May kuwento na minsan daw ay nakita ng isang kaluluwa ang kanyang sarili sa purgatoryo. Laking pagkagulat niya ng makita niya ang kanyang "parish priest" na naroroon din. Tinawag niya ang pansin nito halos pasigaw na binati "Hello Father! Dito ka rin pala napunta! Akala ko pa naman ay naroon ka na sa itaas! Kung sabagay, marami kang pagkukulang sa amin at hindi namin naramdaman ang malasakit mo bilang mabuting pastol! Gaano ka na katagal dito Padre?" "Shhhhhhh... wag kang masyadong maingay! Babaan mo ang volume ng boses mo" pabulong na sabi ng pari. "Baka magising yung mga obispong natutulog sa ibaba!" hehehe...
"Keep calm..." Isang kuwento lamang po ito na kathang-isip lamang at hindi naman talaga nagtataglay ng katotohanan. Mabubuting tao at kagalang-galang ang mga obispo natin! Pero ang sabi nga aalagang ang kabilang buhay ay "full of surprises!" Walang makapagsasabi kung sino naroon sa itaas, sa ibaba o sa gitna! May nagsabi nga ng ganito: "Three things will surprise me in Heaven: Who's there, Who's not there. And that I am there." (Reine Riah) Hindi sapagkat ikaw nakasutana ay automatic ang kalalagyan mo sa itaas. Hindi sapagkat ikaw ang namumuno ay ligtas ka na sa anumang kaparusahan.
Malinaw ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Propeta Jeremias sa unang pagbasa ngayong Linggo: "Parurusahan ng Panginoon ang mga namumunong walang malasakit sa kanilang mga nasasakupan at pinababayaang ang mga ito’y mangalat at mamatay." (Jer 23:1) Bilang isang mabuting pastol ay alam ng Panginoon ang malasakit na dapat na taglay ng isang namumuno sa kanyang nasasakupan. Ang malasakit na ito ang ipinakita ni Jesus sa kanyang mga alagad at sa mga taong kanyang nakakasalamuha araw-araw. Nang makita ni Jesus ang kapaguran ng mga alagad ay hinikayat Niya silang pumunta sa isang ilang na pook at magpahinga ng kaunti. Nang makita ni Jesus ang napakaraming taong naghihintay sa kanila sa pampang ay nahabag Siya sa kanila. "...nahabag siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol!" (Mk. 6:34) At sila ay tinuruan Niya sa kabila ng kanyang kapaguran at kawalan ng pahinga. Ito ang katangian ni Jesus na dapat ay taglayin din natin bilang kanyang mga alagad.
Hindi lang naman ito para sa mga pari na kanyang hinirang para maging mabuting pastol. Totoo na sila ang dapat manguna sa pagpapakita nito ngunit kahit na ang mga layko rin ay tinatawag ng Diyos sa paglilingkod. Noong nakaraang linggo ay pinaalalahanan tayo na tayong lahat au isinugo ng Diyos na na magpalaganap ng Kanyang mabuting balita at gumawa ng mabuti sa ating kapwa. Ang pagpapakita ng malasakit sa iba, lalong-lalo na sa mga nangangailan ay para sa ating lahat na mga Kristiyano. Ipinapakita natin ito kapag nagbibigay tayo ng panahon at oras para sa kanila. Mga magulang, may oras ba kayong inilaan para sa inyong mga anak? Ang pagtratrabaho n'yo ba ay pagpapakita ng malasakit sa kanila o baka naman nagiging dahilan pa nga ito ng paglayo ng loob nila sa inyo?
Ang nais ipaalala sa atin ng Panginoon na dapat ay magpakita tayo ng isang "malasakit na paglilingkod ng isaang mabuting pastol. At kapag sinabing malasakit ay nangangahulugan ito na dama natin ang sakit o ang paghihirap ng iba. Sa panahong ito ng pandemya na kung saan ay mas maraming pagkakataong makasama ng mga magulang ang kanilang mga anak ay magandang makita ang malasakit na paglilingkod na ibinabahagi nila sa kanilang mga anak. At sa mga may tungkuling mamuno sa ating lipunan, dapat ay kakitaan din ng malasakit sa kanilang paglilingkod. Ang kanilang paraan ba ng pamumuno ay nagpapakita ng paggalang sa dignidad at karapatang pantao o sila ba ay ang yumuyurak sa dangal nito at hindi nagpapahalaga sa buhay, lalo na sa mga mahihirap, sa ngalan ng kaayusan at kapayapaan sa lipunan?
At sa mga katulad naman naming naatasang mamuno at mangasiwa sa "Kanyang kawan" ay malaki ang inaasahan sa amin ng Panginoon. Ang katapatan sa aming bokasyon bilang mga pari at masipag na pagtupad ng aming tungkulin ang maari naman naming ibigay sa Panginoon bilang pagtulad sa Kanyang mapagpastol na pagmamahal. Ang Panginoon ay nag-aanyaya sa atin tungo sa isang mapagmalasakit na pagmamahal at paglilingkod.
At ngayong ngang ipinagdiriwang natin ang ika-500 anibersaryo ng ating pagiging Kristiyanong bansa ay hinahamon ang bawat isa sa atin, unang-una na kaming mga pari at relihiyoso/relihiyosa, na naisin ang "maglingkod at huwag paglingkuran." Nawa ay magkaroon tayo ng malasakit tulad ng kay Jesus na nahabag ng makita ang mga tao na parang mga tupang walang pastol. Hingin natin ang tulong at awa ni Jesus na mahubog ang ating puso katulad ng sa kanya na may malasakit sa paglilingkod. Ipinakita ni Jesus ang halimbawa sa atin at inaasahan naman Niya ang ating pagsunod. Kung maisasakatuparan lamang sana natin ito ng tapat ay wala na tayong sorpresang makikita pa sa langit! Lahat tayo ay nasa itaas at masayang kapiling ang ating Diyos.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento