga kasalanan," May mga nakinig sa kanyang pangagaral ngunit may mga ilan ding nag-alinlangan at hindi pinakinggan ang kanyang panawagan. Ito rin ng panawagan sa panahon ng Adbiyento: Magpanibago at magbalik-loob sa Diyos! Ang kulay violet ay dapat magpaalala sa atin ng tunay na diwa ng ating paghahanda sa Adbiyento, ang pagsisisi sa ating mga kasalanan. Kailan ba ang huling beses kang lumapit sa Sakramento ng Kumpisal? Baka naman masyado na nating pinatagal ang ating mga kasalanan at mistulang nagkakakalyo na ang ating budhi. Kaya nga't ang unang panawagan sa atin ay tapat na pagsusuri ng ating sarili. Pagkatapos nito ay ang tapat na pag-amin sa ating pagkukulang at mga pagkakamali. Kung kailangang magkumpisal ay dapat nating gawin ito. Ang pagkukumpisal ay ang panlabas na pagpapakita ng ating pagpapapkumbaba at pagsisisi sa ating mga pagkakamali. Higit sa lahat ito ay nagpapahayag na nais nating baguhin ang ating sarili at huwag na muling balikan ang dait nating masamang pamumuhay. Huwag tayong matakot lumapit sa Sakramentong ito na nagpapadama sa atin ng malaking pagmamahal ng Diyos. Kapag lumalapit na ang Pasko nais nating magkaroon ng bagong damit, bagong sapatos, kagamitan at iba pa. Hindi ba maaring ang hilingin naman natin ay ang isang "BAGONG SARILI?"
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento