Mayroong isang kuwento na minsan ay nag-anyong propeta ang diyablo at nagtungo sa isang sinagoga na kung saan ay maraming tao ang nagtitipon. Kasalukuyan silang nananalangin na magkaroon sana ng kapayapaan sa kanilang lugar sapagkat patuloy pa rin dito ang karahasan. Tumayo ang diyablong nag-anyong propeta sa kanilang harapan at nagtanong kung nais ba nila ng kapayapaan. Sumagot ang mga tao na nais nila kaya't naglabas siya ng isang kalapati at sinabing ito raw ang magdadala ng kapayapaan sa kanila, na ang sinumang makahuli nito ay makakaranas ng "tunay na kapayapaan" sa kanyang sarili. At pinakawalan niya ang kalapati. Nagpalipad-lipad ito. Pilit na hinuli ng isa, ngunit ng mahahawakan na niya ay sinunggaban naman siya ng isa. Nagkagulo sa loob ng sinagoga, may nagsipaan, nagsuntukan, nagkasakitan. Hanggang sa makalabas ang kalapati. Nagkanya-kanyang grupo naman ang mga tao upang hulihin ang "tagapagdala ng kapayapaan." Nagtayo sila ng kani-kanilang "private army" hanggang umabot na ang gulo sa labanan ng mga pamilya at angkan. Hanggang ngayon ay pilit pa rin nilang hinuhuli ang mailap na "kalapati ng kapayapaan" upang sa bandang huli ay maunawaan na nilinlang lang sila ng diyablo sapagkat ang tunay na kapayapaan ay sa Diyos lamang nagmumula at dapat bumukal sa kani-kanilang sarili.
KAPAYAPAAN ang biyaya ng muling pagkabuhay ni Kristo! Bago niya lisanin ang kanyang mga alagad ay ito ang ibinilin Niya sa kanila: "Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng ibinibigay ng sanlibutan." Sa mundo, ang kapayapaan ay kapag walang gulo, walang ingay, walang alitan. Kaya nga't kahit ang dahas ay maaring gamitin para lamang mapanatili ito. At kung mayroon mang lugar na may tinatawag na perfect peace ay wala na sigurong papantay pa sa sementeryo na knng saan lahat ay nahihimlay sa kapayapaan. Kaya nga't nasabi minsan ni Martin Luther King na "True peace is not merely the absence of war, it is the presence of justice, equity and non-violent social order."
Ngunit para sa ating mga Kristiyano, ang kapayapaan ay higit pa sa kawalan ng ingay o gulo. Ang tunay na kapayapaan ay regalo na maari lamang magmula sa Diyos. Ito ang handog ng muling nabuhay na si Jesus: "... my peace I give to you." (John 14:27) Ang kapayapaang handog ni Hesus ay ang muling nagbuo sa mga takot at duwag na mga alagad upang lumabas sa kanilang lungga at ipahayag ang katotohanan ng kanyang muling pagkabuhay. Kaya nga ang kapayapaan ay "kaganapan ng buhay" na kung saan ay nakararanas ang isang tao ng kapanatagan sa kanyang sarili at nagbibigay sa kanya ng lakas ng loob upang ipahayag ang katotohanan ng buong tapang at lakas.
Nangangahulugan ito ng maayos na pakikitungo sa apat na aspeto ng ating buhay. Sa mga Hudyo ang salitang SHALOM, na ang ibig sabihin ay "kapayapaan" ay nangangahulugan ng mabuting relasyon sa Diyos, sa kapwa, sa ating sarili, at sa kalikasan o kapaligiran. Ganito rin ang kaganapan ng kapayapaan na dulot ng Muling Pagkabuhay ni Jesus.
Una ay ang manatili sa pag-ibig ng Diyos. Ang sabi ni Jesus sa ating Ebanghelyo: “Ang umiibig sa akin ay tutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami’y sasakanya at mananahan sa kanya." Ibig sabihin, mananatili ang Diyos sa atin kung mananatili tayo sa kanya sa pamamagitan ng masusing pagtupad sa kanyang mga pinag-uutos. At ano ba ang ipinag-uutos niya sa atin?
Ito naman ang pangalawa, ang ibigin ang ating kapwa tulad ng pag-ibig Niya sa atin. Ang pag-ibig ni Jesus ay pag-ibig na walang pinipili. Ibig sabihin, mahalin natin hindi lang ang kaibig-ibig sa atin ngunit maging ang taong may sama tayo ng loob o hindi natin mapatawad. Ang tawag sa uri ng pag-ibig na ito ay radikal na pagmamahal. Ito ay pagmamahal na handang tumanggap sa lahat kahit na sa mga pagkakataong mabigat ang ating kalooban at puno ang ating puso ng galit at sama ng loob. Ito ay ang pagmamahal na handang umunawa at magpatawad.
Pangatlo ay ang tamang pagmamahal sa sarili na may paggalang sa kanyang pagkatao. Ingatan natin ang buhay na kaloob sa atin ng Diyos. Ito ay regalo galing sa kanya kaya't pahalagahan natin. Huwag tayong gagawa ng anumang bagay na makakasira sa ating katawan tulag ng pagkakalulon sa mga bisyo at mga gawaing bumababoy sa dignidad ng ating pagkatao. Matuto rin tayong magpatawad sa ating mga sarili lalo na sa ating mga kakulangan at karupukan bilang tao.
At pang-apat ay ang pag-iingat at pag-aalaga sa kalikasan na tulad ng buhay ay ipinagkatiwala lamang ng Diyos sa atin. Ito marahil madali nating makaligtaan. Masyado kasi tayong "entitled" sa mga ibinibigay sa atin ng Diyos tulad mga biyaya ng kalikasan kaya't binabale wala natin ito. Kung pakikinggan natin ay maririnig natin ang pag-angal ng kalikasan sa maraming pagsasamantala at pagsira ng tao sa mga ito. Ngayong araw na ito ay sinisimulan natin ang pagdiriwang ng Laudato Si Week na kung saan ay muli tayong papaalalahanan ng kahalagan ng ating kalikasan at ng mundo na itinuturing nating ating nag-iisang tahanan o "common home". Ito ay nakasabay sa Synodal Process na pinagdaraanan ngayon ng Simbahan kaya't nangangahulugan ito ng sama-samang pakikinig at paglalakbay upang makamit natin ang mundong masagana at mapayapa. Pahalagahan, alagaan, at pagyamanin natin ang kayamanang ipanagkaloob sa atin ng Diyos!
Natapos na ang eleksiyon. May mga naiproklama ng kandidato. Ipagdasal natin na sana ay makamit natin ang kaganapan ng buhay na dulot ng tunay na kapayapaan sa mga taong naihalal sa pamumuno sa gobyerno. Na sana sila rin ay maging mga taong MAKA-DIYOS na nanatili sa kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanyang utos. Na sana sila rin ay maging MAKATAO may pagmamahal sa iba at paggalang sa sarili. At huli sa lahat, na sila ay MAKAKALIKASAN na marungong magpahalaga, mag-alaga, at magpayaman sa mga biyaya ng nilikhang ipinagkatiwala ng Diyos sa atin. Magtiwala tayo na pasasaan ba't makakamit din natin ang kaganapan ng buhay ng tunay na kapayapaang handog ni Kristo! Mangyayari ito kung buo nating ipagkakatiwala ang ating buhay sa kanya at hindi sa sanlibutang huwad na kapayapaan ang ibinibigay. Kaya nga siya ang ating huling baraha. Hindi man natin naiboto ang mga tamang kandidato na mamumuno ay buo pa rin ang ating loob na makakamit natin ang kaganapan ng buhay bilang isang bayan. "I am a Filipino and my country's hope is Jesus!"
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento