Naalala ko pa noong ako ay Kura Paroko sa Parokya ni San Juan Bosco sa Tondo ay may lumapit sa aking isang miyembro ng samahang Nazareno. Nagtatanong sila kung may pari bang maaring magmisa para sa kanilang samahan. "Para saan ang Misa?" tanong ko sa kanya. "Ah... para po sa Poong Nazareno. Ililipat na po namin si Ingkong." Pabiro ko siyang sinabihan: "Hala, tapos na ang paghihirap ni Jesus. Sa katunayan, sa araw na ito ay ipinagdiriwang natin ang Kanyang muling pagkabuhay... bakit pinahihirapan na naman ninyo siya na magbuhat ng krus?"
Hindi ko alam kung nakuha niya ang nais kong ipahiwatig. Hindi naman sa minamaliit ko ang debosyon sa Poong Nazareno. Sa katunayan ay natutuwa nga akong magmisa dito at hinahangan ko ang simpleng pananampalataya ng mga deboto. Ang nais ko lang ay ang isalugar ang pagpapakita nila ng debosyong ito. Kapistahan noon ng Muling Pagkabuhay at nararapat naman sigurong ang pagnilayan natin at bigyan ng parangal ay ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli! Si Jesus ay hindi nanatiling nagbubuhat ng krus. Hindi rin siya nanatiling nakapako sa krus. At lalong hindi siya nanatili sa loob ng libingan. Si Jesus ay muling nabuhay!
Ito ang pagkakamali ng dalawang alagad na pauwing Emmaus. Ang akala nila ay natapos na ang lahat sa pagkamatay ng kanilang kinikilalang dakilang propeta at panginoon. Kaya nga sila ay malungkot at nalulumbay na naglakbay pabalik sa kanilang kinasanayang buhay. Ngunit si Jesus ay nakisabay sa kanila at ipinaliwanag sa kanila ang katuparan ng Kasulatan na ang Mesiyas ay dapat magbata ng hirap at mamatay bago niya kamtan ang kanyang marangal na katayuan. Hindi nila nakilala si Jesus bagamat nag-aalab ang kanilang damdamin habang ipinapaliwanag sa kanila ang Banal na Kasulatan. Nabuksan lamang ang kanilang pag-iisip ng kunin ni Jesus at paghati-hatiin ang tinapay. Si Jesus nga ang kanilang nakasama sa paglalakbay. Siya ay mulin nabuhay!
Sa ating buhay, tayong lahat din ay naglalakbay. Lalo na sa panahaong ito na nararanasan natin ang bigat mg kahirapang dala ng pandemic virus na COVID-19. Marami sa ating mga kababayan ang nakararanas na ng gutom at ng pangambang baka wala ng kakinin sa susunod na araw. Marami sa atin ang nahinto sa paghahanap-buhay at hindi na sigurado kung may babalikan pa ba sila pagkatapos ng mahabang quarantine na ito. Marami sa atin ang hindi na magawa ang kanilang nakasanayang gawain na pagsisimba sa Linggo at pagtanggap ng Sakramento ng Komunyon. Kaya nga hindi natin maipagkakaila na may mga sandaling tila baga pinanghihinaan tayo ng loob at parang ayaw na nating magpatuloy sapagkat ang pakiramdam natin ay binigo tayo ng Diyos.
Kapag nahaharap tayo sa ating mga "Jerusalem", ang ating mga krisis sa buhay tulad ng mga pagsubok at mga mabibigat na suliranin, ay napakadali nating pagdudahan ang Kanyang pananatili at tinatahak agad natin ang ating mga "Emaus", lugar ng kawalan ng pag-asa. Isa lang ang nais ipahiwatig sa atin ni Jesus... hindi Niya tayo binigo! Siya ay nanatili pa rin kapiling natin! Patuloy pa rin ang kanyang pagpaparamdam at pagpapakita ng pagmamahal. Sa tuwing pinakikinggan natin ang Salita ng Diyos at nagsasalo sa paghahati ng tinapay sa Banal na Misa ay naroon Siya sa ating piling. Binibigyan Niya tayo ng lakas at pag-asa! Matiyaga Siyang umuunawa sa ating kahinaan. Isang magandang paalala sa ating lahat na may Diyos na matiyagang nakikilakbay sa atin.
Kaya huwag tayong mangamba kung tila baga naghihirap tayo sa ating paglalakbay. Huwag tayong matakot sa mga sandaling ito ng pagsubok na ating kinahaharap. Nakikilakbay ang Diyos kasama natin. Hindi Niya tayo iniiwan at pinababayaan. Pasasaan ba't malalgpasan natin ito sa pamamagitan ng pagtitityaga at lakas ng loob dala ng ating malalim na pananampalataya sa Kanya. Huwag natin kalimutang si Jesus ay "Emmanuel", ang Diyos na kasama natin at sumasaatin!
Huwag din tayong panghinaan ng loob kung may masasama tayong pag-uugali na hindi natin matanggal. Kung may Diyos na nagtitiyaga sa ating kahinaan ay dapat pagtiyagaan din natn ang ating sariling pagsisikap na magpakabuti. Kung may Diyos na umuunawa sa kakulangan nating mga tao ay dapat handa rin nating unawain ang kakulangan ng ating kapwa. Kung may Diyos na nagpapanatili sa pag-iral ng mundo sa kabila ng masamang pamamahala ng tao ay dapat din sigurong tanggapin, harapin at itama ang maling pamamalakad nito. Magtiyaga tayo sapagkat may Diyos na nagtitiyaga sa atin.
Hingin natin sa Panginoon ang biyayang makita natin Siya at madama ang Kanyang pag-ibig. Lisanin natin ang ating "Emaus" at harapin natin ang ating "Jerusalem" upang makasama tayo sa kaluwalhatian ng Kanyang muling pagkabuhay!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento