Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Linggo, Mayo 27, 2018
DIYOS NA 3 IN 1 (Revised & Reposted) : Reflection for the Solemnity of the Most Holy Trinity Year B - May 27, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Kapistahan ngayon ng Banal na Santatlo... ang sinasamba nating ISANG DIYOS SA TATLONG PERSONA. Ito ay isang misteryo na kailanman ay hindi natin maiintindihan. Kahit ang pinakamainam na paliwanag ng mga dalubhasa sa Banal na Kasulatan ay kapos sa katotohanan sapagkat walang sinumang makatatarok sa katotohanan ng Diyos! May ilang nagpupumilit na intindihin Siya ngunit masisiraan lang tayo ng bait kung ipagdidikdikan natin ang ating maliit na utak sa napakalawak na kadakilaan Niya! Gayunpaman, hindi kumplikado ang katotohanan ng Diyos at ayaw na ring maging kumplikado sa atin. Nais ng Diyos na maging payak at simple upang maabot niya kahit ang isang taong walang pinag-aralan. Simple lang naman ang Diyos. Kasimple ng kapeng iniinom natin araw-araw. Ang Diyos ay simple tulad ng kapeng 3 in 1. Isa akong certified cofee lover! Grabe! Hindi ako makakatulog sa gabi pag hindi ako uminom ng kape. Sabi nga ng commercial sa T.V. "Sarap ng gabi... sarap ng kape! Why not? Try n'yo!" Marami na rin akong kapeng natikman... mula sa brewed o barakong kape ng batanggas hanggang sa fraps o fancy cofee ng starbucks. Natikman ko pa nga ang exotic na "kape alamid". Special daw ang kapeng ito na ang beans ay galing sa "shit ng Alamid" hehehe! Talagang mapapa... (sorry for the word) SHIT ka pag nainom mo ito! Php 200 plus ba naman sa isang maliit na expresso cofee! Isang lunukan lang at naglaho na ang Php 200 mo! hehehe... Kaya nga't nasabi ko sa aking sarili na dun na lang ako sa aking 3 in 1 na kape! Tubig lang na mainit ang kelangan mo... enjoy ka na! Kung minsan ay ginagawa nating kumplikado ang buhay tulad ng kape e simple lang naman ang buhay! Parang pakikitungo natin sa Diyos. Pilit nating inuunawa siya gamit ang ating maliit na pag-iisip. Parang tubig ng dagat na pilit nating pinagkakasya sa maliit na butas sa buhanginan. Pinagpipilitan nating unawain ang kanyang misteryo ng ating limitadong kaalaman upang maunawaan lamang na ang Diyos pala ay ginagamitan hindi ng utak kundi ng ating puso. Tunay nga naman na ang mga taong marunong lang magmahal ang lubos na nakakaunawa sa Diyos! Kapag marunong kang magpakita ng pagmamahal sa isang taong nangangailan ng tulong, kapag kaya mong magpatawad sa mga taong nakagawa sa iyo ng masama, kapag kaya mong mahalin ang iba sa kabila ng kanilang di kaibig-ibig na pag-uuagali... matuwa ka! Unti-unti ay nauunawan mo na ang misteryo ng Diyos. Ang pagkilala sa Kanya ay higit pa sa pagkakaalam sa kanyang "Bio-data". Ang pagkilala sa Diyos ay ang pagkakaroon ng personal na karanasan sa Kanya. Kailan mo ba tunay na naranasan ang Diyos sa iyong kapwa? Kailan mo ipinaranas ang kanyang pagmamahal sa iba? Maraming "diyos" na ipinakikilala ang mundo ngunit ako... kuntento na sa aking Diyos na 3 in 1, ang Diyos Ama na nagbigay sa akin ng Kanyang Anak at patuloy na gumagabay sa akin sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Di ko man S'ya lubos na maintindihan (bakit 3 in 1?) alam ko namang mahal N'ya ako at nais Niyang mahalin ko rin Siya. Sa susunod na ako ay uminom uli ng kape, dapat ay lagi kong maalala ang aking Diyos na 3 in 1. Tatlong persona na IISANG PAGKADIYOS na nagmahal sa akin ng lubos. Sarap ng gabi... sarap ng kape. Sarap ng buhay... sarap makasama ang Diyos. Bakit hindi? Try n'yo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento