Sabado, Enero 4, 2020

ANG MGA TUNAY NA PANTAS (Resposted): Reflection for the Solemnity of the Epiphany Year A - January 5, 2020 - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng EPIPANYA o ang Pagpapakita ng Panginoon.  May ilang bansa na tinatawag itong "The Second Christmas."  Dito kasi nila ginagawa ang pagbibigayan ng mga regalo bilang pag-alala sa paghahandog ng regalo ng mga pantas sa sanggol na Jesus.  Para sa ating mga Katoliko, ito ang huling linggo ng pagdiriwang ng Kapaskuhan.  Kaya nga't hindi pa rin natatapos ang pagbibigayan ng regalo o aguinaldo.  At dahil ito ang Kapistahan ng Epipanya o Pagpapakita, nararapat lang na magpakita na ang mga nagtatagong mga ninong at ninang sa kanilang mga inaanak.  Maawa naman kayo sa kanila! hehehe... May tatlong ipinapakita ang kapistahang ito.  Una sa lahat, ito ay pagpapakita na si Jesus ang tagapagligtas ng lahat maging ng mga hentil.  Ang sabi ni San Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Efeso: "sa pamamagitan ng Mabuting Balita, ang mga Hentil, tulad din ng mga Judio, ay may bahagi sa mga pagpapalang mula sa Diyos; mga bahagi rin sila ng iisang katawan at kahati sa pangako ng Diyos dahil kay Kristo Hesus."  Ang mga pantas ay nagmula sa silangan, ibig sabihin ay hindi sila mga Hudyo.  Ipinapakita ng kapistahang ito na si Jesus ay tagapagligtas ng lahat.  Ikalawaipinakita nito kung sino si Jesus sa pamamagitan ng kanilang tatlong handog na ginto, kamanyang at mira.  Ang ginto ay kumakatawan sa pagkahari ni Jesus, ang kamanyang ay sa kanyang pagka-Diyos at ang mira ay sa kanyang pagiging tao. Ikatloipinapakita ng kapistahang ito na ang pagmamahal ay nabibigyang katuturan sa pamamagitan ng PAGBIBIGAY.  Ang Diyos ang unang nagpakita nito nang ibinigay Niya sa atin ang Kanyang bugtong na Anak at ang anak na ito ang nagbigay naman sa atin ng kanyang walang hanggang pagmamahal sa pag-aalay ng Kanyang buhay sa krus bilang pagsunod sa kalooban ng Kanyang Ama. Sa mga susunod na araw ay ipagdiriwang natin ang TRASLACION ng Poong Nazareno.  Ito rin ay nagpapakita ng matinding deboyon nating mga Pilipino at kung paano natin ipinagkakatiwala ang ating buhay sa Panginoong naghirap at nagpasan ng krus.  Kung ating pagninilayan ang imahe ng Poong Nazareno ay makikita natin ang pagkahari ni Jesus. Ipinapakita ito  ng kanyang maringal na kasuotan. Makikita rin natin ang kanyang pagka-Diyos at pagkatao sa kanyang mukhang naghihirap ngunit may nakapaligid namang sinag na nagpapakita ng kanyang kabanalan.  Ngunit higit sa lahat ay mababakas natin sa imahe ng Poong Nazareno ang kanyang malaking pagmamahal sa ating lahat at ang pagmamahal na ito ay walang itinatangi.  Ang kanyang paghihirap ay para sa lahat!   Ang lagi kong lang na ipinaaalala sa mga mamamasan o mga deboto ng Nazareno ay ito: na hindi tayo ang nagbubuhat kay Jesus, sa halip tayo ang binubuhat niya!  Sa pagpasok natin sa Bagong Taon ay kilalanin natin si Jesus bilang hari ng ating buhay at hayaan nating buhatin niya ang ating mga paghihirap at suliranin.   Subukan nating hanapin Siya lalo na sa mga hindi magandang pangyayari ng ating buhay.  Ang tunay na mga taong pantas ay ang handang maghanap at kumilala sa kanya bilang kanyang HARI.   "Wise men still seek Him!"  

Walang komento: