Sabado, Marso 31, 2018

BE BEARERS OF GOOD NEWS NOT FAKE NEWS: Reflection for Easter Sunday Year B - April 1, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS

Isa ka na rin ba sa mga nabiktima ng FAKE NEWS?  Kung ikaw ay nagbababad sa Facebook at nakagawian mo ng magbasa ng balita gamit ang internet, malamang ay isa ka rin sa mga nagayuma na ng mga maling balita na ang intensiyon ay manlinlang at maisulong ang mga maling propaganda.  Isa sa halimbawa ng fakenews ay ito: "Ayon sa survey, isa sa tatlong katao ay pangit..."  Papayag ka bang totoo ang survey na ito.  Tingnan mo ang nasa kanan mo at kaliwa mo. O di ba mas pangit sa yo ang mga yan? Kung hindi dapat ka ng kabahan! hehehe...  Isang fakenews din ay ang sabihing talo ng kadiliman ang liwanag.  Kailanman ay hindi magagapi ng liwanag ang kadiliman.  Hindi magagapi ng masama ang mabuti.  Hindi mapapasailalim ng kamatayan ang buhay!  Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan!  Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus... S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli... magpupumilit ka pa rin ba sa masasama mong hilig at pag-uugali? Magtitiis ka pa rin ba sa kadiliman? Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag. Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang "mga anak tayo ng kaliwanagan." Ito ang tunay na GOOD NEWS at hindi FAKE NEWS. Kailangan lang nating maging mga taong may paninidigan sa katotohanan at maging mga men and women of integrity.  Ito ang paalala ni Cardinal Tagle noong Chrism Mass sa Manila Cathedral: Let us put a stop to fake news! We are not called and consecrated to bring fake news, only Good News, especially through the integrity of our lives,”  At binigyang diin nya ang kahalagahan ng pagiging buhay na saksi ni Kristo sa ating pang-araw-araw na buhay.  “That’s why many people don’t listen to the Good News because they don’t see it [in] the one talking,” said Tagle. “They are looking for people of integrity whose words will match their action.”
“The Good News is not just to be proclaimed through words, in most instances it is better proclaimed in life, in deeds. That’s integrity,”  Ang ibig sabihin lang ng ating butihing Cardinal ay magpakatotoo tayo sa ating pananampalataya bilang mga Kristiyano.  Iwaksi ang mali at gawin ang tama. Isabuhay natin ang ating mga pangako sa binyag.  Kung magiging totoo tayo sa ating mga sarili ay madali na lang magpahayag ng katotohanan sa iba.  Hindi tayo manlilinlang ng kapwa.  Hindi natin lalamangan sila.  Hindi natin ipapahamak ang isa't isa.  Maging mga buhay tayong tagapagdala ng Mabuting Balita ni Kristo.  Let us be bearers of GOOD NEWS not FAKE NEWS!  

Walang komento: