Isang kuwento para sa pagdiriwang ng Father's Day:
Isang binata ang takot na lumapit sa kanyang tatay: "Itay, puede po ba akong sumama sa party ng mga kaibigan ko mamyang gabi?" Laking pagkagulat niya ng sumagot ang kanyang istriktong tatay: "O sige... malaki ka na. Bahala ka! Basta tandaan mo, may kasunduan tayo... pag ikaw ay masyadong nagpagabi at dumating ka ng pasado alas dose ay makikita mong patay na ang ilaw sa labas ng bahay. Nakakandado na ang pinto. Sa madaling salita... sa labas ka na matutulog!" "Opo itay!" tuwang-tuwang sagot ng anak. Sapagkat first time niyang pinayagan, nagpakalibang ng husto ang binata sa party at di niya namalayan ang paglipas ng oras. "Naku! Patay! Alas dose pasado na!" Dali-dali siyang umuwi at totoo nga patay na ang ilaw sa labas, nakakandado na ang pinto. Ibig sabihin, sa labas na siya matutulog. Nanlulumo siyang naupo sa tabi pinto. Pagkalipas ng ilang minuto ay biglang bumukas ito at nakita niya ang kanyang tatay. "Itay, hindi po ba may kasunduan tayo na pag nahuli ako ay sa labas na ako matutulog? Bakit lumabas pa po kayo?" Sagot ng tatay: "Anak, alam mong ako ay isang amang may isang salita. May kasunduan nga tayo at paninindigan ko yon pero, wala sa ating kasunduan na puede kitang samahan dito sa labas ng magdamag. Anak... mag-beer muna tayo!" Sabay labas ng bote ng San Miguel Beer Pale Pilsen! Kakaiba nga naman ang tatay sa ating kuwento. Madisiplina ngunit may puso... May prinsipyo ngunit maunawain... Makatarungan ngunit may awa! Kung may ganitong mga klaseng magulang ay masasabi rin nating ganito rin ang Diyos o mas higit pa sapagkat natatangi ang Kanyang katangian. Sa ating Ebanghelyo ngayon ay ipinapakita rin sa atin ni Jesus ang kabutihan ng Diyos. Si Jesus ay magaling na guro. Kakaiba siya sa mga guro ng kanyang panahon. Kaya nyang kausapin ang mga taong dalubhasa sa batas at ang mga taong walang pinag-aralan. Simple ang kanyang istilo. Kahit na sino ay makakaintindi. Gumagamit siya ng mga kuwento sa kanyang pagtututo upang maunawaan siya ng mga tao. Gumagamit siya ng talinhga na hango sa mga kaganapan ng buhay na tinatawag nating mga
"talinhaga" o "parables". Ang parables ya galing sa salitang griego
(parabolein) na ang ibig sabihin ay "itapon". Kapag si Jessus ay nagkukwento ay itinatapon niya sa mga tao ang mensahe upang sagutin nila ang kanilang mga katanungan sa buhay! Sa Ebanghelyo ngayong Linggo ay gumamit siya ng dalawang talinhaga upang ipaliwanag ang Kaharian ng Diyos: ang binhing inihasik sa lupa at ang butil ng mustasa. Mahirap bigyan ng pakahulugan ang "kaharian ng Diyos" sapagkat hindi ito kabahagi ng ating kultura. Marahil ay mayroon tayong mga "tribu" o "balangay" noong panahon ng ating mga ninuno ngunit wala tayong malalaking kaharian. Ngunit sa kanyang mga nakikinig ay malinaw ang nais "ibato" ni Jesus: na
sila ay dapat pagharian ng Diyos tulad ng isang binhi o butil ng mustasa na maaring sa simula ay maliit, halos walang saysay, walang halaga, ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ay lumalago, lumalaki at namumunga ng kabutihan para sa iba! Nabubuhay tayo sa isang "magulong mundo." Mundong sinasalanta ng maraming kalamidad, nasasadlak sa labis na kahirapan at binabalot ng karahasan tulad ng maraming pagpatay! Ngayon kahit mga pari na alagad ng Diyos ay hindi sinasanto. Paano pa kaya ang karaniwang mamamayan? Dahil diyan ay nagdudulot sa atin ang mga ito ng labis na takot at pangamba. Paano natin maipapalaganap ang paghahari ng Diyos sa ganitong kalagayan? Bilang mga Kristiyano ay hindi N'ya tayo inaasahang gumawa ng malalaking bagay!
Maliliit na kabutihan ay sapat na upang maipalaganap natin ang Kaharian ng Diyos. "A cup of goodness" lang ang hinihingi Niya sa atin. Sapagkat
ang kasamaan ay lalaganap kung ang mabubuting tao ay tatahimik na lamang, magkikibit balikat at tutunganga! Tandaan natin na
nakakahawa ang kabutihan. May kasabihan nga sa ingles na:
"Good people bring out the good in people". Kaya nga dapat lang na ibahagi natin ang kabutihan sa iba. Kunmbaga sa wika ng makabagong panahon #sharegoodness! Mautak tayo sa maraming bagay, lalong lalo na kapag pera at negosyo ang pinag-usapan. Magpuhunan tayo sa paggawwa ng kabutihan.
"Goodness is the only investment that never fails!" Kapag ang bawat isa sa atin ay gagawa lamang ng isang kabutihan kada araw ay unti-unting magliliwanag ang ating madilim na mundo. Sa halip na sisihin mo ang ibang tao, ang gobyerno, at kahit na ang Diyos sa paglaganap ng maraming kahirapan at kasaman ay tanungin mo ang iyong sarili kung may nagawa ka na bang kabutihan sa iba. Gumawa ka ng kabutihan at lalaganap ang kabutihan ng Diyos at ang Kanyang paghahari. Tandaan natin na ang Diyos ay lubos na mabuti: GOOD IS GOOD ALL THE TIME! At tayo ay "all the time" Niya ring inaasahan na magpapalaganap ng kabutihan!r
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento