Sabado, Disyembre 15, 2018

KAGALAKAN SA PAGHIHINTAY: Reflection for 3rd Sunday of Advent Year C - December 16, 2018 - YEAR OF THE YOUTH

Ang kulay ng Adbiyento ay lila o violet na makikita natin sa mga kandila ng Korona ng Adbiyento. Ngunit kapansin-pansin ang nag-iisang rosas na kandila na ating sinindihan ngayong ikatlong Linggo ng Adbiyento.  Ang tawag sa Linggong ito ay "Gaudete Sunday" na ibig sabihin ay "Rejoice!" o magsaya!  Ang kulay ng Kuwaresma ay violet rin ngunit iba ito sa kulay ng Adbiyento.  Totoong tulad ng Kuwaresma, ang kulay lila ng Adbiyento ay nangangahulugan ng pagbabalik-loob ngunit ang kandilang kulay rosas ay nagsasabi sa ating may kagalakang taglay ang panahong ito.  Masaya tayo sapagkat papalapit na ang paggunita sa pagsilang ng ating Panginoon.  Masaya tayo sapagkat si Siya ay darating muli tulad ng Kanyang ipinangako.  Ngunit paano bang maging masaya ang isang Kristiyano?  Minsan, sa isang klase ng "homiletics" (kung saan ay pinag-aaralan naming mga pari kung paano magbigay ng homily o sermon sa misa) ay sinabi ng isang propesor. "Kapag kayo'y nagtuturo tungkol sa langit, hayaan ninyong magliwanag ang inyong mga mukha! Ipakita ninyong kayo ay masaya! Kung kayo naman ay nagtuturo tungkol sa impiyerno... ay sapat na ang pagmumukha ninyo ngayon! hehehe... Ano ba ang pagmumukha mo ngayon? Langit ba o impiyerno? May ilang nagsasabing ang relihiyon daw natin ay isang "malungkot na relihiyon." Kapag naging seryosong Kristiyano ka raw ay marami na ang bawal na dapat mong iwasan. Bawal na ang alak, babae, sugal at iba pang masasamang bisyo! Totoo nga naman! Kung seryoso ka sa pagiging Kristiyano mo ay dapat mong iwanan at iwasan ang mga ito. Pero hindi ibig sabihin na dapat kang maging malungkot! Ang sinasabing kasiyahan na dulot ng mga bisyo at makamundong bagay ay panandalian lamang.  Kaya nga't kung tunay na kaligayahan ang hanap mo ay hindi mo matatagpuan sa mga inaalok sa iyo ng mundo. Ang tunay na kaligayahan ay sa Diyos lamang matatagpuan. Kaya nga't ang panawagan sa ikatlong Linggo ng ating paghahanda sa Pasko ng Pagsilang ay: "Magalak kayong lagi sa Panginoon!" Ang kasiyahan ng Pasko ay wala sa magagarang dekorasyon, masarap na noche buena o maingay na pagdiriwang. Ang kasiyahan ng Pasko ay matatagpuan lamang kay Kristo! Kaya't wag kang mangamba kung labindalawang araw na lang ay wala pang laman ang iyong bulsa. 'Wag kang matakot kung wala ka pa ring regalong naihahanda. Ang sabi ni San Pablo sa ikalawang pagbasa: "Malapit nang dumating ang Panginoon. Huwag kayong mabalisa tungkol sa anumang bagay!" Ano ba dapat ang dahilan ng hindi natin pagkabalisa? Sinagot ito ni Propera Zofonias sa unang pagbasa: “Huwag kang matakot, Sion; huwag manghina ang iyong loob. Nasa piling mo ang Panginoong iyong Diyos..." At ano ang dapat nating gawin upang maipakitang ang Diyos nga ay nasa ating piliing? Maipapapakita natin ito sa paggawa ng kabutihan at pamumuhay na makatarungan. Mamuhay tayo bilang mga tunay na Kristiyano. Pangatawanan natin ang pagtataglay ng pangalan ni Kristo. Praktikal ang mga salitang binitawan ni Juan Bautista ng siya ay tanungin ng mga taong lumapit sa kanya kung paano paraan ng pagbabalik-loob sa Diyos ang maari nilang gawin sa Ebanghelyo: “Huwag kayong sumingil nang higit sa dapat singilin... Huwag kayong manghihingi kaninuman sa pamamagitan ng pamimilit o ng pagpaparatang ng di totoo!" Dito nakasasalalay ang tunay na kasiyahan ng Pasko. May isang text akong natanggap: "Sa mga friends ko na hindi umiinom, nagyoyosi, nagbibisyo. Mabubuhay kang malungkot. Patay na kaming lahat... buhay ka pa! " Hindi naman ganoon kasaklap ang mabuhay ng mabuti . Ang masayang pamumuhay ay wala sa gawaing masasama. Ang masayang pamumuhay ay pamumuhay kasama ni Kristo! Kaya nga ang panawagan sa atin: "Magalak kayong lagi sa Panginoon, inuulit ko, MAGALAK KAYO!" Ngayong bagong taong ito ng Simbahan ay sinisimulan din natin ang Year of the Youth.  Sa mga mukha ng mga kabataan ay makikita natin ang mukha ng kaligayahan.  Ipagdasal natin na sana ay makuha nila ang tunay na puso ng kagalakan na walang iba kundi si Kristo.  Siya ang makapagbibigay ng tunay na kaligayahan sa atin.  Ipanalangin natin na nawa ang ating mga kabataan ay higit pang mapalapit kay Kristo at sa Simbahang Kanyang itinatag.  Ipanalangin na maging daan sila ng pagbabago sa Simbahan upang maging Simbahang punong-puno ng buhay at kagalakan.

Walang komento: