Tayo ay pumasok na sa ating pagdiriwang ng "Semana Santa" o Holy Week... ang MGA BANAL NA ARAW. Ito rin ay maaaring tawaging LINGGO NG MILAGRO sapagkat sa mga araw na ito ay magaganap ang dakilang milagro. May kuwento ng isang batang bumili sa isang botika. Paglapit niya sa tindera ay agad syang nagtanong:
"Ale, magkano po ang milagro?" Napangiti ang tindera at sinabi: "Iho, gamot at hindi milagro ang tinitinda namin dito." Sagot ng bata: "Ganun po ba? Kasi sabi ng duktor: "Tanging milagro na lang ang makapagliligtas sa nanay ko... kaya nga gusyo ko sanang bumili ng gamot na sng tawag ay MILAGRO!" Ang mga araw ng milagro na darating ay hindi natin binili. Ito ay buong pagmamahal na ibinigay ng Diyos sa atin at hindi matutumbasan ng anumang halaga. Isa-isahin natin ang mga ito: Sa Huwebes Santo ay ang dakilang milagro ng "Katawan at Dugo ni Kristo" na ginawa Niya sa "Huling Hapunan". Nariyan din ang milagro ng pag-aalay ng Anak ng Diyos ng Kanyang buhay sa krus upang tayo ay maligtas sa ating mga kasalanan. At ang pinakadakilang milagro sa lahat ay ang Kanyang "Muling Pagkabuhay" pagkatapos ng tatlong araw na pananatili sa libingan. At sinisimulan natin ito sa paggunita sa marangyang pagpasok ni Jesus sa Jerusalem na kung saan ay tinaggap siya ng mga tao bilang "Anak ni David". Ngunit panandalian lang ang mga ito dahil pagkatapos ay parehong mga tao rin ang sisigaw ng "Ipako siya sa krus!" Si Jesus ay daranas ng paghihirap sa kamay ng mga Hudyo. Kaya nga ang tawag din natin sa linggong ito ay PASSION SUNDAY o LINGGO NG PAGHIHIRAP. Ang paghihirap na dinanas ni Jesus ay pagpapakita ng dakilang pagmamahal ng Diyos sa atin. Kaya nga, sa ating mga Pilipino ang tawag natin sa mga araw na darating ay MGA MAHAL NA ARAW. Sa paghihirap, pagkamatay at muling pagkabuhay ni Jesus ay tinubos Niya tyo sa ating mga kasalanan. Kaya nga't nararapat lang na igalang at panatilihin natin ang pagiging mahal ng mga araw na ito. Huwag nating gawing "cheap" o mumurahin. Magdasal at magnilay sa mga darating na araw. Ang tingin kasi ng ibang tao sa mga araw na ito ay araw ng pagrerelax at pagpunta sa beach o resorts. Nawala na ang kabanalan ng mga Mahal na Araw! Maraming gawain ang inilatag ang Simbahan para sa mga araw na ito upang mapanatiling banal at mahal. Naririyan na ang nakagawiang pabasa, pagpapalabas ng Senakulo, ang pagdalo sa Misa ng huling hapunan,Visita Iglesia, Daan ng Krus, Pagsamba sa Krus na Banal, pagdiriwang ng Muling Pagkabuhay, Salubong at pagsariwa ng ating mga pangako sa Binyag. sa Linggo ng Pagkabuhay. Ngunit huwag nating kalimutan na ang tugatog ng mga pagdiriwang na ito ay ang pagdalo sa Misa ng Linggo ng Pagkabuhay ng Panginoon. Diyo nangyayari ang tunay na milagro na kung saan ay tinatanggap natin ang Katawan ni Kristo sa anyong tinapay at alak at kung paanong tayo ay pinababanal nito sa ating pagtanggap. Mga kapatid, samahan natin ang Panginoon sa kanyang paghihirap ng sa gayon tayo rin ay makasama sa Kanyang muling pagkabuhay at gagawa ng himala ang Panginoon sa ating buhay. Hindi na natin kinakailangang maghanap pa at "bumili" ng milaro. Araw-araw ito ay nagaganap sa ating pagdiriwang ng Santa Misa na kung saan ay nakikiisa si Jesus sa atin sa patuloy na pag-aalay ng Kanyang sarili at pagmahahal sa atin. Mahalin at pabanalin natin ang mga araw na darating!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento