Sabado, Mayo 9, 2020

ANG SIGURADONG DAAN: Reflection for 5th Sunday of Easter Year A - May 10, 2020 - EASTER SEASON - MOTHERS' DAY - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE

Isang kuwento para sa Mother’s Day: May isang nanay na lubos ang pagmamahal sa kanyang anak na dalaga. Isang gabi, nakita ng nanay ang kanyang anak na subsob ang ulo sa pag-aaral. Halos alas dos na ng madaling araw ay bukas pa rin ang ilaw ng kwarto ng anak sapagkat aninag ito sa ilalim ng pintuan. Kaya’t nagdesisyon siyang kumatok at pangaralan ang anak: “Anak, matulog ka na. Madaling araw na.” Tiningnan siya ng masama ng anak at sinabi: “Nanay, sino ang nag-aaral, ikaw o ako?” “Ikaw...” tulalang sagot ng magulang. “Ako naman pala e! Matulog na kayo!” Paaburidong sagot ng anak. Napahiya ang nanay na bumalik sa kanyang silid. Iyon ang UNANG GABI... Kinabukasan, ginabi ng uwi ang anak. Nagparty sila ng kanyang barkada pagkatapos ng exam. Labis na namang nag-alala ang nanay. Hindi natulog. Hinintay ang anak. Naglabas ng maraming plantsahin at hinarang sa may pintuan ng bahay. Alas dos ng umaga, dumating ang anak. Nagulat siya ng makita ang nanay na nagplaplantsa pa ng damit sa ganung oras. Tinanong ito: “Nanay, ba’t di ka pa natutulog? Umaga na.” Nakasimangot na sagot ng nanay: “Bakit? Sino ba ang namamalantsa ikaw o ako?” “Kayo po” sagot ng anak. “Ganun naman pala eh! Matulog ka na!” Sagot ng nanay na may pagmamalaking nakaganti rin siya. ‘Yon ang IKALAWANG GABI... Kinabukasan, nang ika-apat na gabi... uuups! Alam kong iniisip ninyo? IKATLO PA LANG! Pero sino ba ang nagkukuwento? Ikaw o ako? Kaya making ka na lang! Hehe... 

Ang mga natatanging ina nga naman... hindi mawawala sa kanila ang “ malapit na pagkakaugnay” sa kanilang mga anak. Nariyan na ang pag-aalala, pagkatakot, pagkainis, pagkagalit kapag nawalay sa kanila ng matagal ang kanilang mga anak. Siguro sapagkat noong bago pa tayo ipanganak ay iisang “umbilical cord” ang nag-uugnay sa atin sa kanila. Kaya nga mayroon din tayong tinatawag na “maternal instinct” na kung saan ay may kakaibang pakiramdam ang nanay kapag nalalagay sa kapahamakan ang kanyang anak.   

Tulad din ito ng "malapit na pagkakaugnay" ni Jesus sa kanyang Ama.  Kaya nga sa ating ebanghelyo ay narinig nating sinabi ni Jesus: "Believe in me that I am in the Father and the Father is in me..."  Kaya nga ayaw ni Jesus na tayo ay mabalisa sa ating buhay bagkus ay magtiwala tayo sa kanya.  "Do not let your hearts be troubled.  You have faith in God; have faith also in me."  Marami sa atin ang nababalisa sa buhay sapagkat ang daan na ating tinatahak sa paghahanap ng kaligayahan at kasigurahan sa buhay ay mali.  

Taliwas sa itinuturo ng mundo na ang daan sa kaligayahan ay nasa kayamanan, salapi, katanyagan, kasarapan sa buhay. Si Hesus bilang "daan" ay nagpakita sa atin na ang tunay na kaligayahan ay nasa pagtitiis ng hirap, pagpapakumbaba, pagsasakripisyo.  Ang tanging hinihingi Niya sa atin ay malakas na pananampalataya.  Sinasabihan Niya tayong "manalig" sapagkat ang daan patungo sa kapahamakan ay napakalawak. Walang hirap. Pa-easy-easy! Papetiks-petiks! Samantalang ang daan patungo sa langit ay mahirap!  Puno ng pagtitiis!  May kasamang pag-uusig at pagkamatay sa sarili!  Madaling magsinungaling mas mahirap magsabi ng totoo.  Madaling magnakaw, mas mahirap magtrabaho. Madaling mag-cheat sa exam mas mahirap mag-aral. Madaling magcomputer games mas mahirap gumawa ng homework sa school. 

Ngayong nasasadlak tayo sa matinding krisis dala ng virus na COVID 19 ay napakadali ang umasa sa tulong ng iba.  Magandang makita na maraming mabubuting kamay ang nagpapaabot ng tulong upang matugunan ang pangangailangan ng mga naghihirap nating mga kapatid.  Ngunit dapat nating isaalang alang na dapat nating maramdaman ang mga sakripisyong ginagawa ng iba para sa atin.  Kaya nga ang mga paghihirap na dala ng mga pagbabawal upang mabawasan ang pagkalat ng virus ay dapat muna sigurong tiisin at pagtiyagaan ng marami sa atin.  Mahirap ang daan.  Kailangan ng disiplina sa sarili.  Kailangan ng sakrispisyo ng bawat isa.  Ngunit ang pagsunod dito ay magdadala sa atin sa siguradong kaligtasan!

Hindi madali ang daang ipinatatahak sa atin. Mahirap man ay hindi naman tayo magkakamali kung si Hesus ang daan na ating tatahakin sapagkat Siya lang naman talaga ang ating "SIGURADONG DAAN" tungo sa ating kaligtasan!  Sa kanya lamang nagmumula ang GANAP NA KATOTOHANAN na ating minimithi. At higit sa lahat siya lang ang makapagbibigay ng BUHAY NA WALANG HANGGAN sa mga nagnanais magkamit nito!



Walang komento: