Alam ng Diyos ang ating kiliti! Kung minsan kikilitiin N'ya tayo sa paraang di natin inaasahan. Ang mga pagninilay dito ay pinamagatan kong "kiliti ng Diyos". Nakakatuwa... nakakatawag pansin... nakapagpapabago ng pag-iisip. Ganyan naman talaga ang kapangyarihan ng Kanyang salita... tatamaan ka! Kung minsan masakit ngunit madaling tanggapin sapagkat may halo namang... kiliti.
Martes, Enero 21, 2020
ANG TUNAY NA BIBLE CHRISTIANS: Reflection for the 3rd Sunday in Ordinary Time Year A - January 26, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE and BIBLE SUNDAY
Sa darating na Linggo ay ipagdiriwang na natin ang National Bible Sunday. Bakit nga ba mahalaga ang Biblia sa ating mga Kristiyano? Ano ba ang ibig sabihin ng Biblia at para saan ba ito? May isang lola na nagbabasa ng Biblia at habang siya ay nagbabasa ay pinagmamasdan siya ng kanyang apo. Manghang-mangha ang bata sa panood sa kanya. Lumapit ito at nagtanong: "Lola, alam ko na po ang ibig sabihin ng Biblia!" Tuwang-tuwa ang matanda at nagtanong: "Ano, yon apo?" Sagot ng bata: "Ang kahulugan ng BIBLE ay nasa limang titik nito: Basic Information Before Leaving Earth! Kailan ka aalis sa mundong ito lola?" May punto naman talaga si apo... na dapat ay mabasa nating lahat ang Biblia bago natin lisanin ang mundong ito. Kung ang Biblia ay "basic information" nararapat lang na gawin itong requirement sa isang Kristiyano bago siya "papasukin" sa kaharian ng langit. Bakit ko nasasabi ito? Sapagkat marami sa ating mga Kristiyano ang hindi nakikita ang kahalagahan ng pagbabasa ng Salita ng Diyos. Kung mayroon mang libro sa buong mundo na bestseller ay walang iba kung hindi ang Bibilia. Kahit saan bookstore ka magpunta ay may section na kung saan ay nakapatong ang libro ng Biblia. Nakakalungkot lang na katulad ng ibang libro ay madali natin itong pagsawaan at hinahayaan na lamang natin na inaalikabok sa estante! Kung mahalaga ay dapat masagot natin ang mga katanungang ito: Ano nga ba ang Biblia? Paano nga ba ang tamang pagbasa at pag-intindi nito? Saan ba dapat ginagamit ito? Noong nakaraang mga taon ay may isang mambabatas na ginamit ang Biblia bilang patunay na pinapayagan daw ng Diyos ang death penalty sapagkat ang Anak Niya mismo, na si Jesus, ay nahatulan ng death penalty. Tama ba ang ganitong pag-iisip? Sa totoo lang kahit sa lohika (logic) ay hindi ko makita ang kawastuhan ng ganitong pangangatwiran! Kumbaga sa boksing ay isang malaking sablay na suntok ang kanyang binitiwan na sa halip na kalaban ay ang referee ang tinamaan! Ano ba ang dapat isaalang-alang sa pagbasa ng Biblia? "May isang "Bible Christian" na mahilig gamitin ang Bibliya upang malaman kung ano ang gusto ng Diyos sa kanya lalo na sa paglutas sa kanyang mga prolema. Minsan ay nalugi ang kanyang negosyo at katulad ng kanyang nakaugalian ay sumangguni siya sa Biblia. Kinuha niya ito at nakapikit na binuksan ang pahina. Laking pagkagulat niya ng bumungad sa kanya ang Mateo 27:5 na nagsasabing: "Lumabas si Hudas at nagbigti!". Natakot siya at tinanong ang Panginoon: "Panginoon, ito ba ang nais mong gawin ko? At sinubukan niyang maghanap uli. Habang nakapikit ay muli niyang binuksan ang Bibliya at ang kanyang hintuturo ay tumapat sa Lukas 10:37 na ang sabi: "Humayo ka't gayon din ang gawin mo."Halos himatayin na siya sa takot nang muli niyang buksan ang Banal na Aklat. Ang bumungad sa kanyang talata: Juan 13:27, "Kung ano ang iyong kailangang gawin, gawin mo na agad!" At alam n'yo na marahil ang kasunod... nagpakamatay siya! Ang Bibliya ay hindi parang "Libro ng mga Hula" na nagsasabi ng ating kapalaran. Hindi rin ito katulad ng mga "Best Seller" na libro sa National Books Store. Hindi lang ito naglalaman ng kasaysayan o pamantayan sa mabuting pamumuhay. Ang Bibliya ay ang SALITA NG DIYOS! Ito ang aklat na kung saan ay ipinahayag ng Diyos ang Kanyang pag-ibig at katapatan sa tao sa pagbibigay sa atin ng kaligtasan. Sa Ebanghelyo ay nakita natin kung paano nangaral si Hesus ng buong sigasig! Ang Bibiliya ay ang pangangaral ni Jesus sa atin sa kasalukuyang panahon. Ito ay ang pangangaral ni Jesus na naisulat upang ating basahin, pagnilayan at kapulutan ng aral sa ating pamumuhay bilang mga tagasunod niya. Dito dapat tayo humuhugot ng lakas sa ating kahinaan. Dito dapat tayo kumukuha ng pag-asa sa lahat ng kabiguan. Dito dapat tayo kumukuha ng pasasalamat sa lahat ng biyayang patuloy na ipiangkakaloob ng Diyos sa atin. Dito dapat tayo kumukuha ng paggabay upang maihatid tayo sa ating kaligtasan. Kaya't isang malaking pagsasayang ang ating ginagawa kung hindi natin ito binubuksan at binabasa. May oras ba akong inalalaan sa pagbabasa ng Bibliya? Baka naman may "tag price" pa ang Bibliya kong nabili o kaya naman ay namumuti na sa dami ng alikabok dahil hindi ko nagagalaw sa pinaglalagyan nito! Kung may tiyaga akong magsayang ng maraming oras sa pagbabasa ng mga pocketbooks o Wattpad para sa mga techi, bakit kaya ni isang pahina ng Bibiliya ay hindi ko matagalang basahin? Ang sabi nga nila: Kung gusto mo may paraan... kung ayaw mo, may dahilan! Ugaliin natin ang araw-araw na pagbabasa ng Bibliya! Tandaan natin na sa panalangin tayo ang nakikipag-usap sa Diyos. Sa pagbabasa ng Bibliya... Siya ang nakikipag-usap sa atin. Kailan mo hinayaang kausapin ka Niya? Ngunit hindi lang sapat na basahin ang Bibiliya. Mas mahalaga sa pagbabasa ay ang pagninilay sa Salita ng Diyos at ang pagsasabuhay nito. May mga Kristiyanong pabibilibin ka dahil kaya nilang banggitin mula sa memorya ang mga kapitulo at bersikulo ng Biblia. Ang tanong isinasabuhay ba nila ito? Saulo mo man ito mula sa unang pahina hanggang sa huli ngunit hindi mo pinagninilayan at isinasabuhay ay para ka lamang "wang-wang" na nag-iingay na walang mabuting nagagawa sa kaligtasan ng iyong kaluluwa! Basahin, pagnilayan at isabuhay! Ito ang paraan upang matawag na mga tunay na "Bible Christians". Tatlong paraan upang maging buhay ang Salita ng Diyos sa ating pang-araw-araw na buhay. Sa taong ito ng Ekumenismo at Pakikipag-usap sa Iba't ibang Pananampalataya at Mamamayang Katutubo ay magandang kumuha tayo ng inspirasyon sa Salita ng Diyos upang ipalaganap ang pagkakakisa at pag-uunawaan. Huwag sanang gamitin ang Salita ng Diyos sa pagkakawatak-watak at pag-alipusta sa ibang pananampalataya o paniniwala. Ang layunin ni Jesus ay upang pag-isahin tayo... "That they may be one!" Ito ang panalangin ni Jesus sa Ama at sana ay maging panalangin din ng bawat isa sa atin habang pinapalalim natin ang ating pagmamahal sa Salita ng Diyos.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento