Ano ba ang biyaya na dala ng muling pagkabuhay ni Jesus? Nang magpakita si Jesus sa mga alagad ay ito ang kanyang pambungad na bati: "Sumainyo ang kapayapaan!" Hindi lang isa ngunit tatlong ulit niyang sinabi ito. Sa Bibliya ang pag-uulit ay naghahayag ng kahalagahan.
Kapayapaan ang hatid ng muling pagkabuhay ni Jesus. Ito ang pumawi sa kaguluhan ng isip at pag-aalinlangan ng mga alagad. Ito ang sumakop sa kasamaang dulot ng kasalanan. Ito ang nagbigay daan sa liwanag na dala ng kadiliman ng kamatayan. Ang muling pagkabuhay ni Kristo ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at kapayapaan. Ngunit paano ba natin maibibigay ang kapayapaan?
May kuwento ng isang lalaking umuwi sa kanilang bahay na di mapakali at galit na galit. Ang kanyang suot na damit ay punit at may mga marka ng kalmot ang kanyang mga braso at leeg. Nakita siya ng kanyang kumpare at tinanong: "Pare, saan ka galing anung nangyari sa 'yo? " Sumagot naman ang lalaki, "Ah, inilibing ko ang kumare mo. Binigyan ko s'ya ng kapayapaan!" "Mabuti naman," sabi ng kanyang kumpare, "Ngayon ay payapa na ang kumare, e teka... bakit punit ang damit mo at may kalmot ang mga braso at leeg mo?" Sagot ang mister, "Pare, nanlaban kumare mo eh!" hehehe... Kung minsan, may pagbibigay ng kapayapaan na hindi tama! Ngunit paano ba natin nakakamit ito? Posible nga bang maranasan ang kapayapaan? Sabi nila ang kapayapaan daw ay mararanasan mo lang kapag patay ka na. Kaya nga R.I.P. ang inilalagay sa puntod ng mga yumao... Rest in Peace! Patay na siya... payapa na siya! Sa katunayan ay parang ibong napakailap nito kaya siguro hanggang ngayon ay naghahanap pa rin tayo ng kapayapaan. Sa ating bansa ay isa ito sa nais nating makamtan lalo na sa mga kapatid natin sa Mindanao. Kaya nga pilit na isinusulong ang pagpapasa ng BBL o Bansangmoro Basic Law sa pag-aakalang ito ang kasagutan sa kapayapaan sa mga kapatid nating nasa Mindanao, pero ito nga ba ang solusyon? At naririyan din ang problema sa usaping pangkapayapaan ng pamahalaan sa mga NPA na hanggang ngayon ay wala pa ring maliwanag na katugunan. Lalo nasigurong hindi kasagutan ang "All Out War" sa mga taong ito para makamit natin ang kapayapaan. Kung gayon ay paano ba natin ito makakamit? Ang Muling Pagkabuhay ni Jesus ay may nais ipahayag sa atin kung papaano natin ito makakamit at maibabahagi sa iba. Ang kapayapaang hatid ni Kristo sa mga alagad ay kapayapaang naghahatid ng awa at habag. Sa halip na sumbatan ni Jesus ang mga alagad sa kahinaan ng kanilang pananampalataya ay pagpapatawad ang kanyang hatid sa kanila. Ang mga katagang "Sumainyo ang kapayapaan" ay nagpapakita ng pagmamahal at pagpapatawad ni Jesus sa kanilang kahinaan at kakulangan ng pananampalataya. Kahit kay Tomas na may katigasan ang puso at dumating pa sa paninindigang "to see is to believe", ay hindi nagalit si Jesus. Bagkus ay pinaalalahanan Niya si Tomas na
"Huwag ka
nang mag-alinlangan, maniwala ka
na... Naniniwala ka na ba sapagkat
nakita mo ako? Mapapalad ang
mga naniniwala kahit hindi nila ako
nakita!" Ngayon ang ang kapistahan ng "Divine Mercy". Sariwa pa rin sa atin ang tema ng pagdalaw ng Santo Papa Francisco: Mercy and Compassion, o Awa at Malasakit.
Maibabahagi natin ang kapayapaang kaloob ni Kristo kung una sa lahat ay naranasan natin ang awa at malasakit ng Diyos. Siya ang bukal ng awa at habag at ito ang Kanyang alok sa atin upang mapuno ang ating puso ng Kanyang pagmamahal.
Pangalawa, pagkatapos nating maranasan ito ay dapat na makapagpakita tayo ng AWA at MALASAKIT sa ating kapwa. Kapag kaya nating akuin ang paghihirap ng iba lalong-lalo na ng mga mahihirap at magdala ito sa pagpapadama ng awa, ay doon lamang magkakaroon ng kapayapaan sa ating mga puso. Naniniwala ako na ang kapayapaan ay dapat muna na nasa atin bago natin maibigay sa iba kaya dapat tayo ang unang nagpapakita ng awa at malasakit sa ating mga sarili. Mahal mo ba ang buhay mo? Inaalagaan mo ba ang katawan mo? Baka naman inaabuso mo ito at mas masaklap binababoy mo ang iyong sarili? Nagiging tulay ba tayo ng awa ng Diyos sa iba? Anong pagmamalasakit na ba ang aking ginawa sa mga taong naghihirap? Marami tayong katangungang dapat sagutin kung nais nating maghari ang kapayapaan sa ating puso... sa ating mundo. Nawa sa ating pang-araw-araw na buhay ay lagi tayong maging tagapagdala ng kapayapaan. Gawin nating pansariling panalangin ang panalangin ni San Franciso ng Asisi...
"Lord, make me a channel of your peace!" Ang kapayapaang nasa ating sarili at naibabahagi natin sa iba ang katibayan ng Muling Pagkabuihay ni Kristo!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento