Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Martes, Enero 21, 2020
ANG TUNAY NA BIBLE CHRISTIANS: Reflection for the 3rd Sunday in Ordinary Time Year A - January 26, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE and BIBLE SUNDAY
Sa darating na Linggo ay ipagdiriwang na natin ang National Bible Sunday. Bakit nga ba mahalaga ang Biblia sa ating mga Kristiyano? Ano ba ang ibig sabihin ng Biblia at para saan ba ito? May isang lola na nagbabasa ng Biblia at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya. Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!" Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Kailan ka aalis sa mundong ito lola?" May punto naman talaga si apo... na dapat ay mabasa nating lahat ang Biblia bago natin lisanin ang mundong ito. Kung ang Biblia ay "basic information" nararapat lang na gawin itong requirement sa isang Kristiyano bago siya "papasukin" sa kaharian ng langit. Bakit ko nasasabi ito? Sapagkat marami sa ating mga Kristiyano ang hindi nakikita ang kahalagahan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos. Kung mayroon mang libro sa buong mundo na bestseller ay walang iba kung hindi ang Bibilia. Kahit saan bookstore ka magpunta ay may section na kung saan ay nakapatong ang libro ng Biblia. Nakakalungkot lang na katulad ng ibang libro ay madali natin itong pagsawaan at hinahayaan na lamang natin na inaalikabok sa estante! Kung mahalaga ay dapat masagot natin ang mga katanungang ito: Ano nga ba ang Biblia? Paano nga ba ang tamang pagbasa at pag-intindi nito? Saan ba dapat ginagamit ito? Noong nakaraang mga taon ay may isang mambabatas na ginamit ang Biblia bilang patunay na pinapayagan daw ng Diyos ang death penalty sapagkat ang Anak Niya mismo, na si Jesus, ay nahatulan ng death penalty. Tama ba ang ganitong pag-iisip? Sa totoo lang kahit sa lohika (logic) ay hindi ko makita ang kawastuhan ng ganitong pangangatwiran! Kumbaga sa boksing ay isang malaking sablay na suntok ang kanyang binitiwan na sa halip na kalaban ay ang referee ang tinamaan! Ano ba ang dapat isaalang-alang sa pagbasa ng Biblia? "May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Biblia. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at tinanong ang Panginoon: "Panginoon, ito ba ang nais mong gawin ko? At sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... nagpakamatay siya! Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Jesus sa atin sa kasalukuyang panahon. Ito ay ang pangangaral ni Jesus na naisulat upang ating basahin, pagnilayan at kapulutan ng aral sa ating pamumuhay bilang mga tagasunod niya. Dito dapat tayo humuhugot ng lakas sa ating kahinaan. Dito dapat tayo kumukuha ng pag-asa sa lahat ng kabiguan. Dito dapat tayo kumukuha ng pasasalamat sa lahat ng biyayang patuloy na ipiangkakaloob ng Diyos sa atin. Dito dapat tayo kumukuha ng paggabay upang maihatid tayo sa ating kaligtasan. Kaya't isang malaking pagsasayang ang ating ginagawa kung hindi natin ito binubuksan at binabasa. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung may tiyaga akong magsayang ng maraming oras sa pagbabasa ng mga pocketbooks o Wattpad para sa mga techi, bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Tandaan natin na sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Diyos. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa! Basahin, pagnilayan at isabuhay! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians". Tatlong paraan upang maging buhay ang Salita ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay. Sa taong ito ng Ekumenismo at Pakikipag-usap sa Iba't ibang Pananampalataya at Mamamayang Katutubo ay magandang kumuha tayo ng inspirasyon sa Salita ng Diyos upang ipalaganap ang pagkakakisa at pag-uunawaan. Huwag sanang gamitin ang Salita ng Diyos sa pagkakawatak-watak at pag-alipusta sa ibang pananampalataya o paniniwala. Ang layunin ni Jesus ay upang pag-isahin tayo... "That they may be one!" Ito ang panalangin ni Jesus sa Ama at sana ay maging panalangin din ng bawat isa sa atin habang pinapalalim natin ang ating pagmamahal sa Salita ng Diyos.
Biyernes, Enero 17, 2020
SA KAMAY NG TO. NINO: Reflection for the Feast of Sto. Nino Year A - January 19, 2020 - YEAR OF ECUMESNISM AND INTER-RELIGIOUS DIALOGUE
Ang Kapisthan ng Sto. Niño ay tinatawag din na "Holy Childhood Day!" Hindi "ibang Jesus" ang ating pinagdiriwang bagkus ito rin ang Jesus na naghirap, namatay at muling nabuhay ngunit bago mangyari ito ay dumaan muna sa kanyang pagkabata o pagiging "Niño." Katulad ng debosyon sa Itim na Nazareno, ang Sto. Nino ay debosyong napalapit sa puso nating mga Pilipino. Kung iiisipin natin ay nararapat lang sapagkat ang ating pananampalatayang Kristiyano, bilang mga Pilipino, ay naka-ugat sa Sto. Nino. Sa katunayan, ito ang unang imaheng ating tinanggap sa mga misyonero unan dumaong sa ating isla. Sa susunod na taon ay ipagdiriwang na natin ang ika-500 taon ng ating pagiging Kristiyanong Katolikong bansa! Ang Kapistahan ng Sto. Nino ay hindi lang para sa mga bata. Ito rin ay para sa ating lahat na minsan ng dumaan sa ating pagkabata o childhood. Inaanyayahan tayo ng kapistahang ito na "maging tulad ng isang bata." Bakit? Ano bang meron sa isang bata? May kuwento ng isang batang nagdarasal sa simbahan at humihingi ng bisikleta sa Diyos. Ito ang paulit-ulit na binbanggit niya: "Lord, bigyan mo naman ako ng bike." Kinabukasan wala siyang natanggap na bisekleta. Kaya nagdasal na naman siya at paulit-ulit na humihingi ng bike. Pero wala pa rin siyang natanggap. Kinabukasan napansin ng pari na nawawala ang estatwa ni Mama Mary. Nakita niya ang isang sulat na nakalagay sa altar. Ito ang nakasaad sa sulat: "Lord, kung gusto mo pang makita ang nanay mo, ibigay mo sa akin ang bike ko!" Napakapayak mag-isip ng bata. Simple. Walang pakeme-keme. Direct to the point! Puwede rin nating sabihing siya ay tapat at totoo sa kanyang sarili. Ngunit sa kabila nito ay nakikita rin natin ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan. Sabi ng isang kanta: "Batang-bata ako nalalaman ko 'to. Inaamin ko rin na kulang ang aking nalalaman at nauunawaan..." Ang dalawang katangiang ito ang ating magandang pagnilayan sa kapistahang ito. Ito rin ang nais ni Jesus na tularan natin sa isang bata. Una ang kanyang kakulangan at kawalang kakayahan ay hindi isang kahinaan. Bagkus ito pa nga ang nagpapatingkad sa isang katangiang dapat taglayin ng isang kristiyano.. ang pagtitiwala. Ang kalakasan ng isang bata ay ang kanyang pagtitiwala sa kanyang mga magulang. Pansinin ninyo kapag ang isang bata ay nawalay sa kanyang ina. Siguradong iiyak siya at hindi siya titigil hanggat hindi nakikita ang kanyang nanay. Ito rin dapat ang maramdaman nating mga kristiyano kapag nalalayo ang ating kalooban sa Diyos! At araw-araw ay dapat na ipinapahayag natin ang ating pagtitiwala sa Kanya at inaamin natin ang pangangailangan natin sa Kanya sapagkat Siya ang ating lakas sa sandali ng ating kahinaan. Pangalawa ay ang pagiging tapat at totoo sa ating sarili. Ang isang bata ay madaling umamin sa kanyang pagkakamali. Ang matatanda ay laging "denial" sa kanilang mga pagkukulang. Lagi nilang makikita ang kamalian ng iba ngunit hindi ang kanilang mga sarili. Ang isang kristiyano ay tinatawag sa katapatan at pagiging totoo sa kanyang "identity" bilang alagad ni Kristo. Hindi puwede ang "doble-karang kristiyano" sa ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at pakikitungo sa kapwa. Hindi puwedeng ang dinarasal sa Simbahan ay kabaliktaran ng inaasal natin sa labas. Nawa ang Kapistahan ng Sto. Niño ay magtulak sa ating umasa sa Diyos at maging tapat sa Kanya. Saksi tayo sa mga nangyari nitong nakaraang araw. Ang pagputok ng bukang taal ay totoong nagbigay ng pahirap sa marami nating kababayan. Marami ngayon ang walang tahanan at ari-arian. Marami ang lugmok sa kahirapan at walang kasigurahan ang pamumuhay. Ngunit ang pangyayaring ito ay nagbigay daan din upang lumabas ang malasakit at galing ng ating mga kababayan. Marami ang nagsasakrisiyo ngayon at nag-aabot ng tulong sa mga nabiktima ng trahedyang ito. Kahit sa mga nabiktima ng pagsabog ng bulkan ay kahanga-hanga ang kanilang katatagan. "In all these ashes, we will rise! The Lord is with us!" Ang debosyon sa Sto. Nino ay makapagbibigay sa atin ng lakas upang muli nating ibalik ang ating malakas na pagtitiwala sa Diyos sa gitna ng hirap at dalamhati. Huwag tayong matakot tumulomg at magbahagi. Ang sabi nga ng isang post sa FB na nakita ko: "As we grow older, you will discover that you have two hands, one for helping yourself, the other for helping others." Kapag tayo ay nagbibigay, bagamat nabubutasan ang ating bulsa, ay napupuno naman ng kagalakan ang ating puso kaya't ipagpatuloy natin ang pagpapakita ng kabutihan sa ating kapwa. Tandaan nating lahat tayo ay minsan nang dumaan sa ating pagkabata. Ngunit hindi dahilan ang ating pagiging matanda upang hindi na isabuhay ang mga magagandang katangian ng isang bata. Sa katunayan, lahat tayo ay bata sa mata ng Diyos. Lahat tayo ay NIÑO na nangangailangan ng Kanyang gabay at pagkalinga. Sama-sama tayo, bilang isang bayan, na muling bumangon sa pamamagitan ng pagdamay sa ating kapwa. "We rise by lifting others!" Tandaan lang natin na tayong lahat ay nasa kamay ng Sto. Nino. Hindi Niya tayo pababayaan.
Maligayang Kapistahan ng Sto. Niño sa ating lahat! VIVA PIT SEÑOR!
Maligayang Kapistahan ng Sto. Niño sa ating lahat! VIVA PIT SEÑOR!
Sabado, Enero 11, 2020
KATOLIKO BA SI JESUS? : Reflection for the Feast of the Lord's Baptism Year A - January 12, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE
Minsan ay may batang lumapit sa akin at nagtanong: "Father, si Jesus ba ay "Katoliko?" Napaisip tuloy ako ng di oras! Ayawkong magkamali ng sagor kaya't tinanong ko na lang siya: "Bakit mo naman naitanong yun?" Sagot ng bata: "Kasi po nabasa ko sa Bibiliya na bininyagan din s'ya... Ibig sabihin naging Katoliko s'ya!" At doon ko natintdihan na marahil ay nalito siya sa Sakramento ng biyag na kanyang tinanggap at sa binyag na tinaggap ni Jesus kay Juan Baustista. Sinabi ko sa kanya na magkaiba ang binyag na tinaggap ni Jesus sa ating binyag na tinanggap noong tayo ay naging Katolikong Kristiyano. Sa katunayan ay hindi naman kinakailangang magpabinyag si Jesus kay Juan Baustista sapagkat ang binyag na ibinibigay ni Juan ay ang binyag para sa pagsisisi ng kasalanan. Alam naman nating walang kasalanan si Jesus! Kahit si Juan ay batid ito kaya nga't ang sabi niya "Ako po ang dapat na binyagan ninyo, at kayo ang pa ang lumalapit sa akin!" Ang ating binyag sa kabilang dako ay totoong nag-aalis din ng kasalanan ngunti ito ay isang "Sakramento" na itinatag ni Jesus upang tayo ay maging mga anak ng Diyos at maging kabahagi ng "Pamilyang Kristiyano Katoliko" na kung saan ay si Jesus ang ulo at tayo ang nagiging bahagi ng kanyang katawan. Ngunit sino nga ba ang dapat na binibinyagan? Isang katolikong matandang mayamang babae ang lumapit sa pari at nagtanong kung maari bang binyagan ang kanyang alagang aso. Napasigaw ang pari na ang sabi: "Ginang, ang binyag ay ibinibigay lamang sa tao at hindi sa hayop! Hindi maaring binyagan ang alaga mong aso!" Sagot ng matanda: "Ay ganoon po ba Father, sayang magdodonate pa naman sana ako ng isang milyong piso para sa simbahan. Hindi na bale, d'yan ko na lang siya sa simbahan ng Aglipay pabibinyagan!" sabay talikod. Panghabol naman ang pari at sinabing: "Ginang, bumalik ka... ba't di mo sinabing Katoliko ang aso mo!!!" Ano nga ba ang kahulugan ng binyag para sa ating mga Kristiyano? Bagamat may malaking pagkakaiba ang Binyag na tinanggap natin sa Binyag na ibinigay kay Jesus ni Juan Bautista ay makakakitaan natin ito ng parehong aral. Ang Kapistahan ng Pagbibinyag kay Jesus ay tinatawag na ikalawang Epipanya sapagkat dito ay muling ipinakilala ni Jesus ang tungkol sa kanyang sarili. Kung sa unang Epipanya ay ipinahayag Niyang Siya ang tagapagligtas ng sanlibutan sa ikalawang Epipanya ay ipinakilala niya ang kanyang "identity" bilang "Anak na kinalulugdan ng Diyos" na nakiisa sa ating abang kalagayan. Ito ang mensahe ng Kapistahan ngayon: Una, si Jesus na Anak ng Diyos, na walang bahid na kasalanan, ay nakiisa sa ating mga makasalan sa pamamagitan ng pagtanggap ng binyag ni Juan na isang binyag ng pagsisisi! Ikalawa, sa pagbibinyag ni Jesus ay sinimulan na Niya ang kanyang. misyon na hayagang pangangaral ng paghahari ng Diyos. At ikatlo, ipinahayag nito na Siya nga ang bugtong na Anak na lubos na kinalulugdan ng Diyos. Ano ang itinuturo nito sa atin? Una, sana ay pahalagahan natin ang ating Binyag na kung saan ay nangako tayong tatalikuran ang kasalanan at mamumuhay bilang mga tunay na Anak ng Diyos Ama. Ang pangakong ito ay iniatang sa atin sa pamamagitan ng atng mga magulang at ninong at ninang noong tayo ay biniyagan sapagkat wala pa tayong kakahayan para gawin ito. Ngunit ngayong may sapat na tayong pag-iisip ay inaako na natin sa ating sarili ang mga pangakong ito. Sa katunayan ay sinasariwa natin ito lalo na sa Kapanahunan ng Pasko ng Pagkabuhay o Easter. Ikalawa, na sana ay "isigaw" din natin na tayo ay mga Kristiyano sa pamamagitan ng isang buhay na marangal at banal. Magagawa natin ito sa simpleng paraan ng pagiging "mabubuting Kristiyano at tapat na mamamayan!" Lagi nating sundin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng ating mga pagpili at mging maging mabubuti tayong miyembro ng lipunan na handang manindigan sa katarungan at namumuhay na mabuti na isinasalang-alang palagi ang pagtulong sa nangangailangan. Ikatlo, sikapin natin na sa lahat ng sandali ay lagi tayong maging kalugod-lugod sa harapan ng Diyos. Madali ang maging tao pero mahirap ang magpakatao. Puwede rin nating sabihing madaling maging Kristiyano ngunit mahirap ang magpaka-kristiyano. Madali sapagkat buhos lang tubig sa ulo ang kinakailangan. Mahirap sapagkat nangangahulugan ito ng paglimot sa sarili at pamumuhay na katulad ni Jesus na puno ng sakripisyo at paglilingkod sa iba. Sana, hindi lang hanggang "baptismal ceritficate" ang ating pagiging kristiyano... Sana, ay maging tunay tayong mga anak ng Diyos, kapatid ni Kristo, lubos na kinalulugdan ng Ama!
Sabado, Enero 4, 2020
ANG MGA TUNAY NA PANTAS (Resposted): Reflection for the Solemnity of the Epiphany Year A - January 5, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE
Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng EPIPANYA o ang Pagpapakita ng Panginoon. May ilang bansa na tinatawag itong "The Second Christmas." Dito kasi nila ginagawa ang pagbibigayan ng mga regalo bilang pag-alala sa paghahandog ng regalo ng mga pantas sa sanggol na Jesus. Para sa ating mga Katoliko, ito ang huling linggo ng pagdiriwang ng Kapaskuhan. Kaya nga't hindi pa rin natatapos ang pagbibigayan ng regalo o aguinaldo. At dahil ito ang Kapistahan ng Epipanya o Pagpapakita, nararapat lang na magpakita na ang mga nagtatagong mga ninong at ninang sa kanilang mga inaanak. Maawa naman kayo sa kanila! hehehe... May tatlong ipinapakita ang kapistahang ito. Una sa lahat, ito ay pagpapakita na si Jesus ang tagapagligtas ng lahat maging ng mga hentil. Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso: "sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus." Ang mga pantas ay nagmula sa silangan, ibig sabihin ay hindi sila mga Hudyo. Ipinapakita ng kapistahang ito na si Jesus ay tagapagligtas ng lahat. Ikalawa, ipinakita nito kung sino si Jesus sa pamamagitan ng kanilang tatlong handog na ginto, kamanyang at mira. Ang ginto ay kumakatawan sa pagkahari ni Jesus, ang kamanyang ay sa kanyang pagka-Diyos at ang mira ay sa kanyang pagiging tao. Ikatlo, ipinapakita ng kapistahang ito na ang pagmamahal ay nabibigyang katuturan sa pamamagitan ng PAGBIBIGAY. Ang Diyos ang unang nagpakita nito nang ibinigay Niya sa atin ang Kanyang bugtong na Anak at ang anak na ito ang nagbigay naman sa atin ng kanyang walang hanggang pagmamahal sa pag-aalay ng Kanyang buhay sa krus bilang pagsunod sa kalooban ng Kanyang Ama. Sa mga susunod na araw ay ipagdiriwang natin ang TRASLACION ng Poong Nazareno. Ito rin ay nagpapakita ng matinding deboyon nating mga Pilipino at kung paano natin ipinagkakatiwala ang ating buhay sa Panginoong naghirap at nagpasan ng krus. Kung ating pagninilayan ang imahe ng Poong Nazareno ay makikita natin ang pagkahari ni Jesus. Ipinapakita ito ng kanyang maringal na kasuotan. Makikita rin natin ang kanyang pagka-Diyos at pagkatao sa kanyang mukhang naghihirap ngunit may nakapaligid namang sinag na nagpapakita ng kanyang kabanalan. Ngunit higit sa lahat ay mababakas natin sa imahe ng Poong Nazareno ang kanyang malaking pagmamahal sa ating lahat at ang pagmamahal na ito ay walang itinatangi. Ang kanyang paghihirap ay para sa lahat! Ang lagi kong lang na ipinaaalala sa mga mamamasan o mga deboto ng Nazareno ay ito: na hindi tayo ang nagbubuhat kay Jesus, sa halip tayo ang binubuhat niya! Sa pagpasok natin sa Bagong Taon ay kilalanin natin si Jesus bilang hari ng ating buhay at hayaan nating buhatin niya ang ating mga paghihirap at suliranin. Subukan nating hanapin Siya lalo na sa mga hindi magandang pangyayari ng ating buhay. Ang tunay na mga taong pantas ay ang handang maghanap at kumilala sa kanya bilang kanyang HARI. "Wise men still seek Him!"
Mag-subscribe sa:
Mga Post (Atom)