Ang ika-4 na Linggo ng Muling Pagkabuhay ay tinatawag na Linggo ng Mabuting Pastol o Good Shepherd Sunday. Araw din ito ng pagdiriwang ng 57th World Day of Prayer for Vocations na kung saan ay ipinagdarasal natin ang ating bokasyon o pagtawag ng Diyos at ang pagtawag ng mga nagnanais na sumunod sa yapak ng ating Panginoong Hesus sa pamamagitan ng pagiging pagpapari o ng pagiging isang relihiyoso o relihiyosa.
Sa ating Ebanghelyo ay makikita natin kung papaano siya nakikilala ng kanyang mga tupa at paano niya pinagmamalasikatan ang mga ito. Handa siyang magsakripisyo sa kanyang tupa at maging "pintuan" sa pamamagitan ng paglagi sa bukana ng kulungan upang mapangalagaan sila mula sa mga magnanakaw at tulisan. Ganoon na lamang ang kanyang malasakit para sa kanyang kawan! Ngunit upang maipagpatuloy niya ang pagpapastol sa kanyang kawan ay nagtalaga siya ng mga alagad, ang mga apostol upang pamunuan ang kanyang itinatag na Simbahan. At gayundin naman, itong mga apostol ay nagtalaga ng kanilang mga kahalili - ang mga obispo at ang mga obipo naman ay nagtalaga ng kanyang makakatulong sa misyong ibinigay ng Simbahan, ang mga nakatalaga sa gawing paglilingkod tulag ng mga pari at mga relihiyoso.
Ngunit marami sa atin ang nahihiwagahan pa rin sa kanilang patawag. Hindi nila maintindihan kung bakit nila kinakailangan iwanan ang gawi ng mundo sa pagsunod kay Kristo. Sino nga ba itong mga "Misteryosong mga alagad na ito" sa ating piling? Pakinggan ninyo ang kuwentong ito.
May isang pari na naisipang magpunta sa Boracay para naman makapagrelax sa dami ng kanyang trabaho sa parokya. Para hindi siya makilala ay naisipan niyang magdisguise. Nagsuot siya ng summer outfit para hindi siya makilalang pari. Laking pagkagulat niya ng may bumati sa kanya habang siya ay naglalakad sa malapulburong buhangin ng Boracay. "Good morning Father!" Bati ng dalawang balangkinitang babae na nakangiti. Bigla syang napayuko at nagtaka kung papaano siya nakilala. Kinabukasn, nagsuot na siya ng shades at malapad na sumbrero. Habang naglalakad siya sa beach ay nasalubong na naman niya ang dalawang babae na ngayon ay naka-two piece bathing suit at pangiti uli siyang binati. "Good morning Father!" Namula na naman ang pari at sapagkat labis na ang pagtataka kung paano siya nakilala ng dalawa kaya't nilapitan n'ya ito at tinanong: "Mga miss, paano ninyo ako nakilalang pari sa suot kong ito?" Sagot ng isa: "Hihihi... ikaw naman Fadz parang di tayo magkakilala. Ako si Sister Maricor at ito naman si Sister Cely, nagmimisa ka kaya sa aming kumbento!" Ngek! hehehe...
Ang mga pari, isama na rin natin ang mga lay brothers at madre, ay tao rin naman. Kaya't wag kayong magtataka kung makakakita kayo ng paring nanonood ng sine, kumakain sa restaurant, namamasyal sa malls at nagsiswimming sa Boracay... kinakareer ang Facebook, naglalaro ng ML o pinapatulan ang OMG, at bakit hindi... nagTITIKTOK! Mga tao din naman sila! May karapatan din namang mag-enjoy at magrelax sa buhay! Kaya nga siguro dahil sa kanilang pagiging tunay na tao ay lagi tayong pinapaalalahanang ipagdasal natin sila. Ang ika-apat na Linggo ng Mulling Pagkabuhay ay laging inilalaan upang ipanalangin ang ating mga kaparian at ang mga may bokasyon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa.
Aminin natin na unti-unti ay nagiging extinct na ang kanilang lahi. Kakaunti na lamang ang sumusunod sa yapak ni Jesus. Kakaunti na lamang ang handang maglaan ng buhay para sa paglilingkod sa Sambayanan ng Diyos. Si Jesus ang Mabuting Pastol ngunit ang pag-aalaga kanyang kawan ay iniwan niya sa kanyang mga alagad at sa kanilang mga kahalili. Dahil dito ito ay isang pagtawag na nangangailangan ng katapatan at sakripisyo. Ipagdasal natin silang mga sumunod sa pagtawag ni Kristo sa halip na siraan natin at gawing paksa ng tsismisan ang kanilang buhay. Suportahan natin sila kahit na simpleng pagpapakita ng pasasalamat sa pamamagitan ng pagbati kapag nasasalubong natin sila. Higit sa lahat, huwag sana tayong maging hadlang kapag may mga anak tayo na nais magpari o magmadre. Hindi tayo ninanakawan ng Diyos ng Anak bagkus mas pinagpapala pa nga ang pamilya kapag nabiyayaan ito ng bokasyon ng pagpapari o pagiging relihiyoso / relihiyosa. Sabi ni San Juan Bosco: "The greatest gift that God can give to a family is a son-priest!"
Naalala ko noong ako ay nasa second year high school at nadama ang pagtawag sa pagpapari ang unang sumagi sa isip ko ay paano na ang pamilya ko? Paano na ang "career" na pinpangarap ko? Very promising pa naman ang pag-aaral ko mula elementary hanggang pumasok ako ng highschool. Paano na ang mga friendships ko? Paano na ang crush ko? "Haaay ang daming dapat isangtabi! Ang daming dapat i-let go!" Pero naisip ko na bigay ito lahat ng Diyos sa akin at hindi naman Niya kukuning muli ang Kanyang ibinigay. At wala akong dahilang maging maramot sapagkat lahat ay biyaya na bigay Niya sa akin. Kaya nasabi ko "Let go... let God!" Bahala na S'ya kung ano ang nais Niyang gawin sa akin. At ang sumunod nito ay naging bahagi na ng isang kasaysayan na Siya ang nagsulat!
Kayat sa Linggong ito ng "Mabuting Pastol" ay alalahanin natin ang matinding pangangailangan ng mundo ng mga kabataang nais ilaan ang sarili sa paglilingkod bilang mga alagad ng Panginoon sa pagpapari at pagiging relihiyoso o relihiyosa. Isama na rin natin ang ating mga Obispo, pari at madreng matagal nang naglilingkod sa Panginoon na biyayaan pa sila ng katatagan at kasiyahan sa pag-aalay ng kanilang buhay para sa iba. Ngayong nasasadlak tayo sa krisis na dala ng COVID-19, makikita natin silang naglilingkod sa mga on-line masses o religious services. May mga direktang naglilingkod sa mga frontliners at mga taong naaapektuhan ng virus na ito sa pamamagitan ng simpleng paghahatid ng pagkain o pag-organize ng mga charitable works para sa kanila. Kitang-kita natin sa mga panahong ito ang malasakit ng isang "Mabuting Pastol" na handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kanyang mga tupa.
Ngunit tandaan natin na sila ay mga tao rin naman. Sila ay napapagod din at pinanghihinaan ng loob. Sila ay mga tao rin na nagkakamali, nalulungkot, pinanghihinaan ng loob. Ipagdasal natin sila. Tandaan natin na sila'y hinirang ng Diyos. Hinarang silang maging "Mabutbuing Pastol" ayon sa puso ng Mabuting Pastol na ating Panginoong Hesus.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento