"Father, bakit laging kang bumabati ng MAGANDANG BUHAY sa simula ng homily mo?" tanong ng isang parokyano sa akin. Ang sagot ko sa kanya, "Mabuti na yun kesa naman, batiin ko kayo ng MAPANGIT NA BUHAY... Gusto n'yo ba yun?" Siguradong akong ayaw natin ng malas at problemadong buhay. Ayaw nating "bad vibes" ang ating masisinghot sa umaga sa ating paggising. Ang pagbati ng MAGANDANG BUHAY ay pagbating punong-puno ng pag-asa at ligaya. Kaya nga ginagamit ito kapalit ng magandang umaga o magandang hapon. Mas maganda nga naman talaga ang pagbating ito sapagkat ang buhay ang pinakamahalagang kaloob sa atin ng Diyos at kapag ito ay ating ibinabahagi sa iba para na ring ibinibigay natin ang Kanyang pagpapala sa mga taong ating nakakasalubong at nakakatagpo. Tunay naman talagang "maganda ang buhay!" At kapag nabubuhay tayo ng mabuti ang Diyos na nagkaloob sa atin nito ay ating niluluwalhati. "The glory of God is man ( or woman) who is fully alive!" sabi ni San Ireneo. Kaya dapat lang nating pahalagahan ito. Yun lang nga huwag namang labis ang pagpapahalaga sapagkat ang lahat ng kalabisan ay masama. Baka sa ating pag-iingat o pag-aalaga ay ikapahamak natin ito. Sabi nga ng isang text: "Babala sa mga friends ko na di kumakain ng taba, di nagpupuyat, di nagkakape, di umiinom ng alak, di naninigarilyo. Mabubuhay kang malungkot ! Patay na kaming lahat... buhay ka pa!" hehehe... Hindi ito panghihikayat upang tayo ay malulon sa bisyo. Hindi rin ito pagbatikos sa mga taong sobra sobra ang pag-iingat sa buhay. May mga iba na napakarami ang pagbabawal sa buhay, bawal ang pork, hipon, karne, itlog at ba pang pagkain. Nag-eenjoy pa kaya sila sa buhay nila? Ang motto nga ng isang kaibigan kong maraming dinadalang sakit sa katawan ay: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same... so why not eat and die!" May pagkapilosopo ang aking kaibigan ngunit kung iisiping mabuti ay may butil ng katotohanan ang nais niyang ipahiwatig. Hindi masama ang magmahal sa buhay at mag-alaga ng ating katawan. Ngunit ang labis na pagmamahal ay hindi na natatama. May babala si Jesus tungkol dito: "Ang taong labis na nagpapahalaga sa kanyang buhay ay siyang mawawalan nito..." Markahan ninyo ang salitang... LABIS! Ibig sabihin wala sa lugar, sobra, di na nakakatulong! "Ngunit ang napopoot sa kanyang buhay ay siyang magkakaroon nito hanggang sa buhay na walang hanggan." Hindi ibig sabihin na dapat nating kamuhian ang ating buhay. Ang pagkapoot na sinasabi dito ay ang "paglimot sa sarili upang magbigay buhay sa iba!" Hinalintulad ni Jesus ang kanyang sarili sa isang butil ng trigo na kinaikailangang mamatay upang magkamit ng bagong buhay. At iyon ay ginawa niya sa pag-aalay ng kanyang buhay sa krus upang tayo ay magkamit ng buhay na walang hanggan. Ang kuwaresma ay naayong panahon upang magpraktis tayo ng "self-dying". Hindi "suicide" o pagkitil ng sariling buhay ang pakahulugan nito. Ang "self-dying" ay may kaugnayan sa "self-denial" na nagtuturo sa ating katawan upang maging disiplinado at mapalakas ang ating "will power". Sa self-denial ay itinatanggi natin sa ating katawan ang maraming bagay na hindi naman talagang masama. Ito ay pagtanggi sa mga bagay na nagbibigay ng kasarapan sa ating buhay. Labis na pagkain, panood ng TV, shopping (para sa mga may pera), computer games, labis na pagtetext, etc... Patayin natin ang masasamang hilig upang mabuhay tayo na disiplinado at makatulong sa iba. Patayin ang labis na pagmamahal sa sarili upang makapaglingkod sa kapwa... Hindi lahat pala ng pagpatay ay masama... may pagpatay na buhay ang ibinibigay!
May apat akong mungkahi upang maging masaya at mapayapa ang ating buhay. Pang-una: RELEASE the regrets of yesterday. Pangalawa: REFUSE the worries of tomorrow. Pangatlo: RECEIVE the gifts of the present day. At pang-apat at pinakamahalaga sa lahat: REMAIN in God's presence. Isa lang ang ating buhay. Huwag nating sayangin. Mabuhay tayo ng masaya at maligaya!
MAGANDANG BUHAY SA INYONG LAHAT!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento