Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Abril 21, 2018
PAKIKIALAM NG MABUTING PASTOL: Reflection for 4th Sunday in Ordinary Time Year B - April 22, 2018- YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Nitong nakaraang Linggo ay nasa Don Bosco Batulao ako para sa aming taunang Spiritual Retreat. Ito ay limang araw na paglalaan ng oras para sa pagdarasal at pagninilay upang mapanibago namin ang aming pagtawag bilang isang relihiyosong pari o lay brother. Binibigyan din naman kami ng oras para magpahinga at personal na gawain kasama na rin ang maikling oras ng paggamit ng "internet" upang hindi naman kami maiwanan sa mga pangyayari sa ating mundo. Isa sa nakatawag sa aking pansin, sa aking pagbabasa ng balita, ay ang tungkol kay sa isang madre na ang pangalan ay Sister Patricia Fox. Siya ay isang matandang madre na kabilang sa Congregation of Reliogious Sisters of Our Lady of Sion o Sisters of Sion. Hinuli siya noong April 16 ng anim na miyembro ng Bureau of Immigration sa pag-aakusang siya ay isang "undesirable allien" - isang dayuhang hindi dapat naririto sa ating bansa. Ito ang unang paratang sa kanya ngunit kinalaunan ay inamin ng mga opisyal ng ating gobyerno na siya ay hinuli sapagkat siya ay isang dayuhan na nakikisali sa mga protesta ng mga raliyista at akbista... na siya raw ay lumalaban sa gobyerno at dahil dito ay nagiging banta ng seguridad. May katotohanan ba ito? Hindi ko lubos na maisip kung paanong ang isang matandang madre, 71 na taong gulang, payat at may iniindang sakit ay isang banta sa seguridad! Sa aking maikling pagsasaliksik ay napag-alaman ko na ang madreng ito ay nagsimula ng kanilang gawain dito sa Pilipinas noon pang 1990. Sila ay tinanggap ng dating obispo ng Infanta, Quezon na si Bishop Labayen. Ang kanilang misyon ay upang tulungan ang mga maralitang magsasaka at ipagtanggol ang kanilang karapatan sa mga mapang-abuso sa lipunan. Ito naman talaga ang misyon ng Simbahan kaya nga't hindi pamumulitika ang ginagawa ng madreng ito. Sa katunayan, ang paninidigan nga ng kanilang kongregasyon ay ito: "Following the mandate of the church mission of proclaiming the Good News to the poor, she has since given her life as a religious to the service of the poor and those in need on the peripheries of society." Noong siya ay tinanong ng isang reporter kung may kinatatakutan ba siya ay ito ang kanyang tugon: "I am scared of being deported or denied entry" back into the country. "If I will die, I should die in the Philippines," she declared. "I can't die and be buried in Australia while my heart is left here." Ngayong Linggo ng Mabuting Pastol ay ito rin ang paalala ng ating Panginoong Jesus sa atin. "Iniaalay ng mabuting pastol ang
kanyang buhay para sa mga tupa." Si Jesus ang ating huwaran sa pagiging Mabuting Pastaol. Siya na naglaan ng kanyang buhay para sa atin na kanyang kawan ay nagsasabi sa atin na maging mabuting pastol din sa ating kapwa. Ang mga misyonerang tulad ni Sister Patricia Fox ay tapat na halimbawa ng isang pagiging mabuting pastol. Sila ang mga taong handang maglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod at pagtulong sa mga nasa laylayan ng lipunan. Ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons ay ipanalangin natin na sana ay magsugo pa ang Panginoon ng maraming mabuting pastol sa ating Simbahan, mga pari, madre, relihiyoso at relihiyosang handang talikuran ang lahat at maglaan ng kanilang buhay sa paglilingkod. Ipanalangin din natin ang mga nasa misyong magpalaganap ng Mabuting Balita ng Panginoong Jesukristo na kasalukuyang dumaranas ng pagpapahirap at pag-uusig na sila ay maging matatag sa pananampalataya at sa kanilang pagsaksi sa katotohanan. Magsilbing inspirasyon din nawa para sa atin ang buhay ng mga taong tulad ni Sister Patricia Fox na manindigan at ipagtanggol ang ating kapwa Pilipinong nasisiil ang karapatan at naruruyakan ang dignidad bilang tao. Hindi ito politikal na pakikialam. Ito ay KRISTIYANONG PAKIKIALAM ng isang taong nagtataglay ng puso ng Mabuting Pastol.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento