May kinagawian ka bang ritwal pagkagising mo sa umaga? Ano ang una mong ginagawa pagdilat ng iyong mga mata? Bukod sa pagsisipilyo ng ngipin, o paghihilamos ng malamig na tubig sa iyong mukha, o kaya naman ay pag-upo sa... alam n'yo na siguro kung saan... sa kama! hehehe... Bakit? Saan ba ang iniisip ninyo? hehehe... Ano ang una mong ginagawa pagbalikwas sa iyong kama? Noong kami ay nasa seminaryo pa, kapag tumunog na ang "bell" na hudyat ng aming paggising, ang aming brother assistant ay nakatayo na sa gitna ng dormitoryo at papalakpak siya ng malakas sabay sigaw ng: "Let us bless the Lord!" at sasagot naman kami ng "Thanks be to God!" Sabay takbo sa shower room para maghilamos o maligo. Tumatak sa isip ko ang ritwal na ito at masasabi kong nadala ko hanggang ngayon. Hindi na marahil pasigaw pero kahit pabulong ay sinasabi kong: "Salamat sa Diyos!" "Deo gracias!" "Thanks be to God!"
Dapat lang siguro tayong magpasalamat sa Diyos sa pagkakaloob uli sa atin ng pagkakataong mabuhay. Kanina pagkagising natin ay sigurado akong may ilan sa ating hindi na nakadilat at tumigil na sa paghinga. Pero ikaw.... ako... buhay pa tayo! Kaya kanina pagkadilat ng aking mata ay agad sinabi kong: "Thank you Lord! Salamat sa pagbibigay sa akin ng limampu't tatlong taon na buhay!" Ngunit kasabay nito ay naisip ko rin na isang taon na naman ang nalagas sa akin at naglalapit na naman sa aking kamatayan! Ito naman talaga ang katotohanan na mahirap tanggapin: na ang bawat pagdiriwang ng ating BIRTHDAY ay naglalapit sa ating DEATH DAY. Sa bawat kaarawan ay paglapit natin sa ating kamatayan!
Dapat nating tanggapin na lahat tayo ay mamamatay! Naalala ko noong ako ay bata pa at nakikinig sa homiliya ng isang pari. Tinanong niya kami kung paano ba kami makapupunta sa langit. Siyempre, ang sagot namin ay maging mabait at gumawa ng kabutihan sa iba, magsimba at sumunod sa mga utos ng Diyos. Ngunit sinigawan kami ng matandang pari at sinabing "Mali!!! Dapat muna kayong mamatay!" Oo nga naman, paano ka makapupunta sa langit kung hindi ka mamamatay? Ang pagpunta sa langit ay nangangahulugan ng paglipat sa kabilang buhay. Ngunit hindi natural sa atin na pag-isipan ang "buhay sa kabila." Ayaw nating mamatay... nakakatakot! Ngunit kung pag-iisipan lamang natin ang ating katapusan ay marahil, marami tayong maitatama na pagkakamali sa ating buhay. "Begin with the end in mind!" Ang sabi ni Stephen Covey sa librong 7 Habit of Highly Effective People. At ano ba ang katapusan natin? Hindi kamatayan! Sabi ng turo ng lumang katesismo: "Tayo ay nilikha ng Diyos upang makapiling niyang masaya sa kalangitan!" Ang ating katapusan ay ang manatili sa piling ng Diyos magpakailanman!
Sa ating Ebanghelyong binasa ngayon ay walong ulit binanggit ang salitang "REMAIN". Sabi ng aming propesor sa Banal na Kasulatan ay kapag nabanggit ng paulit-ulit ang isang salita ay nangangahulugang mahalaga ito. Ang pananatili kay Kristo ay ang dapat na buhay ng isang Kristiyano. Inako ni Jesus ang pagiging puno ng ubas upang ipakita ang kahalagahan ng ating pananatili sa Kanya. "Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga. Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana..." Tayong mga "sanga" ay naiugnay kay Jesus sa pamamagitan ng ating Binyag na kung saan tayo ay naging kabahagi ng Katawan ni Kristo. Tayo ay nananatili sa Kanya sa pamamagaitan ng ating buhay panalangin at pagtanggap ng mga Sakramento. At namumunga ang ating buhay Kristiyano sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa na naipapakita sa gawa!
Kung minsan ay nangangailangan ito ng pagpuputol ng ilang sanga o "trimming" upang lalo pang dumami ang bunga. Sa ating buhay, ito ang maramng pagsubok na ipinadadala ng Diyos sa atin na kapag ating napagtagumpayan ay nagbibigay sa atin ng biyaya at maraming pagpapala. Isang halimbawa na rito ang nararanasan nating paghihirap ngayon na dala ng virus na COVID 19. Marahil marami sa atin ang nasasagad na ang pasensiya, nauubos na ang lakas ng katawan at pag-iisip, naglalaho na ang pag-asa! Ngunit ang lahat ng ito ay "paglilinis" o "pagpuputol" sa mga mga sanga na dapat pagdaanan upang mas maalalim pa natin ang ating pananatili sa Panginoon. Tunay nga ang salitang binitawan Niya: "Ang nananatili sa akin, at ako sa kanya, ang siyang namumunga nang sagana; sapagkat wala kayong magagawa kung kayo ay hiwalay sa akin."
Sa pagdiriwang ng aking kaarawan ay isa lang ang wish ko.... na sana ay manatili tayong lahat sa pag-ibig ng Panginoon. Bigyan pa niya ng mas mahabang pasensiya at habaan pa ang pisi ng ating pagtitimpi sa mga panahong ito ng pagsubok. Na sana ay makita pa rin natin ang kamay ng pagpapala ng Panginoon na umaagapay sa atin at ang kanyang pusong nagmamahal na umaakap sa atin. Ipagdiwang natin ang kanyang buhay na kaloob hindi lamang tuwing kaarawan natin. Ito ay regalo na bigay niya sa atin at ibinabalik lang natin sa pamamagitan ng pamumuhay na mabuti. Our life is a gift from God and how we live our life is our gift to God!" Manatili tayo sa kanya at mamunga!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento