Tayo ay nasa ikalawang Linggo na sa ating paglalakbay sa Panahon ng Kuwaresma. Sa unang araw pa lamang ay pinaaalalahanan na tayo sa ating pagiging makasalanan na nangagailangan ng pagsisisi. Kaya nga ang diwa ng Kuwaresma ay PAGBABALIK-LOOB, PAGBABAGONG BUHAY, PAGBABAGONG-ANYO. Ang ating ebanghelyo ay tumatalakay sa isang mahalagang tagpo sa buhay ng ating Panginoong Jesukristo, ang kanyang "Pagbabagong Anyo" sa bundok ng Tabor. Mahalaga ang tagpong ito sapagkat, ito ang magpapalakas sa loob ng mga alagad sa sandaling makita nilang si Jesus ay maghihirap sa kamay ng mga Hudyo. Ito ang magbibigay sa kanila ng pag-asa sa kabila ng pagkabigo sa kanilang inaasahang Mesiyas. Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang sulyap ng kanyang kaluwalhatian bilang Anak ng Diyos! Ito rin ay totoo sa ating bilang mga Kristiyano. Sa ating paglalakbay sa panahon ng Kuwaresma ay inaamin natin ang ating pagiging makasalanan. Ngunit hindi ito ang ating tunay na pagkatao. Hindi lang tayo makasalanan. Tayo rin ay mga anak ng Diyos. Tayo rin ay tinubos ni Kristo at hinango sa pagkakalugmok sa kasalanan ! Sa katunayan tayo ay nilikha niya ayon sa Kanyang larawan at dahil d'yan ay nilalang tayo ng Diyos na lubos na mabuti. Dahil dito ay mas mauunawaan natin kung bakit ang Simbahan ay laging ipinagtatanggol ang kasagraduhan ng buhay. Kahapon ay isinagawa ng Simbahang Katoliko ang "Walk for Life". Sa aktibidad na ito ay muling pinagtitibay ng Simbahan ang kanyang pagpapahalaga sa buhay bilang regalo na bigay ng Diyos: mula sa sinapupunan hanggang sa libingan o huling hantungan ng tao. Naging isa sa mga panauhing tagapagsalita ang aktres na si Ms. Cherrie Pie Picache na naglahad ng kanyang personal na karanasan ng hirap ng pagpapatawad sa taong pumaslang sa kanyang ina. Sa halip na galit at poot ay hinayaan niyang hilumin ng pagpapatawad ang poot at galit na naghahari sa kanyang puso. Ngayoon ay isa siya sa mga lumalaban sa "death penalty" at "extra-juducial killing" at kanyang ipinapalaganap ang konsepto ng "restorative justice" na kung saan ay nabibigayan ng pagkakataong magbago ang isang kriminal sa halip na patayin o patawan ng karaparusahang kamatayan. Maiintidihan natin ngayon kung bakit hindi sang-ayon ang Simbahan sa paglapastangan sa buhay na kaloob ng Diyos sa anumang marahas na pamamaraan tulad ng "extra-judicial killing" at "death penalty". Naniniwala tayo na ang tao ay likas na mabuti sapagkat ang kanyang buhay ay nagmula sa Diyos. Kung naging masama man ang tao ay sapagkat dahil na rin sa maling paggamit ng kanyang kalayaan at sa masamang impluwensiya ng mga taong nakapaligid sa kanya o maging ng masamang kulturang umiiral sa lipunan. Kaya nga't ang isang kriminal, gaano man siya kasama dahil sa karumal-dumal na kanyang ginawa, ay hindi binibitawan ng Diyos. Si Jesus na Anak ng Diyos ay dumating sa daigdig hindi para sa mga taong nag-aakalang sila ay "matuwid" kundi sa mga makasalanang handang magsisisi. Si Jesus ay nagbibigay ng pag-asa at pagkakataon upang ang mga makasalanan ay magbago! Tutol ang Simbahan sa EJK at Death Penalty sapagkat tinatanggal nito sa isang makasalanan ang pagkakataong ituwid ang kanyang buhay at ayusin ang kanyang pagkakamali. Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape ay masasabi rin nating "walang matigas na puso sa mainit na pagmamahal ng Diyos!" Kung isa ka sa mga sumasang-ayon sa pagbabalik ng sentensiyang kamatayan o death penalty ay suriin mo ang kaibuturan ng iyong puso. Baka ang laman ng puso mo ay poot, galit at paghihiganti. Hilingin mo sa Panginoon na palambutin ng kanyang pagmamahal ang iyong matigas na puso at piliin mo ang daan ng kapayapaan at hindi karahasan, ang daan ng buhay at hindi kamatayan.
Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Pebrero 24, 2018
TUKSO (Reposted) : Reflection for 1st Sunday of Lent - Year B - February 18, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Ang Kuwaresma ay ang apatnapung araw na paghahanda natin para sa pagdiriwang ng Misteryto Paskuwa ni Jesus: ang kanyang paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay. Ngunit hindi lang ito mga araw ng paghahanda. Ito rin ay mga araw ng pagdidisiplina sa ating sarili sapagkat "malakas ang ating kalaban". Sa katanuyan ang Kuwaresma ay maaring tawaging "taunang pagsasanay sa pagiging mabuting Kristiyano." Pansinin na sa Panahon ng Kuwaresma tayo ay hinihikayat na magdasal, mag-ayuno at magkawangga. Sinasanay natin ang ating mga sarili sa tatlong gawaing ito upang mailayo natin ang ating sarili sa kasalanan at nang sa gayon ay mapalapit naman tayo sa Diyos. Hindi ba't ito ang ibig sabihin ng pagiging mabuting Kristiyano? Pagtatakwil sa kasalanan at pagsampalataya sa Diyos na siyang ipinangako natin sa binyag. Ano bang malakas na kalaban ang ating pinaghahandaan? Walang iba kundi ang TUKSO ng demonyo na mahirap tanggalin sa ating harapan. May kuwento na minsan ay may isang pari na namasyal sa mall. May nakita siyang magandang babae. Nagdasal siya sa Panginoon na sana ay iadya siya sa tukso. "Anak, ipikit mo ang iyong mga mata" sabi ng isang mahiwagang tinig. Sinunod naman niya ngunit pagkadilat niya ay may dumaan na naman sa kanyang babaeng balingkinitan ang katawan Muling siyang nagdasal at muli niyang narinig ang mahiwagang tinig na "Anak, ipikit mo uli ang iyong mga mata." Paglipas ng ilang sandali, sa di kalayuan, ay nakita niyang papalapit ang isang seksing babae na naka-micro-mini, seksi, tisay at ubod ng ganda. Hindi na niya nakuhang magdasal at nagsabi na lamang ng "Lord, puwede ba, pikit mo muna ang iyonng mata?" Likas sa tukso ang lumapit. Lalapit at lalapit ito sa atin hanggang mahalina niya tayo sa paggawa ng kasalanan. Kaya nga may kasabihan: "Kung ayaw mong SUNDAN ng TUKSO, wag kang UMARTE na parang INTERISADO!" Si Hesus nga na anak na ng Diyos ay nilapitan din ng tukso. Ang malaking pagkakaiba lang ni Hesus sa atin ay alam niya kung paano labanan at pagtagumpayan ang tukso. Dalawang paraan ang ginamit ni Hesus na maari din nating gamitin lalo na ngayong panahon ng Kuwaresma para mapagtagumpayan ang tukso: ang PANALANGIN at PAG-AAYUNO. Nanatili si Hesus sa ilang upang paghandaan ang nalalapit niyang misyon: Ang pagpapahayag ng Mabuting Balita! Apatnapung araw ang ginugol niya sa panalangin at pag-aayuno. Ang panunukso ng diablo ay nung panahong lubhang napakahina na ng katawan ni Hesus. Tayo rin ay pinagsasamantalahan ng diyablo sa mga oras na tayo ay mahina ... kaya nga't ang tanging makapagpapalakas sa atin ay panalangin at pag-aayuno o paggawa ng sakripisyo. Sa apatnapung araw na ito ng paghahanda para sa pagdiriwang ng Kapistahan ng Muling Pagkabuhay ni Hesus ay palalimin natin ang ating buhay panalangin. Ang panalangin ay hindi lamang pakikipag-usap sa Diyos. Ito rin ay pakikinig sa Kanya. Madalas kapag nagdarasal tayo ay tayo parati ang nagsasalita. Bakit hindi naman nating subukang ang Diyos ang magsasalita sa atin? Magandang ugaliin na sa maraming kaabalahan natin sa buhay ay binibigyan natin Siya ng puwang para mangusap sa atin. Pangalawa ay pag-aayuno na isang paraan ng pagsasakripisyo. Pag-ibayuhin natin ang paggawa ng sakripisyo upang madisiplina ang katawan. Hindi kinakailangang malaki: simpleng pagbawas sa panonood ng mga bagay na nakapagbibigay sa atin ng kasarapan sa buhay tulad ng pagkain, libangan, hilig o bisyo. Kapag gumagawa tayo ng pag-aayuno o abstinensiya ay tinatanggihan natin ang kasarapan ng katawan at dahil d'yan ay napapalakas ang ating kaluluwa. Wag na nating hintayin pang kumatok ang tukso sa pintuan ng ating puso, patuluyin at pagkapehin! Huwag natin siyang bigyan ng pagkakataon na aliwin tayo. Sa pamamagitan ng pagsasakripisyo at panalangin ay mapagtatagumpayan natin ang anumang pang-aakit ng tukso!
Sabado, Pebrero 10, 2018
LOVING THE UNLOVABLE: Reflection for 6th Sunday in Ordinary Time Year B - February 11, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Sa taong ito, nagkataong ang pagdiriwang ng Ash Wednesday ay tumapat sa Araw ng mga Puso, February 14, 2018. May isang kabataang nagtanong tuloy sa akin: "Fadz, puwede bang sa Ash Wednesday ay hugis puso sa halip na krus ang ilagay mo sa aking noo? Valentines Day naman eh!" Ang sabi ko sa kanya: "Hindi mo ba alam para sa ating mga Kristiyano na ang simbolo ng pag-ibig ay krus at hindi puso?" Napatigil siya at nagtanong kung bakit. "Simple lang," ang sagot ko sa kanya. "Sapagkat ang puso TUMITIGL SA PAGTIBOK, samantalang ang nakapako sa krus PATULOY SA PAGMAMAHAL." At ang pagmamahal na ito ay walang pinipili o itinatangi. Ang nakapako sa krus ay patuloy sa pagmamahal lalong-lalo na sa mga taong hindi kaibig-ibig. Sa ating mga pagbasa ngayon ay may mga taong matatawag na "unlovable" sapagkat sila ay iniiwasan, hinihiwalay at pinandidirihan. Sila ang mga "ketongin". Bagamat ngayon ay may lunas na ang sakit na ketong, gayunpaman ay kinatatakutan pa rin ito ng ilan. Noong panahon ni Jesus ang ketong ay iniuugnay sa kasalanan. Kaya nga't ang isang may ketong na gumaling sa kanyang sakit ay dapat magpasuri sa mga saserdote. Paano hinarap ni Jesus ang "unlovable" na ito? Sa halip na umiwas ay hinayaan niyang magpahayag ang ketongin ng kanyang saloobin, "Kung ibig po ninyo, mapapagaling n'yo ako!" At dahil sa kanyang pagnanais na gumaling ay ipinagkaloob ni Jesus ang kanayang kahilingan, "Ibig ko, gumaling ka!" Sa ating kasalukuyang panahon, bilang mga tagasunod ni Jesus, ay tinatawagan din tayong magkaroon ng bukas-pusong pagtanggap sa taong "unlovable." Marahil wala tayong biyaya ng pagpapagaling ngunit tandaan natin na hindi lang naman "physical healing" ang maari nating ibigay. Higit sa "physical healing" ay may tinatawag tayong "spiritual healing" na kung minsan pa nga ay nagsisilbing daan ito upang makamit ng isang maysakit ang ganap na kagalingan. Ang sakit na "ketong" sa ating Ebanghelyo ay sumisimbolo hindi lamang sa pisikal na karamdaman. Ito rin ay tumutukoy sa katayuan ng mga taong hinihiwalay, iniiwasan, pinandidirihan. Ang Simbahan ay dapat magbukas ng pintuan para sila ay tanggapin. Ito ang nais ni Papa Francisco na gawin natin: tangkilikin ang mga kapatid nating nahihiwalay dahil sa ating pagtataboy at malamig na pakikitungo sa kanila. Hindi sapat ang magpakita ng pagmamahal, dapat ay maging kaibig-ibig tayo sa kanila. "To let ourselves be loved!" Hindi ito madali sapagkat nangangahuugan ito na dapat nating labanan ang isang bagay na laging nagsisilbing sagabal upang maging "lovable" tayong mga tao... at iyan ay ang ating sarili. Pansinin ninyo na sa salitang "pride", ang nasa gitna ay ang letrang "I", pareho din sa salitang "sin." At ano ang "I" na ito kundi ang ating sarili, ang ating mapagmataas at mayabang na sarili. Mahirap unahin ang iba kapag ang sarili natin ang umiiral. Mahirap maging "lovable" sa iba kapag ang pagiging makasarili natin ang naghahari. Mas masahol pa ito sa sakit na ketong sapagkat hinihiwalay nito ang ating sarili sa ating kapwa at sa Diyos. "Let go and let God!" Ito ang susi sa isang buhay na masaya. I-let go natin ang ating pagiging makasarili at hayaan natin ang Diyos na gumalaw sa atin. Sa ganitong paraan mas madali nating mabubuksan ang ating puso at mapakikitaan ng pagmamahal ang mga UNLOVABLE.
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)