Sa unang
pagbasa, ang mga Israelita ay nagreklamo kay Moises dala ng gutom na kanilang tinitiis
sa gitna ng ilang matapos na sila ay umalis sa Egipto. Sinabi nila kay Moises:
“Mabuti pa sana’y pinatay na kami ng
Panginoon sa Egipto. Doon, nakakakain kami ng karne at tinapay hanggang
gusto namin.”
Tinugon sila
ng Diyos. Sa tuwing umaga, ang lupa ay nababalot ng animo’y pinipig at yon ang
kanilang naging tinapay. Tuwing hapon dumagsa naman sa kampo ang mga pugo. Doon
galing ang karne. Mula noon ay hindi na
sila nagutom at ang sabi ni Moises: “Iyan ang tinapay na bigay sa inyo ng
Panginoon.”
Marami rin
ang nagugutom ngayon dala ng pandemic. Sa kanilang puso ay naroon din ang
pagtatanong, “Panginoon, bakit nangyayari ito? Kailan pa ito matatapos?”
“Kailan darating ang tulong, ang ayuda? Meron kayang mga taong tutulong?
Mamamatay kami sa gutom!”
Sa mga
Israelita ang Diyos ay nagpadala ng makakain. Wala kasing ibang taong maaasahan
dahil sila ay nasa gitna ng ilang. Sa ating panahon ngayon ang pagkain ay
darating sa ibang paraan. Sa mga nagugutom
may mga taong nakapalibot na pwedeng mag-abot ng pagkain. Kaya tayo ay natutuwa
at may mga taong nagbabahagi ng kanilang makakayanan upang may makain ang
kapwa. May mga community pantries na sinimulan ng mga may pusong mapagkalinga. Mayroon din namang tumutulong sa mga
kapit-bahay, kasama sa trabaho at kaibigan.
Kung paanong
sinabi ni Moises sa mga Israelita: “Yan ang tinapay na bigay sa inyo ng
Diyos.” Maaaring sabihin din ito ng mga
taong tumutulong at nag-aabot. Galing sa Diyos at pinadadaloy lamang sa kamay ng nagkakaloob.
Sa panahon
ngayon ng kahirapan, malakas ang tukso na pairalin ang pagka-makasarili. Eh
paano naman ang mga nahihirapan at nagugutom? Hindi ba’t sila rin ay mga anak
ng Diyos at may karapatan sa isang buhay na ligtas sa kagutuman at matinding
pangangailangan? Sa mga mayroon, mananatili ba tayong manhid at ipagdaramot ang
mga biyaya na galing din naman sa Diyos? Hindi ba ang mga ito ay ipinagkaloob
hindi para sa sarili lamang kundi upang ipadaloy din sa kapwa? Mananatili ba
tayong walang paki-alam?
Ang ikalawang
pagbasa ay may paanyaya sa atin tungkol dito. Sinabi ni San Pablo sa mga taga
Efeso: “Magbago na kayo ng diwa at isip, at ang dapat makita sa inyo ay bagong
pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, kalarawan ng kanyang katuwiran at
kabanalan.”
Ang patunay
ng pagiging isang mabuting Kristiyano ay hindi sa haba ng pagdarasal, sa dami
ng nalalaman, sa posisyon sa Simbahan. Ito ay nakikita sa gawa: nagbabahagi tulad ng Diyos na mapagbigay;
tumutulong tulad ng Diyos na nagmamalasakit. Ang bawa’t isa ay inaanyayahan na maging
larawan ng Diyos sa kapwa na nangangailangan. Mapalad ang sinumang nagpapakita
ng mukha ng Diyos sa kanilang
pagmamalasakit.
Paano nga ba
kumilos tulad ng pagkilos ng Diyos? Kaya
ba natin? Kung aasa lamang sa sarili ay talagang hindi. Kailangan natin ang
lakas na galing sa Diyos. Kailangan natin ang pagkain ng kaluluwa: ang tinapay
ng buhay na kaloob ni Jesus. Narinig natin sa ebanghelyo na sinabi ni Jesus: “Ako
ang pagkaing nagbibigay-buhay. Ang lumalapit sa akin ay hindi magugutom at ang
nananalig sa akin ay hindi na mauuhaw kailanman.” Ang pagkaing ito ang siya
nating tinatanggap sa banal na komunyon sa misa. Sinasabi ng pari: “Ang katawan
ni Cristo.” Sumasagot tayo: “Amen.”
Si Cristo na
sumasaatin ang nagpapabago ng ating pagkatao. Binibigyan tayo ng lakas na tumulad
sa kanya sa pag-aalay ng sarili para sa kapwa lalo na sa mga dukha ngayong
panahon ng pandemic. Naitanong na ba natin sa sarili: “Sa pagtanggap ko ba ng
katawan ni Cristo sa komunyon, ako ay nagiging mapagkalinga lalo na sa mga
nangangailangan at nagugutom?” Kung hindi, walang epekto at sayang lamang ang
pagtanggap ko ng katawan ni Jesus.
Paano natin
natatanggap ang katawan ni Cristo? Diyan pumapasok ang paglilingkod ng mga
pari. Kung walang pari, walang misa, at kung walang misa walang komunyon. Hindi
natin matatanggap ang katawan ni Jesus.
Kayong mga
magulang, naisip nyo na ba na magbigay ng isang anak na lalaki sa pagkapari?
May mga pari tayo ngayon dahil ibinigay sila ng kanilang mga magulang.
Pero ang pagpapari ay hindi tsamba. Ito ay bunga ng isang pamilya ng namumuhay
ayon sa turo ni Jesus. Kaya tuloy naaakit ang anak na tumulad kay Jesus, at kung
tinawag siya ni Jesus na maging pari, kaagad siyang tutugon. Kaya ito ay
panawagan sa mga pamilya, isama ninyo si Jesus sa inyong pamilya. Gawin siyang kasapi sa inyong mga ginagawang
desisyon. Mapalad ang pamilya na ang anak na lalaki ay naging pari at kumikilos
sa pangalan ni Jesus
Dalawa ang
uri ang kagutuman: pang-katawan at pang-kaluluwa. Nawa’y maging katuwang tayo
ng Diyos upang maibsan ang kagutumang pangkatawan ng ating kapwa sa ating
pagbabahagi sa kanila. Nawa’y mabusog din ang ating kaluluwa ng katawan ni
Jesus na tinatanggap natin mula sa paglilingkod ng mga pari. Sa pagiging busog
sa katawan at kaluluwa, maging aktibo nawa tayong mga anak ng Diyos na
nagbabahaginan ng kanyang mga biyaya. Sa gayon mararanasan natin ang paghahari
ng Diyos sa ating gitna. Pagpalain nawa tayong lahat ng Diyos!