Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Abril 29, 2018
KUWENTO NG PANANATILI: Reflection for 5th Sunday of Easter Year B - April 29, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Sa darating na Mayo 1, 2018 ay ipagdiriwang namin ang TATLONG SINGKUWENTANG MAY KUWENTO. Ito ang ika-50 taong anibersaryo na sunod sunod na ipagdiriwang ng aming Youth Center (1968-2018), Parish Church (1969-2019) at TVET o Technical Vocational Educational Training Center (1971-2021). Pagkatapos ng limampung taon ay maraming kuwento ng hirap, tagumpay, pagkabigo at pag-asa ang aming naipon at siyang naging dahilan kung anung mayroon kami ngayon dito sa kanlurang bahagi ng Tundo. Ang kasalukuyang saganang bunga ng misyon na sinimulan ng ilang dayuhang Salesyanong Pari ay maitutukoy natin sa malalim na pagkaugat ng kanilang gawain sa Diyos. Sa katunayan, ang Don Bosco Youth Center ay sinimulan sa simpleng katesismo o pagtuturo ng pananampalataya na may kasamang kasiyahan sa pamamagitan ng palaruan. Ang sikreto ng tagumpay ay nakasalalay sa "pananatili" ng gawain ni Don Bosco sa Diyos! Kaya nga't akmang-akma ang imaheng ginamit ng Panginoon sa Ebanghelyo ngayon... ang puno ng ubas. Sa Lumang Tipan, ang ubasan ay laging ipinatutukoy sa bayang pinili ng Diyos, ang Israel, na ang kasaysayan ay tungkol sa katapatan ng Diyos sa kanyang Tipan sa kabila ng maraming pagtalikod at pagtataksil ng tao. Sila ang ubasan na kung minsan ay hindi nagbibigay ng bunga sa kabila ng masusing pag-aalaga ng Diyos sa kanila. Sa Bagong Tipan ay inako mismo ni Jesus ang pagiging puno ng ubas upang ipakita ang kahalagahan ng ating pakikipag-ugnayan sa Kanya. "Ako
ang puno ng ubas, kayo ang mga
sanga. Ang nananatili sa akin, at ako
sa kanya, ang siyang namumunga
nang sagana..." Tayong mga "sanga" ay naiugnay kay Jesus sa pamamagitan ng ating Binyag na kung saan tayo ay naging kabahagi ng Katawan ni Kristo. Tayo ay nananatili sa Kanya sa pamamagaitan ng ating buhay panalangin at pagtanggap ng mga Sakramento. At namumunga ang ating buhay Kristiyano sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa na naipapakita sa gawa! Kung minsan ay nangangailangan ito ng pagpuputol ng ilang sanga o "trimming" upang lalo pang dumami ang bunga. Sa ating buhay, ito ang maramng pagsubok na ipinadadala ng Diyos sa atin na kapag ating napagtagumpayan ay nagbibigay sa atin ng biyaya at maraming pagpapala. Ito rin ang naging kuwento ng Don Bosco Youth Center sa nakalipas na limampung taon. Maraming pagsubok mula sa usaping materyal at pinansiyal hanggang sa personal na suliranin na dulot ng hindi pagkakaunawaan o ng hindi magandang halimbawa ng mga namumuno. Ngunit ang lahat ng ito ay "paglilinis" o "pagpuputol" sa mga mga sanga na dapat pagdaanan upang mas maalalim pa natin ang ating pananatili sa Panginoon. Tunay nga ang salitang binitawan Niya: "Ang nananatili sa akin, at ako
sa kanya, ang siyang namumunga
nang sagana; sapagkat wala kayong
magagawa kung kayo ay hiwalay sa
akin." Kaya nga't mahalaga para sa atin na manatili sa pagtupad ng kalooban ng Diyos kung nais nating makatanggap pa ng maraming pagpapala. Hindi ang straktura ng mga gusali o pasilidad ang magbibigay tingkad sa ikalimapung taon ng pagdiriwang na ito kundi ang katapatan at sigasig nating manartili kay Jesukristo! Sapagkat kung wala Siya ay wala naman tayong magagawa. "Without Christ we are nothing!" Maligayang pagdirawang sa pagsisimula ng TATLONG SINGKUWENTANG MAY KUWENTO!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento