Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Hunyo 2, 2018
TANDA NG PAGKAKAISA (Revised & Reposted) : Reflection for the Solemnity of Corpus Christi Year B - June 3, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Nabubuhay tayo sa panahon ng mga tanda! Mas madaling makilala ang isang bagay kapag ginagamitan nito. Kapag nakakita ka ng malaking bubuyog na kulay pula at may sumbrero ay alam mo agad na ito ay Jolibee! Kapag nakakita ka naman ng lalaking clown o malaking letter M ay alam mo agad na ito ay Mcdo! Alam nyo bang ang letter M ng McDonald ang isa sa pinakasikat na simbolo sa buong mundo.? Naririyan din ang Nike sign at ang Olympic Rings na kilalang kilala ng marami. Sa ating mga Kristiyano may isang tanda ng dapat ay alam na alam natin. Bukod sa tanda ng Krus ay dapat pamilyar na sa atin ang maliit, manipis, bilog at kulay puting tinapay na ating tinatanggap sa Misa - ang Banal na Katawan ni Kristo! Ang Banal na Eukaristiya ang simbolo ng pagkakaisa nating mga Kristiyano! Kaya nga ang tawag din natin sa Banal na Sakramentong ito ay"Sacrament of Holy Communion". Ang ibig sabihin ng communion ay pagkakaisa: COMMON na, UNION pa! Ano ang nagbubuklod sa atin sa Sakramentong ito? Walang iba kundi ang TIPAN na ginawa ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pag-aalay ng Kanyang katawan at dugo! Sa Lumang Tipan ang tipanang ito ay isinagawa sa pagwiwisik ng dugo ng susunuging handog sa dambana. Ang mga tao naman ay sabay-sabay na nagpapahayag ng kanilang pagsang-ayon at pagsunod sa utos ni Yahweh! Sa Bagong Tipan ay may pag-aalay pa ring nangyayari. Ngunit hindi na dugo ng hayop kundi ang dugo mismo ng "Kordero ng Diyos" ang iniaalay sa dambana. Sa pag-aalay ni Jesus ng Kanyang sarili sa krus ay ginawa niya ang natatangi at sukdulang pakikipagtipan ng Diyos sa tao! Kaya nga't ang bawat pagdalo sa Banal na Misa ay pagpapanibago ng pakikipagtipan na ito. Hindi lang tayo nagsisimba para magdasal o humingi ng ating mga pangangailangan sa Diyos. Ang Diyos mismo ang nag-aalok ng Kanyang sarili upang ating maging pagkain at kaligtasan ng ating kaluluwa. Kaya nga nga't hindi sapat ang magdasal na lamang sa loob ng bahay kapag araw ng Linggo. Hindi rin katanggap-tanggap ang ipagpaliban at pagsisimba sapagkat ito ay pagtanggi sa alok ng Diyos na makibahagi tayo sa Kanyang buhay! Katulad ng mga Judio sa Lumang Tipan, sa tuwing tayo ay nakikibahagi sa tipanang ito ay inihahayag naman natin ang ating buong pusong pagsunod sa kalooban ng Diyos. Ang Diyos ang nag-aalok ng buhay, tayo naman ay malugod na tumatanggap! Ito ang bumubuo ng COMMUNION sa pagdiriwang ng Banal na Misa. At sapagkat nagiging kaisa tayo ni Jesus sa pagtanggap natin sa Kanya sa Komunyon, inaasahan tayo na maging katulad ni Jesus sa ating pag-iisip, pananalita at gawa! Ngunit may higit pang inaasahan sa atin bilang mga miyembro ng Katawan ni Kristo, na sana tayo rin ay maging instrumento ng pagkakaisa sa mga taong nakapaligid sa atin. Tayo ay maaring maging daan ng pagkakaisa at kapayapaan sa pamamagitan ng pagpapatawad, pakikipagkasundo, pang-unawa na maari nating ibahagi sa ating kapwa. Sa kasalukuyang panahong ito na kitang-kita at damang-dama natin ang pagkakahiwalay, hidwaaan at alitan, lalo na sa ating lipunang sinisra ng maruming politika ay hingin natin ang pagkakaisang nagmumula kay Kristo. Tanging si Jesus ang makapagbibigay sa ating ng tunay na pagkakaisa! Ang kanyang Kabanal-banalang Katawan at Dugo ang nagbubuklod sa atin bilang iisang katawan. Siya ang SAKRAMENTO NG PAGKAKAISA! Sa pagtanggap sa Banal na Komunyon ay sumasagot tayo ng AMEN. Ang pagsasabi nito ay hindi lang pagtanggap kay Jesus sa anyong tinapay. Pinapahayag din natin ang ating pagtanggap sa ating kapwa sapagkat tayo rin ang bumubuo sa Katawan ni Kristo. Tanggapin natin ang bawat isa ng may kagalakan. Tayo ang nagkakaisang Katawan ni Kristo!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento