Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Mayo 12, 2018
LANGIT ANG ATING TUNAY NA TAHANAN: Reflection for The Solemnity of the Ascension
Nagdarasal ka ba pagkagising sa umaga? Marahil nararapat lang! Dapat lang na tayo ay magpasalamat sa Diyos sa pagkakaloob uli sa atin ng pagkakataong mabuhay. Kanina pagkagising natin ay sigurado akong may ilan sa ating hindi na nakadilat at tumigil na sa paghinga. Pero ikaw.... buhay ka pa! Kaya kanina pagkadilat ng aking mata ay agad sinabi kong: "Thank you Lord! Salamat sa pagbibigay sa akin ng limampu't isang taon na buhay! " Ngunit naisip ko rin na isang taon na naman ang nalagas sa akin at naglalapit na naman sa aking kamatayan! Ito naman talaga ang katotohanan na mahirap tanggapin: na ang bawat pagdiriwang ng ating BIRTHDAY ay naglalapit sa ating DEATH DAY. Dapat nating tanggapin na lahat tayo ay mamamatay! Naalala ko noong ako ay bata pa at nakikinig sa homiliya ng isang pari. Tinanong niya kami kung paano ba kami makapupunta sa langit. Siyempre, ang sagot namin ay maging mabait at gumawa ng kabutihan sa iba, magsimba at sumunod sa mga utos ng Diyos. Ngunit sinigawan kami ng matandang pari at sinabing "Mali!!! Dapat muna kayong mamatay!" Oo nga naman, paano ka makapupunta sa langit kung hindi ka mamamatay? Ang pagpunta sa langit ay nangangahulugan ng paglipat sa kabilang buhay. Ngunit hindi natural sa atin na pag-isipan ang "buhay sa kabila." Ilan sa inyo ang gustong pumunta sa langit? Marahil lahat tayo ay magtataas ng kamay. Ngunit kapag sinabi kong NGAYON NA... magtataas ka pa rin ba ng kamay? Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!" LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap sa gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit? Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus. Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! 'Wag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay pandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman. Lagi nating pakatatandaan: May langit na ating hantungan at inaasahan. Ito ang ating TUNAY NA TAHANAN!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento