Sa pagkakauso ng "selfie" ay nauso rin ang maraming uri at kakaibang paggamit ng camera. Sa katunayan ay hindi na lang ang mga tao ang kinukunan ngayon ng picture. Isa sa kinahuhumalingan ngayon ay ang pagkuha ng litrato o pagpipicture ng pagkain bago simulan ang kainan. Ang tawag din dito ay "food selfie". Bakit nga ba kinakailangang kuhaan ng picture ang isang pagkain bago ito lantakan? Noong una ay hindi ko makuha ang "logic" kung bakit ito ginagawa bukod sa pagpapasikat o pagyayabang. Ngunit kinalaunan ay naintindihan kong isa itong paraan upang mapanatili ang ala-ala ng isang magandang karanasan na dala ng pagkaing pinagsaluhan. Ano nga ba ang kadahilanan kung bakit tayo kumakain? May kuwento ng isang batang lumapit sa kanyang tatay na abalang-abala sa trabaho. "Tatay laro tayo!" Sabi ng bata sa kanyang tatay na abala sa trabaho. "Hindi muna ngayon anak marami akong ginagawa." "Anung ginagawa mo?" "Nagtratrabaho." "E bakit ka nagtratrabaho?" Pakulit na tanong ng anak. "Para yumaman tayo." "E bakit gusto mong yumaman tayo?" Tanong uli ng anak. "Para marami tayong pera." Sagot ng tatay na medyo nakukulitan na. "E bakit gusto nyong magkapera?" Nagtaas na ng boses ang tatay: "Para may makain tayo!" Tanong uli ang anak: "E bakit tayo dapat kumain?" Sumigaw na ang tatay: "Para di tayo magutom!" Tumahimik sandali ang bata at pagkatapos ay sinabi: "Tatay... hindi po ako nagugutom! Laro tayo!" Ang pinakaunang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang matugunan ang pagkagutom ng ating katawan. Ngunit hindi lang naman ito ang dahilan. Bagamat hindi gutom ang bata sa pagkain, may pagkagutom pa rin siyang nararamdaman! Ang pagkagutom pala ay hindi lang pisikal. May pagkagutom ding espirituwal tulad ng pagkagutom sa katotohanan at justisya, pagkagutom sa kapayapaan, pagkagutom sa pagmamahal... Ngunit ang higit sa lahat ng pagkagutom ay ang "pagkagutom sa Diyos." Batid ni Hesus ang pagkagutom na ito kaya't inialok niya ang kanyang sarili upang maging pagkaing nagbibigay buhay! "Ako ang pagkaing nagbibigay-buhay na bumaba mula sa langit. Mabubuhay magpakailanman ang sinumang kumain nito. At ang pagkaing ibibigay ko sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking laman.” Anung ibig pakahulugan ni Jesus na ang tatatanggap ng pagkaing ito ay "mabubuhay magpakailanman?" Hiindi ito nangangahulugang "walang pagkamatay!" Ang mabuhay magpakailanman ay nangangahulagan ng pakikibahagi sa "buhay ng Diyos!" Isang buhay na sa kabila ng kalungkutan ay may kasiyahan, sa kabila ng pagkabigo ay may pag-asa, sa kabila ng pagkadapa ay may pagbangon! Marahil ito ang kinakailangan ng ating maraming kababayan ngayon. Ito ang kailangan nating mga Pilipinong lagi na lamang ginugupo ng kahirapan at trahedya. Kailangan natin ang "buhay-Diyos!" Sa ating paglalakbay sa buhay na kung saan ay mas marami ang hirap sa ginhawa, ay tanging ang Diyos lamang ang maari nating sandalan at maging sandigan. Ikalawang dahilan kung bakit tayo kumakain ay upang makapagbigay sa atin pagkakataong magsama-sama at mapalakas hindi lamang ang ating katawan kundi ang bigkis ng ating pagkakaisa. "The family that eats together... stays together!" Kaya nga ang Sakramento ng Eukaristia ay dapat magpaalala sa atin na tayo ay sama-samang nagkakaisa sa iisang pagkaing ating pinagsasaluhan... ang katawan ni Kristo.
Ang Eukaristiya rin ay komunyon o pakikiisa. Ito ay pakikiisa sa ating kapwa na dumaranas ng paghihirap. Damayan natin ang kanilang pangangailan. Ibahagi natin kung ano ang meron tayo at huwag tayong magdalawang isip sa pagtulong sa kanila. Walang taong masyadong mahirap para hindi magkaloob ng tulong ng iba at wala ring taong masyadong mayaman para hindi mangailangan ng tulong ng iba. Ito ang ibig sabihin na maging buhay kang "Eukaristiya" ka sa kapwa mo. Subukan mong magbigay at mararanasan mo ang ibig sabihin ng pagiging bahagi ng "Katawan ni Kristo." Hindi natin kinakailangang mag"food-selfie" upang mapaalalahan tayo nito. Sapat na ang Sakramento ng Eukaristia upang magpaalala sa atin na si Jesus ang Tinapay ng Buhay na katugunan sa pagkagutom ng sanlubutan. Sapat ng paalala upang hindi natin makalimutang tayo rin ay biyaya ng Eukaristiya para sa isa't isa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento