Bakit nga ba MAHAL at hindi BANAL ang tawag natin? Hindi ba Holy Week ang tawag natin sa ingles? Bagama't mas tama ang pagsasalin sa tagalog na "Banal", ay naangkop din naman, sa aking palagay, ang pagsasalin at paggamit natin sa salitang "Mahal". May kuwento na minsan daw ay may isang magnanakaw na pinasok ang bilihan ng mga alahas ng madaling araw. Nagawa niyang makapasok sa loob na pinaglalagakan ng mga alahas ngunit sa halip na nakawin ang mga alahas ay pinagpalit-palit niya ang mga presyo nito. Ang mga mamahaling alahas ay naging mura ang halaga at ang mga pekeng alahas naman ang naging mahal ang presyo. Kinaumagahan ay bumalik ang magnanakaw at binili ang ang mga mamahaling alahas sa murang halaga... ang mahal naging mura... ang mura naging mahal!
Kung ating titingnan ay ganito rin ang nangyayari sa pagdiriwang natin ng Semana Santa, ang mga Mahal na araw ay nagiging "mumurahin". Hindi na nabibigyang halaga. Kapag sinabi mong "mahal" maari mong ipakahulugang "something of great value" o "precious". Para sa ating mga Kristiyano ay MAHAL ang mga araw na itong darating... sapagkat sa mga araw na ito ay pagninilayan natin ang pagtubos sa atin ni Jesus sa pagkakaalipin sa kasalanan sa pamamagitan ng kanyang paghihirap, kamatayan at muling pagkabuhay! "Of great value" sapagkat tinubos tayo ni Jesus sa halagang hindi maaaring tumbasan ng salapi kundi sa pamamagitan ng kanyang katawan at dugo!
Ang "MAHAL" din ay nangangahulugang "close to our hearts o dear to us." Naaangkop din ang pakahulugang ito sapagkat ang mga araw na ito ay nagpapakita sa atin ng walang hangang pag-ibig ng Diyos na nag-alay ng kanyang bugtong na Anak upang tayo ay maligtas. Nakakalungkot sapagkat maraming tao ngayon ang ginagawang "cheap" o mumurahin ang mga araw na ito! Katulad ng nangyari sa kuwento ay hindi na natin nakikita ang mga tunay na mahalaga sa mga araw na ito. Sa halip na magnilay at manalangin ay pinagpapalit natin ang "presyo" sa mga walang kabuluhang bagay. Sa halip na magbisita Iglesya ay beach resort ang binibisita. Imbis na magpunta ng Simbahan at magdasal ay natutulog ng buong araw . Imbis na magnilay at manalangin ay nanood ng sine. Kapag ganito ang ginagawa natin ang mahal ay ginagawa nating mumurahin! Sana ay maibalik natin ang tunay na pakahulugan ng mga araw na ito.
Simula sa Lunes ang tawag natin sa mga araw na ito ay Lunes Santo, Marters Santo, Miyerkules Santo, Huwebes Santo at Biyernes Santo... dapat lang sapagkat "Banal" ang mga araw na ito. Banal sapagkat "mahal" ang pinuhunan ng Diyos... walang iba kundi ang kanyang bugtong na Anak. Ang mga pagbasa ngayon ay nag-aanyaya sa ating magnilay sa pagpapakasakit at pagkamatay ni Jesus. Kaya nga ang tawag din sa pagdiriwang ngayon ay "Passion Sunday" o Linggo ng Pagpapakasakit ng Panginoon. Sa mga araw an ito ay subukan nating maging seryoso sa ating buhay panalangin at paggawa ng mga sakripisyo. Makiisa tayo sa mga espirituwal na gawain ng ating parokya. Huwag nating sayangin ang pagkakataong ibinigay ng Simbahan upang palalimin ang ating buhay kristiyano. Baka matapos ang mga Mahal na Araw na hindi natin ito nabibigyan ng sapat na pagpapahalaga. Sayang! Tandaan natin ang sinabi ni San Pablo na "kung mamatay tayong kasama ni Kristo tayo rin ay makakasama niya sa kanyang muling pagkabuhay."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento