Paano ba tayo makakapunta sa langit? Ito ang tanong ng isang matandang pari sa mga bata sa isang Children's Mass. Siyempre, pabibong sumagot ang isang bata: "Father, dapat tayong umiwas sa kasalanan!" Ang sagot ng pari: "Maliiii!" Nagtaas naman ng kamay ang isang bata. "Father, dapat tayong gumawa ng mabuti!" Pasigaw na sagot muli ng matandang pari: "Maliiiiiii!" "Eh. paano po ba?" Sabi ng isang naguguluhang bata. Malumanay na sagot ng pari: "Iho.... dapat muna tayong mamatay!"
Tunay nga naman, ang sarap pag-usapan ng langit ngunit kapag binanggit na natin ang kamatayan ay natatahimik agad tayo. Ilan sa inyo ang gustong pumunta ng langit? Taas ang kamay! Siguro marami ang magtataas ng kamay. Eh yung may gustong ngayon na? Sigurado akong magbabaan kayo ng kamay!
Totoo bang may langit? Saan ba ito matatagpuan? Bata pa lang ako ay ito na ang katanungang gumugulo sa isip ko. Ngayong ako'y malaki na at may sapat ng pag-iisip hindi pa rin nagbago ang tanong na ito. Sa tuwing masasaksihan natin ang mga trahedya sa ating paligid tulad ng walang saysay na pagpatay sa Texas ay napapaisip tayo kung mayroon ba talagang Diyos at kung mayroon nga ay bakit Niya hinayaang mamatay ang labingwalong bata at dalawang guro. Siguro kung walang Diyos ay wala rin sigurong langit!
Isang pari ang inis na inis kapag nagmimisa sapagkat laging may matanda sa kanyang harapan na tinutulugan ang kanyang sermon. Minsan ay naisip niyang bawian ang matanda at turuan iton ng leksiyon. Habang siya ay nagsesermon at naghihilik naman ang matanda ay pabulong niyang sinabi sa mga tao: "Yung nais umakyat sa langit... tumayo ng tahimik." At tahimik namang nagtayuan ang mga tao maliban kay lola na himbing na himbing sa pagkakatulog. Pinaupo niyang muli ang mga tao at napakalakas na sumigaw: "Ang gustong pumunta nang impiyerno... TAYO!!!" Nagulantang ang matandang natutulog at biglang tumayo at laking hiya niya ng mapansing lahat ay nakaupo. Ang pari naman ay tuwang-tuwa dahil sa wakas ay nakabawi na siya. Ngunit nagsalita ang matanda at ang sabi: "Padre, pasensiya na po kayo at hindi ko ata na naintindihan ang huli ninyong sinabi, pero nagtataka ako kung bakit dalawa tayong nakatayo, sabay tingin sa pari! hehehe... Sino nga ba sa atina ang gustong mapunta sa impiyerno? Marahil ay walang taong matino ang pag-iisip na tatayo. Ang gusto natin ay umakyat sa langit dahil ito naman talaga ang ating hantungan! Ang sabi sa lumang katesismo ay "Nabubuhay ang tao upang mahalin ang Diyos dito sa lupa at makapiling Siya sa langit!"
LANGIT ANG ATING HANTUNGAN AT ITO ANG ATING INAASAHAN! Kaya nga tayo nagpapakahirap na magpakabuti. Bakit ka pa magdarasal? Bakit ka pa magsisimba? Bakit ka pa susunod sa mga utos ng Diyos? Bakit ka pa magpapakahirap na gumawa ng mabuti sa kapwa? Bakit ka pa magpapakabuti bilang isang kristiyano kung wala ka nanmang inaasahang langit?
Langit ang ating gantimpalang inaasahan at ito ang ipinangako sa atin ni Jesus. Pagkatapos ng kanyang buhay dito sa lupa Siya ay umakyat sa langit upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Ito ang inilahad sa unang pagbasa: "Pagkasabi nito,
siya'y iniakyat sa langit samantalang
nakatingin sila sa kanya; at natakpan
siya ng ulap." At sa ebanghelyo naman ay narinig natin: "Pagdating
sa Betania, itinaas niya ang kanyang
mga kamay at pinagpala sila. Samantalang iginagawad niya ito, siya
nama'y lumalayo paakyat sa langit."
Kung siya ang ulo at tayo ang katawan ay nararapat lamang na makapiling natin Siya sa kalangitan. Ang kapistahan ng Pag-akyat ni Jesus sa langit ay dapat magbigay sa ating lahat ng pag-asa! Langit ang ating patutunguhan kaya't dapat nating palakasin ang pag-asa at pagnanasang makarating sa langit. Lagi nating isaisip na tsyo ay hindi lang mamamayan ng mundong ito ngunit tayo rin ay mamamayan ng kalangitan. Sa pamamagitan ng Binyag ay tinanggap natin ang pagiging anak ng Diyos at dahil diyan ay nagkaroon tayo ng karapatang manahin ang kalangitan. Sa paamagitan ng Kumpil ay tinanggap natin ang kaganapan ng biyaya ng Banal na Espiritu na nagsasabing ang ating katawan ay hindi lang ginawa para sa mundong ito. Ito ay pinaging banal ng Diyos upang muli niyang makapiling sa kalangitan.
Huwag tayong magsawa sa paggawa ng mabuti. 'Wag nating kainggitan ang mga taong gumagawa ng masama at nagpapakasasa sa buhay na ito. Ang kaligayahang dulot ng mundong ito ay panandalian lamang. Ang kaligayahang naghihintay sa kalangitan ay magpakailanman. Magbigay saksi tayo sa pamamagitan ng radikal na pagmamahal. Isa lang naman kasi ang daan patungong langit. At dito sa mundo ang daang ito ay tinatawag na pag-ibig. Sa araw-araw nating pamumuhay ay gawin na nating langit ang buhay natin dito sa lupa. "Heaven on earth is a choice you must make, not a place you must find." Ang sabi nga isang sikat na manunulat na si C.S. Lewis, siya ang sumulat ng Chronicles of Narnia, "If we find ourselves with a desire that nothing in this world can satisfy, the most probable explanation is taht we were made for another world." At ano ang mundong tinutukoy niya? Ang kalangitan.
Kaya nga sa susunod na may magsabing: "Ang gustong pumunta sa langit... tumayo!" 'Wag kang magdalawang isip na tumayo sapagkat langit ang ating hantungan at ito dapat ang ating TAHANAN.