Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Agosto 25, 2018
AMEN! SUNDIN ANG LOOB MO: Reflection for 21st Sunday in Ordinary Time Year B - August 26, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Bakit nga ba ganoon? Bakit parang pinipili natin ang gusto nating maintindihan? Bakit namimili ang ating tenga sa mga gusto lamang nating marinig? Bakit maraming Katoliko ang sumasalungat sa aral ng Simbahan tungkol sa death penalty, abortion, contraception, live-in, same-sex marriages, at marami pang usapin tungkol sa moralidad? Bakit may mga Katolikong hindi sumasang-ayon kapag ipinaglalaban ng Simbahan ang karapatang pantao para sa mga taong mahihirap at walang kakayahang ipagtanggol ang kanilang sarili? Kasi nga ay hindi ito sang-ayon sa kanilang gusto. Para sa kanila ay panghihimasok ito sa kanilang personal na buhay! May kuwento ng isang pari na nagbibigay ng homiliya at nangangaral siya tungkol sa sampung utos ng Diyos. "Huwag kang papatay!" ma-emosyong sigaw ng pari. Bigla na lamang may sumagot ng "AMEN, Father! AMEN!" Ginanahan ang pari at nagpatuloy, "Wag kang magnanakaw!"AMEN! Father! Masama talaga ang magnakaw!", sigaw muli ng parehong lalaki. Mas lalo pang ginanahan ang pari at isinigaw: "Wag kang makikiapid at 'wag mong pagnasahan ang di mo asawa!" Sa puntong ito ay biglang sinabi ng lalaki, "Aba! Father... dahan-dahan ka sa pagsasalita mo! 'Wag mong panghimasukan ang buhay ng may buhay! Pabayaan mo na lang kami!" Totoong mahirap maintindihan ang pag-iisip ng Diyos. At kung mahirap maintindihan ang Kanyang pag-iisip ay mas lalong mahirap isabuhay ang Kanyang kalooban. Nang sabihin ni Jesus na Siya ang Tinapay ng Buhay at ang kumakain ng Kanyang laman at uminom ng Kanyang dugo ang magkakamit ng buhay na walang hanggan ay marami sa kanyang mga tagasunod ang tumiwalag sa Kanya. Marami ang hindi na sumunod at nagsabing "Mabigat na pananalita ito; sino ang makatatanggap nito?" Ngunit hindi nagpatinag si Jesus o binawi man ang Kanyang mga binitiwang salita. At ang tanging tanong Niya sa mga alagad ay "Dahil ba rito’y tatalikuran na ninyo ako?" Sa mga pagkakataong nalalagay tayo sa pag-aalinlangan at kinakalaban ng ating pag-iisip ang "pag-iisip ng Diyos", sana ay masabi rin natin ang mga salitang binitiwan ni Pedro: “Panginoon, kanino po kami pupunta? Nasa inyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan!" Ang buhay na walang hanggan ang katumbas ng tunay na kaligayahan at kapayapaan ng pag-iisip tuwing sinusunod natin ang kalooban ng Diyos. Maisabatas man ang panukalang divorce, same sex marriage o kahit death penalty ay hindi pa rin ito naayon sa kalooban at utos ng Diyos, at dahil diyan ay hindi pa rin mararanasan ng tao ang kaligayahan at kapayapaan ng kanyang pag-iisip. Tanging si Jesus lamang ang "Daan. Katotohanan, at Buhay!" At tanging ang katotohanan lamang ang maaring magpalaya sa atin. Hindi masama ang magduda. Hindi kasalanan ang mag-alinlangan sapagkat ito ang paraan upang marating natin ang katotohanan. Ang kinakailangan natin ay "bukas na pag-iisip" at mas malawak na pananaw na pinaghaharian ng kalooban ng Diyos. Sa mga sandaling pinangungunahan tayo ng pag-aalinlangan at hindi matanggap ng ating kalooban ang aral at turo ng Diyos na matapat namang ipinapahayag ng Simbahan ay ipahayag natin ang ating pananampalataya sa Diyos at sabihin nating: "Sundin ang loob Mo, dito sa lupa kapara ng sa langit!" Ang taong tunay na malaya ay ang taong sumusunod sa Kanyang kalooban! Ang pagpapahayag ng AMEN ay pagpapahayag ng ating paninindigan sa ating sinasampalatayan. "Oo, naniniwala ako. Oo nananalig ako!" Nawa ay maisapuso natin ang pagsasabi nito sa tuwing humaharap tayo sa pag-aalinlangan at sa tuwing sumasalungat ang ating pag-iisip sa kalooban ng Diyos na pinapahayag sa atin ng ating Inang Simbahan.
Sabado, Agosto 18, 2018
BECOME WHAT YOU EAT, BECOME LIKE CHRIST: Reflection for 20th Sunday in Ordinary Time Year B - August 19, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Sa pagpasok ng taong 2018 ay gumawa ako ng aking sariling #fitnessgoal. Isa sa mga lines of action na kinuha ko para sa aking sarili ay "less rice... more exercise!" Aaminin ko na hanggang ngayon ay mas marami ang aking rice keysa exercise! Paminsan-minsan ay nag-eexercise naman ako. Yun lang nga pag ako ay tinatanong kung bakit ko ba ito ginagawa ay ito ang sagot ko: "I exercise to support my eating habit!" Ang sarap naman kasi talagang kumain hindi ba? Ang sabi ng isa kong kaibigan: "If you eat you'll die. If you don't eat you'll die. You will die just the same, so why not EAT and DIE!" Puwede rin itong gawing motto ng mga taong ang tanging kahulugan ng buhay ay "kumain." Ang kumain ang isa sa mga mahahalagang gawain natin bilang tao. Lalo na tayong mga Pilipino, ang pagkain ay bahagi na ng ating kultura. Halos lahat ng pagdiriwang natin ay may kainan: binyag, kasal, blessing ng bahay, fiesta at di mabilang na mga okasyon malaki man o maliit. Kahit nga ang huling lamay ng patay ay hindi rin pinapatawad, dapat may bonggang kainan! Kung ito ay mahalaga para sa atin nararapat lamang na ito ay ating bigyan ng kaukulang pansin. Alam mo bang kakaibang nangyayari kapag ikaw ay kumakain? Ang pagkain ay isang "psychomotor activity" kaya't marahil ay hindi natin lubos na pinag-iisipan kapag ating ginagawa. Subo lang tayo ng subo. Lunok lang ng lunok. Kain lang ng kain. Kaya tuloy, palaki tayo ng palaki, palapad ng palapad, pataba ng pataba. Pataas ng pataas ang ating bilbil hanggang umabot na sa ating kili-kili. Pero meron akong babala. Mag-ingat tayo sa ating kinakain. Naniniwala ako sa prinsipyo na nagsasabing: "You are what you eat!" kasi nga ay nagiging katulad tayo ng ating kinakain. Kung mahilig kang kumain ng baboy, ay magmumukhang baboy ka rin! Kung laging kambing ang kinakain mo ay mag-aamoy kambing ka rin! Kung panay ang kain mo ng "junk food" ay di malayong makasama ka sa mga tinaguriang "fat and furious!" Ngunit kung healthy ang ating kinakain ay siguradong magiging maganda at malusog ang ating pangangatawan! Anuman ang ating kainin maniwala tayo na nagiging kabahagi natin ang ating kinakain. Alam n'yo bang may misteryong nangyayari sa tuwing tayo ay kumakain? Kapag tayo ay kumakain ay pinapasok natin sa ating katawan ang isang bagay na patay at binibigyan natin ito ng buhay! At ang buhay na iyan ay depende sa kung anung uring pagkain ang ipinapasok natin sa ating katawan. Kaya nga kung nais mong maging malusog ang iyong pangangatawan ay dapat na masusustanyang pagkain ang kainin mo sapagkat nagiging kabahagi ng ating katawan ang kinain mo! Alam marahil ni Hesus ang prinsipyong ito kaya't ginamit niya ang simpleng halimbawa ng pagkain upang iparating ang kahalagahan ng pakikiisa sa kanya. “Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Sa unang pagkarining ay parang kahibangan ang sinasabi ni Hesus. Sa katunayan, marami ang hindi nakaintindi sa kanya. Maging sa panig ng kanyang mga tagasunod ay may umalis at tumiwalag dahil sa bigat ng kanyang mga pananalita. Para nga namang kanibalismo ang nais niyang ituro sa kanila: "Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananahan sa akin, at ako sa kanya." Ngunit alam nating hindi ito ang kanyang pakahulugan. Mapalad tayo sapagkat ngayon ay alam nating ang Sakramentto ng Eukaristiya ang kanyang tinutukoy. Tunay na katawan at dugo ni Hesus ang tinatanggap natin sa Eukaristiya at hindi lang simbolismo. Kaya nga't kung naniniwala tayo sa prinsipyong "nagiging kabahagi natin ang ating kinakain" ay dapat maunawaan natin ang ibig sabihin ng pananahan ni Hesus sa atin bilang Kristiyano. Sa tuwing tinatanggap ko si Hesus sa Banal na Komunyon, naniniwala ba akong nagiging kabahagi ko Siya? Ako ba'y nagiging mas mapagkumbaba, mas mapagpatawad, mas maalalahanin, mas matulungin sa aking kapwa? Marahil ay "marami pa tayong kakaining bigas" sa pagiging tunay na Kristiyano. Ngunit ang lahat ay nagsisimula sa unang subo. Maniwala tayo na ang ating tinatanggap sa Banal na Komunyon ay ang TUNAY NA KATAWAN ni KRISTO! BECOME WHAT YOU EAT... BECOME LIKE CHRIST!
Lunes, Agosto 13, 2018
ANG MAGAANG MADALING TUMAAS: Reflection for the Solemnity of the Assumption Year B (Reposted) - August 15, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
"Ano ang natatanging katangian ni Maria bakit siya iniakyat sa langit?" Tanong ng katekista sa batang kanyang tinuturuan. "Sister, kasi po... si Maria ay ubod ng gaang... magaang tulad ng isang lobo, kaya nagawa siyang iakyat sa langit ng Diyos!" Totoo nga naman, ang magaang madaling umangat... ang magaang madaling pumailanlang sa itaas! Ang Kapistahan ng Pag-aakyat kay Maria sa Kalangitan ay isang magandang paalala sa ating ng katotohanang ito. Ayon sa ating pananampalataya, katulad ng idineklara ng Simbahan noong Nobyembre 1, 1950 sa pamamagitan ng isang dogma o aral na dapat paniwalaan ng bawat Katoliko na inihayag ni Pope Pius XII: "Si Maria, pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa, ay iniakyat sa kaluwalhatian ng langit katawan at kaluluwa." Ano ba ang "nagpagaang sa Mahal na birhen?" Ayon sa isa pang dogma na nauna ng itinuro ng Simbahan ay "si Maria ay ipinaglihing walang kasalanan." Ibig sabihin, kung bibigyan natin ng pagpapaliwanag ang sagot ng bata na magaang si Maria, ay sapagkat sa kanyang tanang buhay dito sa lupa ay naging tapat siya sa pagtupad sa kalooban ng Diyos at di nabahiran ng kasalanan ang kanyang buhay. Ang nagpagaang sa kanya ay ang kanyang kawalang-kasalanan! Isang karangalan na tanging inilaan lamang ng Diyos sa magiging ina ng Kanyang Anak... Isang gantimpala dahil sa kanyang katapatan sa Diyos! Ang nagpapabigat naman talaga sa ating buhay bilang mga Kristiyano ay ang kasalanan. Hindi ba't pag may nagawa kang kasalanan ay parang ang bigat-bigat ng pakiramdam mo? Hindi mapanatag ang loob mo. Wala kang kapayapaan sa iyong sarili (Maliban na lamang kung manhid ka na sa paggawa ng masama!). Ang kasalanan ang naglalayo sa atin sa Diyos. Kaya nga ang batang santong si Sto. Domingo Savio ay may natatanging motto: "Death rather than sin!" Kamatayan muna bago magkasala! Sa murang edad niyang labing limang taon ay naunawaan niya na ang magdadala sa kanya sa "itaas" ay ang pag-iwas sa kasalanan. Ito rin ay paghamon sa ating mga Kristiyano. Tanggalin natin ang nagpapabigat sa ating buhay. Iwaksi ang paggawa ng masama. Isa-ugali ang paggawa ng mabuti. Magtiyaga lamang tayo sapagkat balang araw, makakamtam din natin ang gantimpalang ibinigay sa Mahal na Birhen na inilaan din sa bawat isa sa atin.. ang kaluwalhatian ng langit! Ang pag-aakyat kay Maria sa kalangitan ay dapat maging paalala sa atin na ang buhay natin sa lupa ay may kahahantungan. Ang langit ang ating patutunguhan at ang Diyos ang ating hantungan. Maging tapat lamang tayo katulad ni Maria sa pagtupad ng kalooban ng Diyos. At ano ang Kanyang kalooban, na tayong lahat ay maging mga tapat Niyang mga anak. Tandaan natin... "ang magaang madaling tumaas!"
Sabado, Agosto 11, 2018
FOOD SELFIE: Reflection for 19th Sunday in Ordinary Time Year B - August 12, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Sa pagkakauso ng "selfie" ay nauso rin ang maraming uri at kakaibang paggamit ng camera. Sa katunayan ay hindi na lang ang mga tao ang kinukunan ngayon ng picture. Isa sa kinahuhumalingan ngayon ay ang pagkuha ng litrato o pagpipicture ng pagkain bago simulan ang kainan. Ang tawag din dito ay "food selfie". Bakit nga ba kinakailangang kuhaan ng picture ang isang pagkain bago ito lantakan? Noong una ay hindi ko makuha ang "logic" kung bakit ito ginagawa bukod sa pagpapasikat o pagyayabang. Ngunit kinalaunan ay naintindihan kong isa itong paraan upang mapanatili ang ala-ala ng isang magandang karanasan na dala ng pagkaing pinagsaluhan. Ano nga ba ang kadahilanan kung bakit tayo kumakain? May kuwento ng isang batang lumapit sa kanyang tatay na abalang-abala sa trabaho. "Tatay laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?" "Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak. "Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. "E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?" Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!" Ang pinakaunang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang matugunan ang pagkagutom ng ating katawan. Ngunit hindi lang naman ito ang dahilan. Bagamat hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nararamdaman! Ang pagkagutom pala ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos." Batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Anung ibig pakahulugan ni Jesus na ang tatatanggap ng pagkaing ito ay "mabubuhay magpakailanman?" Hiindi ito nangangahulugang "walang pagkamatay!" Ang mabuhay magpakailanman ay nangangahulagan ng pakikibahagi sa "buhay ng Diyos!" Isang buhay na sa kabila ng kalungkutan ay may kasiyahan, sa kabila ng pagkabigo ay may pag-asa, sa kabila ng pagkadapa ay may pagbangon! Marahil ito ang kinakailangan ng ating maraming kababayan ngayon. Ito ang kailangan nating mga Pilipinong lagi na lamang ginugupo ng kahirapan at trahedya. Kailangan natin ang "buhay-Diyos!" Sa ating paglalakbay sa buhay na kung saan ay mas marami ang hirap sa ginhawa, ay tanging ang Diyos lamang ang maari nating sandalan at maging sandigan. Ikalawang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang makapagbigay sa atin pagkakataong magsama-sama at mapalakas hindi lamang ang ating katawan kundi ang bigkis ng ating pagkakaisa. "The family that eats together... stays together!" Kaya nga ang Sakramento ng Eukaristia ay dapat magpaalala sa atin na tayo ay sama-samang nagkakaisa sa iisang pagkaing ating pinagsasaluhan... ang katawan ni Kristo.
Ang Eukaristiya rin ay komunyon o pakikiisa. Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap. Damayan natin ang kanilang pangangailan. Ibahagi natin kung ano ang meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila. Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba. Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng "Katawan ni Kristo." Hindi natin kinakailangang mag"food-selfie" upang mapaalalahan tayo nito. Sapat na ang Sakramento ng Eukaristia upang magpaalala sa atin na si Jesus ang Tinapay ng Buhay na katugunan sa pagkagutom ng sanlubutan. Sapat ng paalala upang hindi natin makalimutang tayo rin ay biyaya ng Eukaristiya para sa isa't isa.
Ang Eukaristiya rin ay komunyon o pakikiisa. Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap. Damayan natin ang kanilang pangangailan. Ibahagi natin kung ano ang meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila. Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba. Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng "Katawan ni Kristo." Hindi natin kinakailangang mag"food-selfie" upang mapaalalahan tayo nito. Sapat na ang Sakramento ng Eukaristia upang magpaalala sa atin na si Jesus ang Tinapay ng Buhay na katugunan sa pagkagutom ng sanlubutan. Sapat ng paalala upang hindi natin makalimutang tayo rin ay biyaya ng Eukaristiya para sa isa't isa.
Sabado, Agosto 4, 2018
BANAL NA KAPARIAN... BANAL NA SAMBAYANAN: Reflection for 18th Sunday in Ordinary Time Year B - August 5, 2018 - YEAR OF THE CLERGY AND CONSECRATED PERSONS
Ngayong Linggong ito ang itinalagang Parish Priest's Sunday. Kahapon, August 4, ang Kapistahan ni St. John Mary Vianney. Siya ang itinalagang patron ng mga Kura Paroko ni Pope Pius XI noong 1929. Ngunit kinalaunan ay itinanghal na rin siyang pintakasi o patron ng lahat ng mga pari ni Pope Benedict XVI noong 2009. Kaya puwede rin sabihing ngayon ang araw na kung saan ay pinaparangalan natin, hindi lamang ang mga kura paroko, kundi ang lahat ng mga pari. Ano nga ba ang mayroon sa ating mga pari at dapat natin silang alalahanin at parangalan? May kuwento ng tatlong kura paroko na pinag-uusapan ang kanilang mga sakristan. Nagpapayabangan sila kung sino sa kanila ang may pinakatangang sakristan. Tinawag ng unang pari ang kanyang sakristan at inutusan. "O eto ang isandaang piso ha? Ibili mo nga ako ng LCD TV para sa ating simbahan." Agad agad namang kinuha nito ang pera at umalis para bumili. "Tanga di ba? " Sabi ng unang pari. Tinawag naman ng ikawala ang kanyang sakristan. "O, eto ang isanlibong piso... ibili mo nga ako ng bagong sasakyan. Luma na kasi ang service natin sa parokya!" Agad ding sumunod ito at umalis. "O di ba mas tanga yun? hehehe" patawang sabi ng ikalawang pari. "Ah... wala yan sa sakristan ko... Hoy, halika nga. Pakitingin nga kung nandun ako sa labas! " Labas naman agad ang sakristan ngunit bumalik agad, "Padre, ano nga pala ang kulay ng damit na suot ninyo?" Pakamot sa ulo na tanong ng sakristan. "Ang tatanga talaga ng mga sakristan natin! hehehe" Ang hindi alam ng tatlong pari ay nagkita-kita pala ang tatlong sakristan sa labas? Sabi ng unang inutusan, "Pare, ang tanga ng kura-paroko ko... biruin mo, pinabibili ako ng LCD TV sa halagang Php 100 lang!" Singit naman ng ikalawa, "Ah, wala yan sa kura-paroko ko... pinabibili ba naman ako ng bagong kotse sa halagang Php 1000 lang! Ano ako tanga? hehehe" At pasigaw na sabi ng ikatlo, wala ng tatalo sa katangahan ng kura paroko ko, biruin mo, pinahahanap niya ang kanyang sarili kung nasa labas daw sya! Eh magkausap kaya kami! hehehe..." Ang kinalabasan mas lumabas pang tanga ang mga pari kaysa kanilang mga sakristan! Ano nga ba ang mayroon sa mga Kura Paroko at inaalala natin sila ngayon? Hindi naman siguro katangahan. May ilan siguro! Pero higit sa lahat ay mayroon sila ay ang "kakulangan." Inaamin naming mga pari na kami ay may kakulangan sa aming mga sarili bilang lingkod ng Panginoon at dahil d'yan ay nangangailangan ng inyong pang-unawa at panalangin. Wala namang paring hindi nagkakamali ngunit bakit parang may mga taong panay mali na lang ang nakikita sa kanilang mga kaparian katulad ng nabasa kong artikulong "The Priest is alwayas wrong!" Kapag nagmisa siya on time ay may magsasabing advanced naman masyado ang relo ni Father! Kapag nalate naman ng kaunti... pinaghihintay niya ang mga tao! Kapag mahaba ang sermon, nakakaantok at boring! Kapag maikli, hindi siya naghanda. Kapag nakita siyang may kasamang babae, chick boy si Padre. Kapag laging kasama naman ay lalaki, hmmmm nangangamoy paminta si Padre! Kapag masyadong bata, wala pang alam at karanasan sa pagpapatakbo ng simbahan. Kapag matanda naman, dapat na siyang magretire! Tama nga naman sabihing, "As long as he lives, there are always people who are better than him; but if the priest dies... there is nobody to take his place!" Paano pa kaya tayo magkakaroon ng Misa kung walang pari ? NO PRIEST... NO EUCHARIST! Kaya nga't sa halip na hanapan ng kamalian ay dapat suportahan ng mga layko ang kanilang mga kaparian! Lalo na ngayong panahong ito na nababatikos ang mga ilang dahil sa kanilang masamang halimbawa at mga eskandalong kanilang kinasasangkutan. Totoo na dapat ay mabahala tayo bilang Simbahan, ngunit tandaan natin na mas maraming pari ang nagsisikap at nanatiling tapat sa kanilang pagtawag bilang mga alagad ni Kristo. Sa unang pagbasa ay narinig natin kung paanong hindi pinabayaan ng Diyos ang kanyang bayan. Pinadalhan niya ang mga Israelita ng "manna" sa ilang upang maging kanilang pagkain. Sa kasalukuyang panahon ay patuloy ang pag-aaruga ng Diyos sa Kanyang bayan sa pamamagitan ng mga paring kanyang hinirang na tumutugon sa kanilang espirituwal na kagutuman. Sa Ebanghelyo ay narinig natin ang mga taong labis ang paghahangad na muling makita si Jesus pagkatapos ng mahimala niyang pagpaparami ng tinapay. Bagamat "materyal na kadahilan," ang nagbunsod sa kanila upang hanapin si Jesus ay naroon pa rin ang katotohanan na para silang mga tupang walang pastol na nangangailangan ng pagkalinga. Kaya nga nais ni Jesus na palalimin nila ang kanilang pag-intindi sa kanya. "Gumawa kayo, hindi upang magkaroon ng pagkaing nasisira, kundi upang magkaroon ng pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan." At ito rin dapat ang ginagawa ng mga pari sa kanilang nasasakupan: ang bigyan ang mga tao ng "pagkaing hindi nasisira at nagbibigay ng buhay na walang hanggan!" Kaya nga't mahalaga ang papel na ginagampanan naming mga pari sa pagpapatuloy ng misyon ni Jesus. Walang pari... walang Eukaristiya. Walang Eukaristiya... walang pagkaing nagbibigay ng buhay na walang hanggan! Ang mga pari, lalong-lalo na ang mga Kura-Paroko, ay nabigyan ng responsibilidad na pamunuan, alagaan, ipagtanggol at gabayan ang kawang ipinagkatiwala ni Kristo kay Pedro at sa mga kahalili niya. Ipagdasal natin sa misang ito na sana ay biyayaan pa tayo ng Diyos ng mga mabubuti at banal na mga pari upang maipagpatuloy ang gawaing pagliligtas ni Kristo. Sa Banal na Eukaristiya ay mas nabibigyang linaw ang mahalagang papel ng mga pari sa pagpapabanal ng Simbahan kaya't ipagpatuloy natin ang pagdarasal at pagsuporta sa ating mga kaparian. Tao rin sila na may kahinaan at kakulangan. Ipagdasal natin na sana ay ang Diyos ang magsilbing kanilang kalakasan! Ngayong Year of the Clergy and Consecrated Persons ay binibigyang pansin natin hindi lang kaming mga kaparian o relihiyoso, kundi pati na rin ang mahalagang papel ng mga ordinaryong tao sa pagpapabanal ng kanilang mga namumuno sapagkat nakikibahagi tayong lahat sa iisang pagkapari ni Kristo. Ipanalangin natin sila sapagkat ang "banal na pastol" ay siguradong magdadala sa kabanalan ng kanyang kawan. Banal na pari... banal na Simbahan! Banal na Simbahan... banal na mamamayan! Ibig sabihin BANAL NA KAPARIAN... BANAL NA SAMBAYANAN! Maraming salamat po sa inyong suporta at mga panalangin!
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)