Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Sabado, Disyembre 8, 2018
IHANDA ANG DARAANAN NG PANGINOON: Reflection for 2nd Sunday of Advent Year C - December 9, 2018 - YEAR OF THE YOUTH
Ang Adbiyento na ang ibig sabihin ay "pagdating" ay nangangahulugan din ng "paghihintay." Hinihintay natin si Jesus darating sa ating piling. Si Jesus ay dumating na noong "unang Pasko". Si Jesus ay darating muli sa "wakas ng panahon" upang husgahan ang ating naging buhay. Ngunit sa gitna ng unang pagdating at muling pagdating ni Jesus ay ang kanyang "mahiwagang pagdating" araw-araw na nangangailangan ng ating palagiang pagtanggap. Pagtanggap sapagkat ang Adbiyento ay hindi lamang ang ating paghihintay kay Kristong darating. Ito rin ay ang paghihintay ng Diyos sa atin. Hinihintay ng Diyos ang ating pagbabalik-loob. Kaya nga ito ang panawagan ni Juan Bautista sa kanyang pangangaral: "Pagsisihan ninyo't talikdan ang inyong kasalanan..." Ngunit anong uring pagsisisi ang nais niyang gawin natin? Sa mga pananalita ni Propeta Isaias ito ay "tambakan ang bawat lambak.. tibagin ang bawat burol at bundok." Ano ba ang ibig sabihin ng tambakan ang bawat lambak? Sa ating buhay ay ito ang maraming pagkukulang na dapat nating punuin. Maaaring ito ay pagkukulang natin sa Diyos tulad ng hindi natin pagdarasal o hindi pagbibigay halaga sa ating buhay espirituwal. Maaring ito ay ang ating kakulangan sa ating pagmamahal sa ating pamilya at mga mahal sa buhay. Maaring ito rin ay ang ating kakulangan sa ating pagpapahalaga sa ating sarili tulad ng pagkakalulon sa bisyo o kaya naman ay pagpapabaya sa ating kalusugan. Ano naman ang pagtitibag ng bundok at burol ng ating buhay? Kung ang lambak ay ang ating mga kakulangan, ang bundok at burol naman ay ang ating mga kalabisan sa buhay. Unang-una ito ay tumutukoy sa ating "kayabangan" na dapat nating supilin at tanggalin. At isang tanda ng kayabangan ay ang "pagmumura". Ang taong "palamura" ay taong mayabang sapagkat kapag minumura natin ang isang tao ay ipinapakita nating mas mataas tayo sa kanya at kayang-kaya natin siyang kutyain. Kaya nga ang pagmumura ay wala dapat sa bokabularyo nating mga Kristiyano sapagkat ito ay hindi kinakikitaan ng kababang-loob bagkus ito ay nagpapakita ng pagmamataas sa sarili. Nakakalungkot na may mga kristiyanong kinasanayan na ang mga maling pag-uugali at hindi na nakikita ang kamalian ng mga ito tulad ng pagmumura, pambabastos, pambababae, pananakit sa kapwa at pagpatay. Alam nilang mali ngunit pinapanigan pa nila. Nakakalungkot sapagkat ibinababa nito ang antas ng ating pagkatao! Ngayong Taon ng Mga Kabataan ay marami rin tayong dapat ayusin sa ating pagkatao at pakikitungo sa kanila. Mga lamabak ng pagkukulang tulad ng ating pagpapabaya at hindi pagpapahalaga sa kanila. Ang kawalan ng oras natin sa ating mga anak, ang hindi natin pagbibigay ng atensiyon at pagmamahal ay ilan lamang sa mga ito. Gayundin ay hinahamon tayong magpakumbaba sa kanilang harapan. Patagin ang burol ng kayabangan at itaas natin ang kanilang dignidad at pagpapahalaga sa sarili. Marami pang kalabisan sa buhay na dapat nating tanggalin tulad ng mga masamang halimbawa na ating ipinapakita sa kanila. Kaya nga ang panawagan ng tinig na sumisigaw sa ilang ay "Ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon... tuwirin ang daang liko-liko at patagain ang daang bako-bako." Ibig lamang sabihin sa atin nito na ayusin natin ang ating buhay. Ito ang pinakamagandang paghahandang magagawa natin para sa "mahiwagang pagdating" ni Jesus sa ating piling. Handa na ba tayong tanggapin siya?
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento