Tayo ay nasa ikalawang Linggo na sa ating paglalakbay sa Panahon ng Kuwaresma. Sa unang araw pa lamang ay pinaaalalahanan na tayo sa ating pagiging makasalanan na nangagailangan ng pagsisisi. Kaya nga ang diwa ng Kuwaresma ay PAGBABALIK-LOOB, PAGBABAGONG BUHAY, PAGBABAGONG-ANYO. Ang ating ebanghelyo ay tumatalakay sa isang mahalagang tagpo sa buhay ng ating Panginoong Jesukristo, ang kanyang "Pagbabagong Anyo" sa bundok ng Tabor. Mahalaga ang tagpong ito sapagkat, ito ang magpapalakas sa loob ng mga alagad sa sandaling makita nilang si Jesus ay maghihirap sa kamay ng mga Hudyo. Ito ang magbibigay sa kanila ng pag-asa sa kabila ng pagkabigo sa kanilang inaasahang Mesiyas. Ang pagbabagong-anyo ni Jesus ay isang sulyap ng kanyang kaluwalhatian bilang Anak ng Diyos! Ito rin ay totoo sa ating bilang mga Kristiyano. Sa ating paglalakbay sa panahon ng Kuwaresma ay inaamin natin ang ating pagiging makasalanan. Ngunit hindi ito ang ating tunay na pagkatao. Hindi lang tayo makasalanan. Tayo rin ay mga anak ng Diyos. Tayo rin ay tinubos ni Kristo at hinango sa pagkakalugmok sa kasalanan ! Sa katunayan tayo ay nilikha niya ayon sa Kanyang larawan at dahil d'yan ay nilalang tayo ng Diyos na lubos na mabuti. Dahil dito ay mas mauunawaan natin kung bakit ang Simbahan ay laging ipinagtatanggol ang kasagraduhan ng buhay. Kahapon ay isinagawa ng Simbahang Katoliko ang "Walk for Life". Sa aktibidad na ito ay muling pinagtitibay ng Simbahan ang kanyang pagpapahalaga sa buhay bilang regalo na bigay ng Diyos: mula sa sinapupunan hanggang sa libingan o huling hantungan ng tao. Naging isa sa mga panauhing tagapagsalita ang aktres na si Ms. Cherrie Pie Picache na naglahad ng kanyang personal na karanasan ng hirap ng pagpapatawad sa taong pumaslang sa kanyang ina. Sa halip na galit at poot ay hinayaan niyang hilumin ng pagpapatawad ang poot at galit na naghahari sa kanyang puso. Ngayoon ay isa siya sa mga lumalaban sa "death penalty" at "extra-juducial killing" at kanyang ipinapalaganap ang konsepto ng "restorative justice" na kung saan ay nabibigayan ng pagkakataong magbago ang isang kriminal sa halip na patayin o patawan ng karaparusahang kamatayan. Maiintidihan natin ngayon kung bakit hindi sang-ayon ang Simbahan sa paglapastangan sa buhay na kaloob ng Diyos sa anumang marahas na pamamaraan tulad ng "extra-judicial killing" at "death penalty". Naniniwala tayo na ang tao ay likas na mabuti sapagkat ang kanyang buhay ay nagmula sa Diyos. Kung naging masama man ang tao ay sapagkat dahil na rin sa maling paggamit ng kanyang kalayaan at sa masamang impluwensiya ng mga taong nakapaligid sa kanya o maging ng masamang kulturang umiiral sa lipunan. Kaya nga't ang isang kriminal, gaano man siya kasama dahil sa karumal-dumal na kanyang ginawa, ay hindi binibitawan ng Diyos. Si Jesus na Anak ng Diyos ay dumating sa daigdig hindi para sa mga taong nag-aakalang sila ay "matuwid" kundi sa mga makasalanang handang magsisisi. Si Jesus ay nagbibigay ng pag-asa at pagkakataon upang ang mga makasalanan ay magbago! Tutol ang Simbahan sa EJK at Death Penalty sapagkat tinatanggal nito sa isang makasalanan ang pagkakataong ituwid ang kanyang buhay at ayusin ang kanyang pagkakamali. Kung paanong walang matigas na tinapay sa mainit na kape ay masasabi rin nating "walang matigas na puso sa mainit na pagmamahal ng Diyos!" Kung isa ka sa mga sumasang-ayon sa pagbabalik ng sentensiyang kamatayan o death penalty ay suriin mo ang kaibuturan ng iyong puso. Baka ang laman ng puso mo ay poot, galit at paghihiganti. Hilingin mo sa Panginoon na palambutin ng kanyang pagmamahal ang iyong matigas na puso at piliin mo ang daan ng kapayapaan at hindi karahasan, ang daan ng buhay at hindi kamatayan.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento