Sabado, Abril 25, 2020

OUR ROAD TO EMMAUS: Reflection for 3rd Sunday of Easter Year A - April 26, 2020 - EASTER SEASON

Naalala ko pa noong ako ay Kura Paroko sa Parokya ni San Juan Bosco sa Tondo ay may lumapit sa aking isang miyembro ng samahang Nazareno.  Nagtatanong sila kung may pari bang maaring magmisa para sa kanilang samahan.  "Para saan ang Misa?"  tanong ko sa kanya.  "Ah... para po sa Poong Nazareno.  Ililipat na po namin si Ingkong." Pabiro ko siyang sinabihan: "Hala, tapos na ang paghihirap ni Jesus.  Sa katunayan,  sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang Kanyang muling pagkabuhay... bakit pinahihirapan na naman ninyo siya na magbuhat ng krus?"

Hindi ko alam kung nakuha niya ang nais kong ipahiwatig.  Hindi naman sa minamaliit ko ang debosyon sa Poong Nazareno.  Sa katunayan ay natutuwa nga akong magmisa dito at hinahangan ko ang simpleng pananampalataya ng mga deboto.  Ang nais ko lang ay ang isalugar ang pagpapakita nila ng debosyong ito.  Kapistahan noon ng Muling Pagkabuhay at nararapat naman sigurong ang pagnilayan natin at bigyan ng parangal ay ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli!  Si Jesus ay hindi nanatiling nagbubuhat ng krus.  Hindi rin siya nanatiling nakapako sa krus.  At lalong hindi siya nanatili sa loob ng libingan.  Si Jesus ay muling nabuhay!

Ito ang pagkakamali ng dalawang alagad na pauwing Emmaus.  Ang akala nila ay natapos na ang lahat sa pagkamatay ng kanilang kinikilalang dakilang propeta at panginoon.  Kaya nga sila ay malungkot at nalulumbay na naglakbay pabalik sa kanilang kinasanayang buhay.  Ngunit si Jesus ay nakisabay sa kanila at ipinaliwanag sa kanila ang katuparan ng Kasulatan na ang Mesiyas ay dapat magbata ng hirap at mamatay bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan.  Hindi nila nakilala si Jesus bagamat nag-aalab ang kanilang damdamin habang ipinapaliwanag sa kanila ang Banal na Kasulatan.  Nabuksan lamang ang kanilang pag-iisip ng kunin ni Jesus at paghati-hatiin ang tinapay.  Si Jesus nga ang kanilang nakasama sa paglalakbay.  Siya ay mulin nabuhay!

Sa ating buhay, tayong lahat din ay naglalakbay.  Lalo na sa panahaong ito na nararanasan natin ang bigat mg kahirapang dala ng pandemic virus na COVID-19.  Marami sa ating mga kababayan ang nakararanas na ng gutom at ng pangambang baka wala ng kakinin sa susunod na araw.  Marami sa atin ang nahinto sa paghahanap-buhay at hindi na sigurado kung may babalikan pa ba sila pagkatapos ng mahabang quarantine na ito.  Marami sa atin ang hindi na magawa ang kanilang nakasanayang gawain na pagsisimba sa Linggo at pagtanggap ng Sakramento ng Komunyon.  Kaya nga hindi natin maipagkakaila na may mga sandaling tila baga pinanghihinaan tayo ng loob at parang ayaw na nating magpatuloy sapagkat ang pakiramdam natin ay binigo tayo ng Diyos.

Kapag nahaharap tayo sa ating mga "Jerusalem", ang ating mga krisis sa buhay tulad ng mga pagsubok at mga mabibigat na suliranin, ay napakadali nating pagdudahan ang Kanyang pananatili at tinatahak agad natin ang ating mga "Emaus", lugar ng kawalan ng pag-asa. Isa lang ang nais ipahiwatig sa atin ni Jesus... hindi Niya tayo binigo! Siya ay nanatili pa rin kapiling natin!  Patuloy pa rin ang kanyang pagpaparamdam at pagpapakita ng pagmamahal.   Sa tuwing pinakikinggan natin ang Salita ng Diyos at nagsasalo sa paghahati ng tinapay sa Banal na Misa ay naroon Siya sa ating piling.  Binibigyan Niya tayo ng lakas at pag-asa!  Matiyaga Siyang umuunawa sa ating kahinaan.  Isang magandang paalala sa ating lahat na may Diyos na matiyagang nakikilakbay sa atin. 

Kaya huwag tayong mangamba kung tila baga naghihirap tayo sa ating paglalakbay.  Huwag tayong matakot sa mga sandaling ito ng pagsubok na ating kinahaharap.  Nakikilakbay ang Diyos kasama natin.  Hindi Niya tayo iniiwan at pinababayaan. Pasasaan ba't malalgpasan natin ito sa pamamagitan ng pagtitityaga at lakas ng loob dala ng ating malalim na pananampalataya sa Kanya.  Huwag natin kalimutang si Jesus ay "Emmanuel", ang Diyos na kasama natin at sumasaatin!

Huwag din tayong panghinaan ng loob kung may masasama tayong pag-uugali na hindi natin matanggal.  Kung may Diyos na nagtitiyaga sa ating kahinaan ay dapat pagtiyagaan din natn ang ating sariling pagsisikap na magpakabuti.  Kung may Diyos na umuunawa sa kakulangan nating mga tao ay dapat handa rin nating unawain ang kakulangan ng ating kapwa.  Kung may Diyos na nagpapanatili sa pag-iral ng mundo sa kabila ng masamang pamamahala ng tao ay dapat din sigurong tanggapin, harapin at itama ang maling pamamalakad nito.  Magtiyaga tayo sapagkat may Diyos na nagtitiyaga sa atin. 

Hingin natin sa Panginoon ang biyayang makita natin Siya at madama ang Kanyang pag-ibig. Lisanin natin ang ating "Emaus" at harapin natin ang ating "Jerusalem" upang makasama tayo sa kaluwalhatian ng Kanyang muling pagkabuhay!

Biyernes, Abril 10, 2020

LIWANAG SA DILIM: Reflection for Easter Vigil - Year A - April 11, 2020 - EASTER SEASON

"Ang gabi ay itim. Sa labas ay madilim. Tumingin ka man, siguradong madilim. Buksan mo man ang yong mga mata, kulay itim. Nangangahulugan, ang madilim ay itim." Huh?  Parang wala ata sa hulog ang nagsabi nito. hehehe..  Pero totoo nga... madilim ang itim.  Wala pa akong nakikitang "maliwanag na itim!"  Araw ngayon ng kaliwanagan... napawi na ang dilim ng kamatayan! May dalawang magkaibigan, si haring liwanag at si haring dilim. Lungkot na lungkot si dilim sa kanyang kaharian kaya isang araw ay tinext nya si liwanag: "Hi!" Sagot si liwanag: "Hu u?" Sagot ni dilim: "4get me na alredy? I'm fren... darky!" at me sumunod pang text, "me lonely hir. wanna visit me?" Sagot ni liwanag:" "sure! Ktatkits!" At bumisita si haring liwanag kay haring dilim. Ngunit pagdating sa kaharian ni haring dilim ay wala syang makita. "Wer u na? D2 na me!" Sagot si dilim: "Her me na sa harap mo noh?... can't u c me?"  Sa totoo lang walang makikitang dilim si liwanag sapagkat nabalot na ng kanyang kaliwanagan ang kadiliman. Ganito rin ang Muling Pagkabuhay ni Hesus. 

Ang Muling pagkabuhay ni Kristo ang liwanag na sumakop sa kadiliman ng kasalanan!  Ito ang ipinahayag natin sa unang yugto ng ating pagdiriwang: ang Pagpaparangal sa Ilaw.  Mula sa kadiliman ay sinindihan natin ang kandila Paskuwa at pagkatapos ay ang ating mga kandila.  Sinasabi nitong hindi kailanman nagapi ng dilim ang liwanag!  Hindi nagtapos sa kamatayan ang buhay ni Jesus.  S'ya ay Muling Nabuhay! Hindi inaasahan ng mga alagad ang mangyayari pagkatapos ng kanyang kamatayan. Ang akala nila, siya ay patay na. Tapos na ang lahat. Naglaho na ang kanilang pag-asa. Kaya nga't ang hinila nila ay ninakaw ang kanyang katawan ng di nila ito matagpuan sa libingan. Ngunit naguluhan ang kanilang pag-iiisip na makitang iniwang nakaayos ang mga kayong lino na kanyang kasuotan. Hindi ito gawain ng magnanakaw. Nasaan na si Jesus? Si Jesus ay wala na sa libingan. Si Jesus ay wala na sa kadiliman ng kamatayan. Ang libingang walang laman ay nagpapaalala sa atin na Siya ay buhay! Si Jesus ay muling nabuhay upang hanguin din tayo sa dilim ng kamatayan ng ating mga kasalanan. Magalak ka! Niligtas ka na ng Diyos! Tinubos ka na ng kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli.   

May kuwento ng isang bata na gumawa ng isang laruang bangka.  Mahal na mahal niya ito ngunit dahil isa itong bangka ay nilaro niya ito sa isang kanal.  Inanod ng agos ng tubig ang bangka at nalayo sa mata ng bata hanggang sa ito ay umabot sa isang ilog.  Sinundan ito ng bata ngunit hindi na makita.  Kinabukasan ay muli niyang binalikan ang tabing ilog at laking gulat niya ng makita niya ang kanyang bangka sa kamay ng isang lalaki na nagbebenta ng sari-saring kalakal.  Pinilit niya itong kunin ngunit ayaw ibigay ng lalaki.  Napulot nya raw ito at ito ay kanya na. Kung nais niya itong makuha ay dapat tubusin niya ito at bilhin sa kanya. Labis na nalungkot ang bata. Umuwi siya at sinimulan niyang mag-ipon at nang makarami na sya ng naipon ay muli niyang binalikan ang lalaki, binili niya ang bangka at tuwang-tuwa itong niyakap sa kanyan dibdib. "Akin ka na muli! Ginawa kita, minahal, nalayo ka ngunit tinubos kitang muli! Hindi ka na muling mawawalay sa aking piling!"  Mga kapatid, tayo ang bangka at ang Diyos ang nagmay-ari sa atin.  

Ginawa niya tayo at tinubos mula sa pagkakaalipin sa kamatayan sa pamamagitan ng kanyang pagkamatay at muling pagkabuhay.  Hindi pa rin ba natin nauunawaan ang malaking pag-ibig sa ng Diyos sa atin?  Kaya nga ito ang ipinahayag sa atin sa ikalawang yugto ng ating pagdiriwang:  Ang Pagpapahayag ng Salita ng Diyos.  Ito ay pagpapaala-ala sa atin ng kadakilaan ng pag-ibig ng Diyos mula ng likhain niya tayo.  Ito ay kuwento ng pag-ibig, pag-asa, awa at kapangyarihan na ipinamalas ng Diyos sa atin.  Lumayo tayo sa Kanya ngunit tayo ay kanyang tinubos!  Kaya ano ang tugon sa Kanyang dakilang pagmamahal sa atin?  

Ito naman ang ipinahayag ng ikatlong yugto ng ating pagdiriwang.  Ang pagsariwa sa ating binyag ay isang mahalagang bahagi ng ating pagdiriwang ngayon. Ang tubig ng binyag ay dapat magpaalala sa atin ng ating pagtawid sa dagat ng pagkakasala kung paanong ang mga Israelita ay tumawid sa dagat ng pagkakaalipin. Ang pagtatakwil sa sa demonyo at sa kanyang masasamang gawa at ang ating pagpapahayag ng pananampalataya sa Diyos ay nagpapakita ng ating pagnanais na tumawid mula sa kadiliman patungo sa liwanag.

Tapos na ang gabi. Simula na ng liwanag. 'Wag tayong matakot. Si Kristo ay muling nabuhay upang ipakitang mga anak tayo ng kaliwanagan.  Ang mundo ngayon ay kasalukuyang binabalot ng kadiliman na tinatawag nating "kultura ng kamatayan" - ang unti-unting pagkawala ng pagkilala ng tao sa Diyos.   Ngunit walang dapat ipangamba tayong mga "anak ng kaliwanagan." Kinakailangan lamang nating magliwanag, maging tapat kay Kristo at sa ating paninindigan bilang mga Kristiyano.  Ang kamalian ay hindi kailanman magagapi ng katotohanan.  Ang kasamaan ay hindi magtatagumpay sa kabutihan.  Ang kadiliman ay hindi mangingibabaw sa kaliwanagan. Si Kristo ang liwananag ng sambayanan na tatanglaw sa mundong binulag na ng kadiliman.  Si Jesukristo'y muling nabuhay... SIYA'Y ATING KALIWANAGAN!  

Huwebes, Abril 9, 2020

THE GOOD IN GOOD FRIDAY: Reflection for GOOD FRIDAY Year A - April 10, 2020 - THE PASCHAL TRIDUUM

May isang pari kami sa aming kongregasyon na pumanaw na, sumalangit nawa ang kanyang kaluluwa, na may kakaibang sagot kapag binabati mo siya sa umaga.  "Good morning Father!" minsang binati ko siya at ang sagot niya sa akin ay "It was!"  Parang gusto niyang sabihin sa akin na... "Maganda sana kanina, kaya lang dumating ka!"

May bumati sa akin:  "Good morning Father!"  pabiro ko siyang sinagot ng "And what is GOOD in the morning?" sabay pasimangot na tingin.  At sinagot nya ako ng nakangiti "E di ikaw Father, ikaw ang GOOD!"  At sinagot ko na man siya ng.. "E di...WOW!"  hehehe...

What is GOOD nga ba in GOOD FRIDAY?  Lalo na sa mga araw na ito na kung saan ay nakakulong pa rin ang marami sa atin sa apat na sulok ng ating tahanan dahil sa COVID-19 na ito.  Ano nga ba ang GOOD kung marami sa atin ang kinakapos na sa supply ng pagkain dahil sa pag-extend ng Enhanced Quarantine?  Ano nga ba ang GOOD kung patuloy pa rin ang pagtaas ng bilang ng mga namamatay at nahahawaan ng virus na ito?  Ano nga ba ang GOOD kung hindi pa rin tayo makabalik sa normal nating pamumuhay?

Bakit nga ba "good" at hindi "holy" ang tawag natin dito?  Ang ibang mga araw ng Holy Week ay tinatawag nating "Holy Monday, Holy Tuesday, Holy Wednesday, Holy Thursday... oppps! Wag kang magkakamali, ang susunod ay... GOOD FRIDAY! Ano ba ang mabuti sa araw na ito at pinalitan natin ng "good" ang "holy?"  Tatlong dahilan ang sumagi sa aking pagninilay sa kahalagahan ng araw na ito para sa ating lahat sa kasalukuyang panahong ito.

Ang una ay "Good" sapagkat sa araw na ito ay ipinahahayag sa atin ang WALANG KAPANTAY NA KABUTIHAN ng Diyos, ang Diyos na nag-alay ng kanyang buhay upang tayo ay maligtas. "God is good all the time... and all the time God is good!"  Kahit na sa mga sandaling lugmok tayo sa kahirapan, baon tayo sa problema, at humaharap sa maraming pagsubok SA BUHAY, ang Diyos ay nanatili pa ring MABUTI sa atin!  Kahit na patuloy pa rin ang paghihirap natin at ng marami pa rin nating mga kababayan ang nagtitiis sa pasakit na dala ng COVID19 ay nananatili pa rin siyang mabuti,  Hindi niya tayo iniiwan.  Hindi niya tayo pinababayaan! Sapat lang na tingnan natin si Jesus sa krus at mauunawaan natin ang ibig sabihin ng paghihirap, na kung ang Diyos mismo ay dumanas ng paghihirap ay ako pa kaya na isang walang kuwentang alagad ang aangal sa mga ito?  Kung ang Diyos mismo, sa pamamagitan ng kanyang bugtong na anak, ay niyakap at binuhat ang krus ng paghihirap ay sino ako para tanggihan ito?  Kaya nga ang panalangin natin ay bigyan niya tayo ng lakas at katatagan ng pananampalataya upang kasama niya ay matahak natin ang DAAN NG KRUS na ito.

Ikalawa, "Good" sapagkat sa araw na ito ay nanaig ang KABUTIHAN sa kasamaan! Sa mata ng tao ay kabiguan ang nangyari kay Jesus ngunit hindi sa Diyos. Ang kanyang kamatayan ay isang tagumpay! Tagumpay sapagkat ang kanyang dugo ang pinantubos niya sa ating mga kasalanan. Tao ang nagkasala ngunit Diyos ang nagbayad-puri. May KABUTIHAN pa bang papantay dito?  Manalig din tayo na mananaig din ang kabutihan sa mga kasamaaang dala ng virus na ito.  Pasasaan ba't malalagpasan natin ang mga pasakit na dala nito sa ating buhay.  Hindi katapusan ang Biyernes Santo para sa atin. May naghihintay na LINGGO NG PAGKABUHAY na siyang ating inaasam.  May liwanag na dala ng bukang liwayway pagkatapos ng mahabang kadiliman ng gabi.  Kailanman ay hindi magagapi ng dilim ang liwanag!  Kailanman ay hindi magagapi ng kasamaan ang kabutihan!

At huli sa lahat, "Good" sapagkat tayo ay nais niyang MAGPAKABUTI T at gumawa ng MABUTI sa ating kapwa. Magkakaroon lamang ng saysay ang kanyang kamatayan kung maipakikita natin sa kanya na kaya nating tularan ang kanyang KABUTIHAN. Maging mapagpatawad tayo, maunawain, maalalahanin at mapagkawanggawa sa ating kapwa. Kung paano Siyang nag-alay ng sarili para sa atin dapat tayo rin ay handang mag-alay ng ating sarili sa iba.  Ang krus ng paghihirap ng ating Panginoong Jesus ay nagiging magaang para sa atin kung ito ay binubuhat natin ng may pagmamahal.  Isang bata ang binubuhat sa likod ang kanyang kapatid na may polyo na halos doble ang laki sa kanya ang tinanong kung hindi ba siya nabibigatan sa kanyang ginagawa.  Ang sagot niya ay: "No! He's not heavy... he's my brother!"  Kung ituturing lang nating kapatid ang bawat isa, kung mabubuhay lang sana tayo sa pagmamahal, kung hahayaan lamang natin si Jesus na punuin ng pag-ibig ang ating mga puso ay magiging mabuti tayo at mapapabuti natin ang ating kapwa.

Kaya mga kapatid, ang hamon sa atin ng Panginoon ay ipakita nating tunay ngang "GOOD" ang araw na ito.  Ipahayag natin ang kanyang kabutihan lalo na sa mga kapatid nating nahihirapan sa mga sandaling ito.  Iparamdam natin na sa kabila ng kanilang mahirap na kalagayan ay hindi sila nakakalimutan ng Diyos.  Tayo ang maaring maging tagapag-paalala ng Kanyang pagmamahal. Huwang tayong mangiming tumulong sa ating kapwa lalong-lalo na sa pangangailangang materyal. Tumulong tayo sa abot ng ating makakayanan.  Tunay ngang lubos na mabuti ang araw na ito.  Ang Kanyang kamatayan ang nagpabuti sa ating mundong nababalot ng kasamaan kayat magtiwala tayo sa Kanyang kabutihan.  God is good today and will always be good all the time! 

Miyerkules, Abril 8, 2020

PAGPAPARI-EUKARISTIYA-PAGMAMAHAL: Reflection for Holy Thursday Year A - April 9, 200 - HOLY WEEK

May isang nanay na pilit na ginigising ang kanyang anak: "Hoy damuho ka! Gumising ka na at mahuhuli ka na sa misa!" Pamaktol na sumagot ang anak, "Inay, bigyan mo ako ng dalawang magandang dahilan para bumangon ako." Sumagot naman ang nanay, "Iho, ang una ay kuwarenta anyos ka na at di ka na kailangan pang sabihang bumangon. Pangalawa, ikaw ang paring magmimisa! Damuho ka! Tayo na!!!" 

Tama nga naman si ina sapagkat WALANG MISA KUNG WALANG PARI at WALA RING PARI KUNG WALANG MISA!  Ngayong Huwebes Santo ay may dalawang pagdiriwang: Ang Pagtatatag ng Pagpapari at ang Pagkakatatag ng Sakramento ng Banal na Eukaristiya. Dalawang sakramentong kailanman ay hindi mapaghihiwalay. "Ang Panginoong Hesus, noong gabing siya’y ipagkanulo ay dumampot ng tinapay, nagpasalamat, at pinaghati-hati ito, at sinabi, “Ito ang aking katawan na inihahandog para sa inyo. Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.”  Sa Banal na paghahaing pinangunahan ng ating Panginoong Jesus ay ibinigay niya sa atin ang dalawang malaking tanda ng pag-ibig ng Diyos sa tao.  Ang pagpapari ay ang simbolo ng pagtitiwala sa atin na bagama't hindi tayo karapat-dapat pinili niya tayo at hinirang upang makibahagi sa kanyang misyon ng pagliingkod. Ang Eukaristiya ay ang simbolo naman ng kayang katapatan at pagmamahal na humantong sa pag-aalay ng kanyang buhay para sa ating kaligtasan.

Sa araw na ito, ipakita natin ang ating pagmamahal sa ating mga pari. Ipagdasal natin sila na manatiling tapat at masigasig sa pagsasabuhay ng kanilang bokasyon. Manatili nawa silang maging mabuting kasangkapan upang ang pagmamahal ng Diyos ay maihatid sa mga tao. Sa araw ring ito ay maramdaman nawa natin ang lubos na pagmamahal sa atin ng Diyos sa tuwing ipinagdiriwnag natin ang Santa Misa. Ang kanyang katawan at dugo ay kanyang inialay upang magkamit tayo ng bagong buhay. Kaya nga't bawat paglapit sa komunyon ay dapat magbigay sa atin ng pag-asa na kaya nating tumulad kay Kristo. Magmahal kung pa'no Siya nagmahal. Magpatawad kung paano Siya nagpatawad. Maglingkod kung paano Siya naglingkod. 

Kaya nga ang tawag din dito ay MaundyThursday,  ang salitang "Maundy" ay isang Anglo-French na salita na hango sa salitang Latin na "mandatum" na ang ibig sabihin ay "utos na dapat gawin".   Sa konteksto ng "Huling Hapunan" ay ibinigay ni Jesus ang "bagong utos" sa kanyang mga alagad: "Isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: mag-ibigan kayo!" (Jn. 13:34)  Sa isang taong malapit ng yumao sa mundong ito, mahalaga sa kanya ang pagbibigay ng huling habilin.  Ito ay hindi lamang pangkaraniwang utos na dapat gawin, kundi ito ay naglalaman ng kanyang puso at pagkatao.  Mawala man siya sa mundong ibabaw ay mananatili pa rin siyang buhay sa puso ng mga taong tumugon sa kanyang habilin.

Ang "mandatum" ni Jesus na mag-ibigan kayo ay tatak ng isang Kristiyanong may katapatan kay Kristo.  Kaya nga't ang Banal na Eukaristiya ay Sakramento ng Pag-ibig.  Dito ay ibinabahagi ni Jesus ang Kanyang pagmamahal at dito rin ay ibinabahagi natin sa iba ang pagmamahal na ating tinanggap sa pagiging iisang Katawan ni Kristo.  Isabuhay natin ang Dakilang Pag-ibig na ito!

Pagkatapos ng misang ito ng Huling Hapunan ng Panginoon ay tahimik tayong babalik sa ating mga gawain.  Dati-rati ay maingay ang pagtatapos ng Misa sapagkat ang bawat isa ay kanya-kanya ng punta sa kanilang "Bisita Iglesya".  Masaya ang paligid.  Maraming naglalakad lalo na ang mga kabataan,  Sama-sama natin sinusuyod ang iba't ibang Simbahan.  Ngayon, mananatili muna tayo sa apat na sulok ng ating mga tahanan dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng "Enhanced Quarantine" upang malupig natin ang COVID19.  Tandaan natin na may Simbahan din na maaring bisitahin din kahit sa loob ng ating tahanan.  Para kay San Pablo, ang bawat isa sa atin ay TEMPLO NG DIYOS.  Sa puso natin ay nanahan  ang Panginoong Jesus.  Punuin natin ito ng pagmamahal at paapawin natin sa mga kasama natin sa bahay na kapwa rin mga "Templo ng Panginoon".  Bisitahin natin sila at ibahagi natin ang pagmamahal na nagmumula kay Kristo!

Sabado, Abril 4, 2020

MAHAL AT BANAL NA ARAW: Reflection for Palm Sunday Year A - April 5, 2020 - START OF THE HOLY WEEK

Mga Mahal na Araw na naman! Pagkatapos ng Linggo ng Palaspas ang magiging tawag natin sa mga araw na darating ay Lunes Santo, Martes Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo, Biyernes Santo... Teka lang... e bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Dapat BANAL hindi ba?  Di ba Holy Week ang tawag natin sa ingles?

May kuwento na minsan daw ay may isang magnanakaw na pinasok ang bilihan ng mga alahas ng madaling araw.  Nagawa niyang makapasok ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas ay pinagpalit-palit niya ang mga presyo nito.  Ang mga mamahaling alahas ay naging mura ang halaga at ang mga pekeng alahas naman ang naging mahal ang presyo.  Kinaumagahan ay bumalik ang magnanakaw at binili ang ang mga mamahaling alahas sa murang halaga... ang mahal naging mura... ang mura naging mahal!  

Kung ating titingnan ay ganito rin ang nangyayari sa pagdiriwang natin ng Semana Santa, ang mga Mahal na araw ay nagiging "mumurahin".  Hindi na nabibigyang halaga.  Marahil ay mas mauunawaan natin ito kung titingnan natin kung bakit Mahal na Araw ang tawag natin sa Semana Santa sa halip na Mga Banal na Araw. Bagama't mas tama ang pagsasalin na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal" at sa aking pakiwari ay mas makahulugan pa nga ang ito. Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Ang tunay na alahas ay MAHAL... PRECIOUS! Ang mga branded na t-shirt o sapatos ay gayundin... MAMAHALIN!

Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi... sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo! Ang "Mahal" din ay nangangahulugang "close to our hearts, dear..." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas...

Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Imbis na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine... ang precious... nagiging cheap... ang mahal nagiging... mumurahin!

Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito. Simula ngayon ang mga araw na darating ay ituring sana nating TUNAY na BANAL... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. 

Bagama't kakaiba ang mga Mahal na Araw na darating sapagkat hindi pa rin nga tayo pinapayagang magkaroon ng pagtitipon sa loob at labas ng Simbahan bilang pag-iingat sa paglaganap ng COVID-19, ay hindi naman nangangahulugang hindi na natin maaring gawing BANAL AT MAHAL ang mga darating na araw.  Sa katunayan ay ma magkakaroon pa nga tayo ng mas maraming oras na maaring gugulin sa pagdarasal at pagninilay.  Manatili sa bahay.  Manalangin. Magnilay.  Kung mayroon tayong kakayahang sumunod sa mga pagdiriwang sa pamamagitan ng television, radio o livestream sa mga social media ay gawin natin.  Kung gusto natin ay may paraan.  Kung ayaw natin ay may dahilan.  Maging malikhain tayo sa paggawa ng paraan at paghahanap ng pagkakataong magdasal at magnilay.  Ituring nating MAHAL ang mga darating na araw at siguradong magigigng BANAL ang bawat isa sa atin.