Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Mayo 27, 2018
DIYOS NA 3 IN 1 (Revised & Reposted) : Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year B - May 27, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Kapistahan ngayon ng Banal na Santatlo... ang sinasamba nating ISANG DIYOS SA TATLONG PERSONA. Ito ay isang misteryo na kailanman ay hindi natin maiintindihan. Kahit ang pinakamainam na paliwanag ng mga dalubhasa sa Banal na Kasulatan ay kapos sa katotohanan sapagkat walang sinumang makatatarok sa katotohanan ng Diyos! May ilang nagpupumilit na intindihin Siya ngunit masisiraan lang tayo ng bait kung ipagdidikdikan natin ang ating maliit na utak sa napakalawak na kadakilaan Niya! Gayunpaman, hindi kumplikado ang katotohanan ng Diyos at ayaw na ring maging kumplikado sa atin. Nais ng Diyos na maging payak at simple upang maabot niya kahit ang isang taong walang pinag-aralan. Simple lang naman ang Diyos. Kasimple ng kapeng iniinom natin araw-araw. Ang Diyos ay simple tulad ng kapeng 3 in 1. Isa akong certified cofee lover! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi pag hindi ako uminom ng kape. Sabi nga ng commercial sa T.V. "Sarap ng gabi... sarap ng kape! Why not? Try n'yo!" Marami na rin akong kapeng natikman... mula sa brewed o barakong kape ng batanggas hanggang sa fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na "kape alamid". Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa "shit ng Alamid" hehehe! Talagang mapapa... (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! Php 200 plus ba naman sa isang maliit na expresso cofee! Isang lunukan lang at naglaho na ang Php 200 mo! hehehe... Kaya nga't nasabi ko sa aking sarili na dun na lang ako sa aking 3 in 1 na kape! Tubig lang na mainit ang kelangan mo... enjoy ka na! Kung minsan ay ginagawa nating kumplikado ang buhay tulad ng kape e simple lang naman ang buhay! Parang pakikitungo natin sa Diyos. Pilit nating inuunawa siya gamit ang ating maliit na pag-iisip. Parang tubig ng dagat na pilit nating pinagkakasya sa maliit na butas sa buhanginan. Pinagpipilitan nating unawain ang kanyang misteryo ng ating limitadong kaalaman upang maunawaan lamang na ang Diyos pala ay ginagamitan hindi ng utak kundi ng ating puso. Tunay nga naman na ang mga taong marunong lang magmahal ang lubos na nakakaunawa sa Diyos! Kapag marunong kang magpakita ng pagmamahal sa isang taong nangangailan ng tulong, kapag kaya mong magpatawad sa mga taong nakagawa sa iyo ng masama, kapag kaya mong mahalin ang iba sa kabila ng kanilang di kaibig-ibig na pag-uuagali... matuwa ka! Unti-unti ay nauunawan mo na ang misteryo ng Diyos. Ang pagkilala sa Kanya ay higit pa sa pagkakaalam sa kanyang "Bio-data". Ang pagkilala sa Diyos ay ang pagkakaroon ng personal na karanasan sa Kanya. Kailan mo ba tunay na naranasan ang Diyos sa iyong kapwa? Kailan mo ipinaranas ang kanyang pagmamahal sa iba? Maraming "diyos" na ipinakikilala ang mundo ngunit ako... kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1, ang Diyos Ama na nagbigay sa akin ng Kanyang Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Di ko man S'ya lubos na maintindihan (bakit 3 in 1?) alam ko namang mahal N'ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Sa susunod na ako ay uminom uli ng kape, dapat ay lagi kong maalala ang aking Diyos na 3 in 1. Tatlong persona na IISANG PAGKADIYOS na nagmahal sa akin ng lubos. Sarap ng gabi... sarap ng kape. Sarap ng buhay... sarap makasama ang Diyos. Bakit hindi? Try n'yo!
Sabado, Mayo 19, 2018
BANAL NA KULASISI : Reflection for the Solemnity of Pentecost Year B - May 20, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Kapistahan ngayon ng Pentekostes. Ang Pentekostes ay galing sa salitang Griego na ang ibig sabihin ay ika-limampung araw, sapagkat ito ang ika-limampung araw pagkatapos ng muling pagkabuhay ng Panginoong Jesukristo. Ito ang araw na pinili ng Panginoon upang ipadala sa atin ang Banal na Espiritu. Marahil hindi ganoon kadaling maunawaan ang kanyang pananatili sa ating piling sapagkat una ay wala tayong malinaw na paglalarawan sa kanya sapagkat siya ay isang "Espiritu." Di katulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan. Nariyan na ang simbolo ng hangin tulad ng ating narinig sa unang pagbasa, ang dilang apoy na nanahan sa ulo ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ang tila kalapati o ibon na lumabas mula sa langit ng mabinyagan si Jesus sa ilog ng Jordan. Ang hangin o hininga ay simbolo ng buhay. Ang apoy ay simbolo naman ng init at ningas ng pagmamahal. Ang ibon ano kaya? Ano ang ipinahihiwatiog nito? Isang paring misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal. Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng ganito: "Father, patawarin po ninyo ako; ako'y nagkasala. Nagnakaw po ako... yung biyenan ko minura ko... At Father, mayroon po akong ipagtatapat: mayroon po akong "kulasisi" (kabit o babaeng kinakasma ha hindi asawa). Biglang napaisip ang pari, "What is "kulasisi?" Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan: "Kulasisi: noun, a little bird, good for pet." Sabi ng pari: "Magaling, magaling... ilan ang kulasisi mo?" Sagot naman ng nagulat na lalaki: "E...e.. dalawa po padre!" "Kung ganon, ibigay mo sa akin ang isa ha? Ako na ang mag-aalaga! " Ang hirap nga naman pag di malinaw ang pag-intindi mo sa isang salita. Ang resulta: hindi pagkakaintindihan, maling pagkaunawa, pagkakagulo, pagkakawatak-watak! At batid din naman natin na ang "kulasisi" ay dahilan ng pagkasira ng pamilya at relasyon. Ang biyayang dulot ng Espiritu Santo ay pagkakaisa. Ito ang narinig natin sa unang pagbasa: "At silang lahat ay napuspos ng Espiritu Santo at nagsalita ng iba’t ibang wika, ayon sa ipinagkaloob sa kanila ng Espiritu." Bagamat iba't ibang wika ang ipinagkaloob sa kanila ay naiintindihan sila ng mga nakarinig sa kanila. Bakit nagkaganoon? Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Iba’t iba ang kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito." Ibig sabihin, ang Espiritu Santo ang nag-uugnay at dahilan ng pagkakaisa. Nakakalungkot tingnan ang mga Kristiyanong nagbabangayan at nagsisiraan sa isa't isa. Ang mas nakakalungkot ay may mga taong gumagamit pa ng Salita ng Diyos upang tuligsain ang kanyang kapwa. Ang dapat na epekto ng biyayang kaloob ng Espiritu ay kapayapaan at hindi kaguluhan. Ang hatid ng Banal na Espiritu ay KATOTOHANAN at hindi kalituhan! At ito ang napapanahong pangangailangan ng ating mundo, ang mabuhay sa katotohanan at hindi kasinungalingan. Ang ating mahal na Cardinal ay nagpapaalala sa atin na maging mapanuri at mapagmatyag sapagkat nakararanas tayo ngayon ng "krisis ng katotohanan" dahil sa mga nagdaang pangyayari sa ating lipunan. Kung babasahin natin ang mga kasalukuyang pangyayari gamit ang mata ng pananampalataya ay sasang-ayon tayo na talagang may krisis tayo sa katotohanan. Kailangan natin ang tulong ng Banal na Espiritu! Ito ang pambungad na bati ni Jesus pagkatapos ng kanyang muling pagkabuhay. "Pagkatapos, sila’y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo." Tingnan natin ang ating buhay. May kapayapaan ba sa loob ng aking pamilya? May kapayapaan ba sa aking sarili? May kapayapaan ba sa aking lipunan? Kung hindi pa natin ito nararanasan ay marahil hindi pa natin hinahayaang maghari ang Espiritu sa ating buhay. Ang Espiritu Santo ay hindi "kulasisi". Ang "kulasisi" ay sumisira, nagwawatak-watak, naghihiwalay sa ugnayan ng pamilya. Ang Espiritu ay nag-uugnay, nagtitipon, nagbubuklod... ang dulot Niya ay kapayapaan at pagkakaisa. At higit sa lahat ang biyayang handog ng Espiritu Santo ay KABANALAN. Bagama't ang Simbahan ay binubuo ng mga taong makasalanan, ang Espiritu Santo naman ang nagpapanatili ng Kanyag kabanalan. Ang kabanalan ang nais ng Diyos para sa ating lahat at ito ang katibayan na pinaghaharian Niya tayong Kanyang mga anak. Hingin natin ang biyaya ng Banal na Espiritu upang mapuspos tayo ng pagkakaisa, katotohanan at kabanalan.
Sabado, Mayo 12, 2018
LANGIT ANG ATING TUNAY NA TAHANAN: Reflection for The Solemnity of the Ascension
Nagdarasal ka ba pagkagising sa umaga? Marahil nararapat lang! Dapat lang na tayo ay magpasalamat sa Diyos sa pagkakaloob uli sa atin ng pagkakataong mabuhay. Kanina pagkagising natin ay sigurado akong may ilan sa ating hindi na nakadilat at tumigil na sa paghinga. Pero ikaw.... buhay ka pa! Kaya kanina pagkadilat ng aking mata ay agad sinabi kong: "Thank you Lord! Salamat sa pagbibigay sa akin ng limampu't isang taon na buhay! " Ngunit naisip ko rin na isang taon na naman ang nalagas sa akin at naglalapit na naman sa aking kamatayan! Ito naman talaga ang katotohanan na mahirap tanggapin: na ang bawat pagdiriwang ng ating BIRTHDAY ay naglalapit sa ating DEATH DAY. Dapat nating tanggapin na lahat tayo ay mamamatay! Naalala ko noong ako ay bata pa at nakikinig sa homiliya ng isang pari. Tinanong niya kami kung paano ba kami makapupunta sa langit. Siyempre, ang sagot namin ay maging mabait at gumawa ng kabutihan sa iba, magsimba at sumunod sa mga utos ng Diyos. Ngunit sinigawan kami ng matandang pari at sinabing "Mali!!! Dapat muna kayong mamatay!" Oo nga naman, paano ka makapupunta sa langit kung hindi ka mamamatay? Ang pagpunta sa langit ay nangangahulugan ng paglipat sa kabilang buhay. Ngunit hindi natural sa atin na pag-isipan ang "buhay sa kabila." Ilan sa inyo ang gustong pumunta sa langit? Marahil lahat tayo ay magtataas ng kamay. Ngunit kapag sinabi kong NGAYON NA... magtataas ka pa rin ba ng kamay? Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap sa gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus. Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay pandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman. Lagi nating pakatatandaan: May langit na ating hantungan at inaasahan. Ito ang ating TUNAY NA TAHANAN!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)