Ngayon ay ang dakilang kapistahan ng Banal na Espiritu. Paano nga ba natin mailalarawan ang ikatlong Persona ng Banal na Santatlo? Madaling bigyan ng paglalarawan ang Diyos Ama at ang Diyos Anak, ngunit hindi ata ganito kadali kapag ang pinag-uusapan na natin ay ang Banal na Espiritu. Di tulad ni Jesus na Anak ng Diyos na nagkatawang tao o kaya naman ay ang Diyos Ama na Manlilikha, ang ating pagkilala sa Banal na Espiritu ay walang kapayakan at kasiguruhan sapagkat ang mayroon lamang tayo ay ang mga simbolong matatagpuan natin sa Banal na Kasulatan. Nariyan na ang simbolo ng hangin tulad ng ating narinig sa unang pagbasa, ang dilang apoy na nanahan sa ulo ng mga apostol noong araw ng Pentekostes, ang tila kalapati o ibon na lumabas mula sa langit ng mabinyagan si Jesus sa ilog ng Jordan. Ang hangin o hininga ay simbolo ng buhay. Ang apoy ay simbolo naman ng init at ningas ng pagmamahal. Ano naman ang sinisimbolo ng ibon o kalapati?
Isang paring misyonero na galing Ireland na nakapag-aral ng kaunting tagalog ang naupo sa kumpisalan. Sapagkat kapos ang kanyang bokabularyong nalalaman sa Tagalog ay nagdala siya ng maliit na Tagalog-English Dictionary saka-sakali mang meron siyang salitang hundi maintindihan. Maayos namang naidaos ang unang oras ng kumpisal. Naintindihan niya ang mga kasalanan at nakapagbigay pa siya ng payo. Bigla na lamang may nagkumpisal ng ganito: "Father, patawarin po ninyo ako; ako'y nagkasala. Nagnakaw po ako... yung biyenan ko minura ko... At Father, mayroon po akong ipagtatapat: mayroon po akong "kulasisi" (kabit o babaeng kinakasma ha hindi asawa}. Biglang napaisip ang pari, "What is "kulasisi?" Binuksan niya ang kanyang pocket dictionary at tiningnan: "Kulasisi: noun, a little bird, good for pet." Sabi ng pari: "Magaling, magaling... ilan ang kulasisi mo?" Sagot naman ng nagulat na lalaki: "E...e dalawa po padre!" "Kung ganon, ibigay mo sa akin ang isa ha? Ako na ang mag-aalaga!
Ang ibon na kulasising binabanggit sa kuwento ay simbolo ng paghihiwalay o pagwasak ng kapayapaan sa pagsasama. Ibang-iba ang simbolo ng "Banal na Ibon" sa Banal na Kasulatan, Ang ibon o kalapati ay sumasagisag sa pagkakaisa sapagkat ito ang tagapaghatid ng pag-asa at kapayapaan. Kaya nga ang simbolo ay dapat nagpapakita ng katotohanang ipinapahayag nito sapagkat kung hindi ay magmimistulang "peke" o katawa-tawa ang ipapahayag nito. Halimbawa ay ang mga fake news na naglipana sa social media. Mayroong isang dating blog posting na humihingi ng panalangin sa para sa ating mga sundalong lumalaban sa Marawi, ngunit ang larawan namang kasama nito ay mga sundalo ng "Honduras". Hindi ba katawa-tawa ito? Lalo na't ang paliwanag ay isa raw itong "symbolism." Hindi maaring maging symbolism ang ganung maling paglalarawan sapagkat mali ang katotohanang ipinapakita nito.
Isang napapanahong simbolismo ng Banal na Espiritu ay ang kalapati na simbolo rin ng pag-asa. Sa mga kaganapang nangyayari ngayon sa ating bansa ay marahil ito ang pinakamimithi nating inaasam, ang mapanumbalik ang kaayusan at buhayin muli ang pag-asa sa puso ng bawat mamamayan. Ang takot na dala ng pandemiang COVID-19 ay patuloy na nagbibigay ng agam-agam sa atin kung talaga bang ligtas ng lumabas ng ating mga tahanan. Hindi sapagkat ibinababa na sa GCQ ang maraming lugar sa ating bansa ay makakapante na ang kalooban. Tandaan natin na nandyan pa rin ang pademia sa ating paligid kaya't kinakailangan pa rin ang ibayong pag-iingat, Kaya nga't ang biyaya ng Banal na Espiritu ay kinakailangan ng bawat isa sa atin upang mapayapa natin ang ating mga puso, bigyan tayo ng karunungan upang makapagdesisyon ng mabuti at punuin ito ng pag-asa na pasasaan ba ay malalagpasan din natin ang pandemyang ito.
Ang kapayapaang kaloob ng Banal na Espritu at katulad ndin ng kapayapaang ay tulad din ng kapayapaan ibinigay ng Panginoong Jesus sa mga alagad na humilom sa kanilang pusong puno ng takot at pangamba. "Sumainyo ang kapayapaan!" ang bati ni Jesus sa mga alagad noong siya ay magpakita sa kanila. Pagkatapos ay hiningahan sila at sinabing "tanggapin ninyo ang Espiritu Santo!" Ang Espiriung bigay sa atin ni Jesus ay nagdadala ng kapayapaan sa ating puso. Ito rin ang nagbibigay daan sa pagkakaisa katulad ng nangyari sa unang pagbasa na pinag-isa ng Espiritu Santo ang pagkakaintindi ng mga tao sa pangangaral ni Pedro bagamat sila ay nagmula sa iba't ibang lupain.
Ito rin ang Espritung nag-uugnay sa atin bilang isang katawan ni Kristo bagama't iba't iba ang kanyang mga biyayang kaloob sa atin. Wag tayong matakot tumawag sa Banal na Espritu upang pagbuklurin niya ang ating pagkakanya-kanya na naghihiwalay sa atin sa isa't isa. Hingin natin ang biyayang maging instrumento ng kanyang kapayapaan at pagmamahal upang humilom sa ating sarili, sa ating pamilya, sa ating komunidad na kinabibilangan at sa ating bayang sinisira ng pagkamakasarili, galit at pagkamuhi sa kapwa. Hayaan nating ang simbolong dala ng Banal na Espiritu na kapayapaan, pagkakaisa at pag-asa ay talagang mabigyang buhay at maibahagi natin sa iba.
"Halina Banal na Espritu, hilumin mo ang aming mga puso at bigyan ng katatagan upang umasa at magtiwala sa iyong walang hanggang pagmamahal!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento