Ang ikalimang Linggo ng Kuwaresma ay tinatawag din sa ingles na "Passion Tide." Kung papasok kayo sa simbahan sa panahong ito ay makakakita kayo ng kakaiba... mga estatwang nababalutan ng telang kulay lila (violet). Ang mga estatwang ito, maliban sa krusipiho, ay mananatiling nakatakip hanggang bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay ng Panginoon. Bakit dapat silang takpan?
May nakakatuwang kuwento tungkol sa mag-amang lumuwas sa bayan kasama ang kanilang alagang "patpating" kabayo. Natural na pinasakay ng tatay ang anak sa kabayo dahil may kalayuan ang paglaalkabay. Ngunit ng makita sila ng mga tao ay agad nakarinig sila ng pagpuna. "Wala namang utang na loob at paggalang ang batang ito sa kanyang ama. Nakita na niyang matanda na ang kanyang ama at pinaglalakad niya ito. Bakit hindi niya pasakayin sa kabayo?" Nang marinig ito ng dalawa ay agad nagpalit sila ng puwesto. Ngunit nakarinig uli sila ng pagpuna. "Tingnan mo ang matandang ito. Walang pagmamalasakit sa anak! Bakit hindi siya ang maglakad? Kawawa naman ang bata!" Sa huli, nagdesisyon silang pareho na lang silang sumakay sa kabayo. Ngunit ng makita ito ng mga tao ay awang-awa nilang sinabing: "Kawawang kabayo... masyadong pinahihirapan ng mag-ama! Ang payat-payat na nga pareho pa nilang sinasakyan!" At ang sumunod na eksena... buhat-buhat ng mag-ama ang kabayo!
Kung minsan ay napakadali nating pumuna at manghusga sa ating kapwa. Napakadali sa atin ang manuro ng kapwa sa tuwing sila ay nagkakamali upang malaman lamang natin sa huli na sa tuwing tayo ay nanunuro ay tatlong daliri ang nakaturo sa atin na nagsasabi na ikaw din ay nagkasala! May paliwanag ang mga Griyego dito sa kanilang "Mythtology". Tayong mga tao daw ay ipinanganak na may dalawang sakong nakasabit sa ating katawan. Isa sa harap na laman ang mga pagkakamali ng ating kapwa at isa sa likod na ang laman naman ay ang ating sariling mga pagkakamali. Kaya raw ang tao ay mapanghusga sapagkat nakikita niya lang ang pagkakamali ng iba na nasa kanyang harapan ngunit hindi niya makita na may mga pagkakamali pala siyang nakasabit sa kanyang likuran. Tayong mga tao nga naman! Lagi nating napupuna ang pagkukulang at pagkakamali ng ating kapwa. Ang masaklap pa ay ito ang nagiging paboritong laman ng ating mga usapang "Tolits" at "Marites".
Bago pa lamang dalhin ng mga Pariseo kay Jesus ang babaeng nahuling nakiapid ay hinusgahan na nila si Jesus na kalaban ng kanilang "relihiyon". Hinusgahan rin nila ang babaeng nahuling nakiapid na makasalanan na dapat mamatay ayon sa batas ni Moises. Nais nilang siluin si Jesus upang may maiparatang sila sa kanya. Kapag ipinagtanggol niya ang babaeng makasalanan ay malinaw na nilalabag niya ang kautusan. Kapag hinayaan niya naman itong batuhin ay wala huwad ang kanyang pagmamahal sa mga inaapi.
Iwasan natin ang manghusga! Ito rin ang nais ni Jesus na baguhin natin sa ating mga sarili. Bago natin patawan ng paghuhusga ang iba ay tingnan muna natin ang ating mga sariling kakulangan at pagkakamali: "Sino man sa inyo na walang kasalanan ang siyang maunang bumato sa kanya." Wala ni isa ang naiwan sa mga humuhusga sa babae... lahat ay umalis. Ang Diyos natin ay Diyos na mahabagin at mapagpatawad... hindi Diyos na mapanghusga. Ang sabi ni Jesus sa babae noong nagsilisan na ang mga taong umaakusa sa kanya ay: "Hindi rin kita parurusahan. Humayo ka, at huwag ng magkasala!"
Kung nagagawa tayong kahabagan ng Diyos sa kabila ng ating mga pagkakasala, tayo rin sana ay matutong magpakita ng habag sa iba at iwasan ang panghuhusga. "Who am I to judge?" ang sabi ng ating Santo Papang si Pope Francis. Lahat naman tayo ay makasalanan. Sinasabi ng ating pananampalataya na matuto tayong tumanggap at hindi nagtataboy sa iba. Na dapat tayo ang lumalapit sa kanila at hindi nagkokondena!
Huwag nating sanayin ang ating sarili na laging nakaturo ang daliri sa pagkakamali ng iba sapagkat hindi nakikita kung minsan na tatlong daliri pala ang nakaturo sa atin. Huwag na huwag nating aakuin ang pagkatao ng mga mapagmataas na nagagawang manalangin sa Diyos habang hinuhusgahan ang kanilang kapwa: "Salamat, Panginoon... hindi ako katulad nila!" Ano ang sabi ni St. Mother Teresa: "If you judge people, you have no time to love them."
Matuto tayong umunawa at magpakitang-awa sa ating kapwa. May mga taong "discrimated" na ang pakiramdam ay hiwalay sila iba at wala silang tinig sa lipunan. May mga taong mababa ang tingin sa kanilang sarili at tila baga na wala ng pagkakataon para magbago. May mga taong patuloy na natatapakan ang kanilang dangal at dignidad ng mga taong mapanghusga at mapagsamantala.
Katulad ng ipinakita ni Jesus, ang Simbahan ay para sa mga taong ito. Misyon ng Simbahan na tanggapin sila at itayo ang kanilang nalugmok na pagkatao. Ang Simbahan ay itinatag ni Jesus upang ipadama sa mga tao ang awa at pagmamahal ng Diyos. Kaya nga't tayong mga Kristiyano ay may misyon na tulad ng misyon ni Jesus. Magdalang-awa upang tayo'y kaawaan. Umunawa upang tayo rin ay unawain. Magmahal upang tayo rin ay mahalin. Ipakita natin na tayo ang mga kamay ni Kristo na laging handang tumanggap at umunawa sa mga taong kawawa at kaawa-awa.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento