Sa kasalukuyang panahon ngayon na kung saan ay laganap ang krimen ay wala na atang pinipili ang masasamang loob. Kahit nga kaming mga pari ay nalalagay na rin sa panganib kaya nga't lubos ang aming pag-iingat! Sa kabila nito ay patuloy pa rin kaming mga pari sa pagtupad sa aming tungkulin at dapat naming gampanan ito ng buong katapangan. May nagkumpisal sa isang pari: "Padre, patawarin mo po ako sapagkat ako'y nagkasala," sabi ng isang lalaking kahina-hinala ang itsura. "Anung nagawa mong kasalanan anak?" tanong ng pari. "Padre, ako po ay nakapatay ng tao. Marami na po akong napatay." Sagot ng lalaki. "Bakit mo nagagawa ito anak?" muling tanong ng pari. "Kasi Father, galit po ako sa mga taong naniniwala sa Diyos. Lahat po sila ay naniniwala sa Diyos. Ikaw, Father... naniniwala ka rin ba sa Diyos?" Pasigaw na tanong ng kriminal. "Naku iho... hindi... minsan lang, pero trip-trip lang yun!" nangangatog na sagot ng pari. hehehe... Wala naman talagang gustong mamatay. Ang normal na kalagayan ng tao ay ang maghangad na mabuhay! Kahit ang Diyos mismo ay ninanais na tayo ay mabuhay. "Pagkat ang tao’y hindi nilikha ng Diyos para mamatay, kundi para maging larawan niyang buhay." Kung gayon ay bakit tayo nakakaranas ng kamatayan? Ang kamatayan ay nanggaling sa kasamaan, sa kasalanan. Ito rin ang binigyang diin sa aklat ng Karunungan: "Ngunit dahil sa pakana ng diyablo, nakapasok ang kamatayan at ito ang kahihinatnan ng mga napailalim sa kanya." Huwag nating isisi sa Diyos kung bakit tayo nagkasala at pumasok ang parusang kamatayan sa mundo. GOD IS NOT STUPID! Tayong mga tao ay pinagkalooban niya ng talino at kalayaan upang piliin ang mabuti sa masama. Kailanman ay igagalang ng Diyos ang ating kalayaang magdesisyon sa buhay. Hindi siya nagkulang sa pagpapaalala na "huwag kakainin ang prutas ng puno na nasa gitna ng hardin." Ngunit dahil na rin sa pagnanais ng taong maging matalino at makapangyarihan "tulad ng Diyos", ay nilabag niya ang Kanyang utos. Dahil dito ay pumasok ang parusang paghihirap at kamatayan na daranasain nating Kanyang mga nilalang. Ngunit hindi naman tayo lubos na pinabayaan ng Diyos. Agad-agad ay ibinigay Niya ang pangakong kaligtasan sa pamamagitan ng pagsusugo ng Kanyang Anak na si Jesus. Bagamat tinubos tayo ng Kanyang bugtong na Anak na ating Panginoong Jesus ay hindi niya tinanggal ang kamatayan. Sa halip siya ay nagbigay sa atin ng pag-asa sa harap ng kamatayan! Pag-asa ang ibinigay niya kay Jairo ng ang anak nito ay mamatay. Pag-asa ang ibinigay niya sa babaing dinudugo na kaya niyang pagalingin ang kanyang karamdaman. At ang pag-asang ito ay ipinapakita natin sa pamamgitan ng isang malalim na pananampalataya. Para sa mga taong may pananampalataya ay hindi dapat katakutan ang kamatayan. Tayo ay may pananampaltaya kung tayo ay naniniwala at nagtitiwala na may magagawa si Hesus sa ating buhay. Kaya nga ang paniniwala, pagtitiwala at pagsunod kay Hesus ay pagpapakita ng ating pag-asa sa Kanya. At papaano ko ipinapakita ang pagsunod sa kanya? Una ay ang pag-iwas sa kasalanan na dala ng ating masasamang hilig at pag-uugali at pangalawa ay ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa lalong-lalo na sa mga nangangailangan at kapus-palad. Ang ganap na pananampalataya ang magbibigay ng kahulugan sa ating buhay. Ito ang magbibigay ng kasagutan sa maraming katanungan bumabagabag sa ating isipan. Ito ang magbibigay ng lakas ng loob upang maharap natin ang katotohanan ng kamatayan. Sa tuwing tayo ay nagdiriwang ng ating kaaarawan ay pinasasalamatan natin ang Diyos na nagbigay sa atin ng buhay. Ngunit 'wag nating kalimutang ang bawat pagdiriwang ng kaarawan ay paglapit sa ating kamatayan. Huwag tayong matakot sapagkat ang kamatayang ito ang nagbibigay sa atin ng pag-asang balang araw ay makakamit natin ang tunay na buhay na inilaan ng Diyos para sa atin. Ang ating Diyos ay Diyos na buhay at Diyos ng buhay. Mabuhay ang Diyos ng buhay!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento