Ngunit natutuwa ako sa mga taong nahihirapang mag-move on. Heto ang ilang halimbawa ng kanilang mga hugot: "Ang daling matulog, ang hirap bumangon. Ang daling mahulog, ang hirap magmove-on!" "Ang pagmomove-on ay parang estudyante na gumigising sa umaga. Mahirap pero kailangan!" "Paano magmove-on? Simple lang... Iwanan ang katangahan. Irampa ang kagandahan!"
Ngunit ganoon ba talaga kadali ang magmove-on? Sa ating Ebanghelyo, ay narinig natin ang mga algad na hirap magmove-on pagkatapos ng pagkamatay ni Jesus. Si Jesus kasi ang inaasahan nilang magpapalaya sa kanila sa kamay ng mga mananakop na Romano. Siya ang kinikilala nilang Mesiyas, ang hinirang na tagapagligtas, ang pag-asa ng kanilang "bayan". Ngunit lahat ng ito ay gumuho ng matunghayan nila ang paghihirap at kamatayan ni Jesus sa krus. Kaya wala ng saysay na magpatuloy pa. Sa katunayan ay nagdesisyo silang ituloy ang kanilang normal na buhay... ang pangingisda. Dito nagpakita si Hesus sa kanila at muling pinukaw ang kanilang natutulog na pananampalataya! Nang maibulalas ni Juan na "Ang Panginoon iyon!" ay agad-agad na lumusong si Pedro at nilapitan si Jesus. Hindi makapaniwala ang mga alagad na kapiling nila si Jesus at nakisalo sa kanila. At dito nga nangyari ang pagtatanong ni Jesus kay Pedro: “Simon, anak ni Juan, iniibig mo ba ako?” Tatlong beses tinanong ni Jesus si Pedro kung mahal siya nito. Lubhang nasaktan si Pedro sa ikatlong pagtatanong ni Jesus. Dito makikita nating may "hugot" ang mga katanungang binitawan ng Panginoon kay Pedro. Marahil ay bumalik sa ala-ala ni Pedro kung paano niyang maikatlong ulit na itinatwa ang kanyang Panginoon! Ngunit sa kabila ng karupukan ni Pedro ay nakita ni Jesus ang isang "bato"... matatag, di matitinag, lubos ang katapatan! Kaya nga ibinigay sa kanya ni Jesus ang pamamahala sa kanyang mga "tupa". Kaya nga ang sagot ni Pedro sa katanungan ni Jesus ay nagtataglay din ng malalim na pinanghuhugutan: “Opo, Panginoon, nalalaman ninyong iniibig ko kayo.”
May Pedro rin sa bawat isa sa atin. Madaling magkamali, mahina at kung minsan pa nga ay paulit-ulit sa ating kamalian. Ngunit ang Diyos ay naniniwala na mayroon din tayong katatagan, na kaya rin nating maging tapat at umahon sa ating pagkakadapa! Naniniwala ang Diyos na kaya rin nating bumalik at itama ang ating pagkakamali. Humugot tayo mula sa malaking pagmamahal ng Diyos sa atin. Huwag tayong mawalan ng pag-asa. Ang Diyos ay hindi nakakalimot sa atin. Patuloy niyang pinadadaloy ang Kanyang awa at pagmamalasakit lalo na sa mga taong mahihina at makasalanan. Kaya nga ang panawagan din ng ating Santo Papa ay maging mas mahabaging Simbahan tayo sa mga taong naisasantabi ng ating kultura at lipunan. Magmahal kahit na tayo pinakikitaan ng pagkamuhi. Magpatawad kahit na hindi naman tayo ang mali. Suklian ng pag-ibig ang pagkukulang kahit na ng mga taong hind kaiig-ibig. Bakit natin gagawin ito bilang mga kristiyano? Sapagkat... mas radikal ang magmahal.
Mag-move on tayo mula sa pagiging self-righteous at mapanghusgang Kristiyano tungo sa pagiging mapagpatawad at mapang-unawang kasapi ng "Katawan ni Kristo." Ang hugot ng isang Kristiyano ay "ang tunay na Kristiyanong nagmamahal ay parang tapat na estudyanteng nag-eexam. Kahit nahihirapan na, hindi pa rin tumitingin sa iba!" Sa kabila ng maraming paghihirap sa ating buhay, huwag sanang mawala ang ating pagtingin kay Kristo. Siya na larawan ng pagmamahal at awa ng Diyos ang ating inspirasyon para makapag-move on sa pagiging makasarili at mapagmataas. Maging tapat tayong mga Kristiyano sa pagmamahal ni Kristo sa atin. Sapagkat sa Krisitiyanong TAPAT ay aangat ang kabanalan ng lahat!