Sabado, Mayo 23, 2020

MAKABAGONG KOMUNIKASYON: Reflection for the Solemnity of the Ascencion Year A - May 23, 2020 - EASTER SEASON - YEAR OF ECUMENISM AND INTER-FAITH DIALOGUE - WORLD COMMUNICATION SUNDAY

Ngayong panahon ng pandemic na dala ng COVID-19 virus ay nabigyan ng pagkakataon ang Simbahan upang ipakita sa mundo na maaari palang gamitin ang makabagong teknolohiya tulad ng internet upang patuloy na maipahayag ang Mabuting Balita ng Panginoong Jesukristo.  Karaniwan na ngayon ang mga live streaming Mass na kung saan ay maaring makabahagi sa pagdiriwang ng Santa Misa ang isang pamilya kahit na sila ay nakalockdown o forced quarantine sa kanilang tahananan.  May mga on-line retreats, religious formations, at iba pang pagtitipon na maaaring samahan ng isang mananampalataya kung nais niyang palalimin ang kanyang buhay kristiyano.  Ano nga ba ang nagagawa ng mga makabagong komunikasyon sa atin? Hanggang saan nga ba ang kayang maabot nito?  May kuwento tungkol sa mag-amang katutubo na nakatira sa gitna ng kagubatan: 

Katutubo 1: Mag-ingat ka s 'yong babaybayin na daan dahil ito'y mapanganib. Kunin mo itong gamot para sa kagat ng ahas baka sakaling ika'y makagat. Kunin mo itong isang bote ng hamog dahil ito'y nakakatanggal ng uhaw at gutom. Dalhin mo ang balaraw na ito ng ating mga ninuno upang maprotektahan ka laban sa mga mababangis na hayop. Natatandaan mo pa ba ang mga sinabi ko?  

Katutubo 2: Opo ama... basta, pm mo na lang ako if ever! 

Katutubo 1: Ok basta video call me pag feel mo na lost ka. huh?" 

Iba na nga talaga ang nagagawa ng makabagong teknolohiya lalo na sa aspeto ng komunikasyon. Kahit, mga tao sa liblib na lugar ay nabibiyayaan na nito. Karaniwan nang makakita ka ng "cell phones" at "computers" kahit sa mga bundok at malalayong isla. Tunay na pinaliliit ng makabagong komunikasyon ang ating mundong ginagalawan.  Ang Kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ang siya ring pinili ng Simbahan upang ipagdiwang ang "Linggo ng Komunikasyong Pandaigdig".

Naaakma sapagkat nang si Jesus ay umakyat sa langit, ay iniwang niya sa mga alagad ang utos na: "Humayo kayo at gawin ninyong alagad ko ang lahat ng bansa."  Isinagawa ito noong una sa pamamagitan ng pagpapasa-pasa ng aral ni Hesus (tinatawag din nating tradisyon) sa pamamagitan ng pangangaral at pagsusulat.  Sa kasalukuyan ay ipinagpapatuloy pa rin ang mga ito sa mga makabagong pamamaraan ng pakikipagtalastasan: internet, video broadcast, live streaming,  tv and radio; cable, tele-conferencing, etc...

Bagama't makabago, mawawalan ng saysay ang mga ito kung hindi kapani-paniwala ang mga nagpapahayag. Kaya nga't kasama ng utos ni Jesus ay ang pagiging kanyang mga buhay na saksi!  Ang pinaka-epektibo pa ring pamamaraan ng komunikasyon ay ang "pagiging mga totoong saksi ni Kristo!"  Sabi sa turo ng Simbahan: "Ang mga tao ngayon ay higit na naniniwala sa mga saksi kaysa mga guro. At kung sakali mang maniwala sila sa mga guro ay sapagkat sila ay mga saksi!"  Ang pagiging saksi ay naipapakita sa ating pananalita at pagkilos. Pagpili sa tama at pagtalikod sa masasamang gawain, pagsasabi ng totoo at pag-iwas sa kasinungalingan, pagbibigay ng mabuting halimbawa sa iba sa halip na manirang puri...

Marami tayong maaring gawin upang maipahayag ng makatotohanan ang utos ni Jesus. Gamitin natin ng tama ang mga makabagong paraaan ng komunikasyon upang ikalat ang Mabuting Balita ni Hesus!  Kahit simpleng text o maikling message posting sa fb, tweeter, instagram, o anumang uri ng social media, ay makakatulong upang maipalaganap ang Kaharian ng Diyos.  Tandaan natin na tayo ngayon ang mga buhay na saksi ni Kristo!  Sa panahong ito ng pandemic ay mas maging aktibo pa tayo at buhay na buhay sa social media.  Iparamdam natin ang pagmamahal ni Kristo lalong-lalo na sa mga kapatid nating nawawalan na ng pag-asa at umaandap-andap na ang ilaw ng pananampalataya.  Ipahayag natin, lalong-lalo na sa pamamagitan ng ating pagsaksi sa araw-araw nating pamumuhay, ang katotohanang dala ng kanyang Muling Pagkabuhay.  Mabuhay tayong marangal at banal bilang kanyang mga sinugo bago siya umakyat sa kalangitan.  Higit sa lahat ay isapuso natin ang katuparan ng kanyang pangako na kasama niya tayo hanggang sa wakas ng panahon!  

Walang komento: