May mga ilan na hindi pa rin kuntento at humihingi ng pagpapaliwanag sa mga ilang aberyang nangyari. Pero sabi ko nga sa isang post ko sa FB: "Hindi man nanalo ang mga binoto ko, masaya pa rin ako dahi sa puso tama ang ginawa ko!" Kaya nga anuman ang kalalabasan ng halalang ito, matutulog akong masaya at mapayapa dahil sinasabi ng konsiyensiya ko na ginawa ko ang tama! Sana kayo rin! Makakatulog kayo ng mahimbing dahil alam ninyo na ang ibinoto ninyo ay tama at sila ang magiging daan sa tunay na PAGBABAGO.
Dalawa lang naman kasi ang maaring patunguhan ng pagbabago: pagbabago tungo sa kabutihan at pagbabago tungo sa kasamaan. Ano na ba ang nangyari sa ating bayan pagkatapos ng maraming pagbabagong ipinangako sa atin? Bakit nga ba mahirap isakatuparan ang pagbabagong ito? May kuwento na minsan daw ay bumisita si San Pedro sa lupa upang tingnan ang sitwasyon ng mga tao. Napadpad siya sa Pilipinas na kung saan ang mga tao ay abala sa pagdaraos ng Halalan Mayo 9. Nakita ni San Pedro ang maraming posters at tarpulin ng mga kandidato at nakaagaw pansin sa kanya ang acronym na PDP. NUP, NPC, Lakas CMD, PFP. Kaya't tinanong niya ang isang matandang naglalakad sa kalsada kung ano ba ang ibig sabihin ng mga letrang ito. Sumagot naman ang matanda ng ganito: "Ahhh, katulad din po iyan ng KBL, NP, LP at PDP." Lalong naguluhan si San Pedro kaya't naghanap uli siya ng matatanungan. Isang binatilyong taga Tundo ang kanyang napagtanungan. Sagot ng binata: 'Yan po ay katulad din ng OXO, Sigue-Sigue Sputnik, Batang City Jail at Batang Walang Galang na hanggang ngayon ay hindi matapos ang bangayan at away!" At bumalik si San Pedro sa langit na "politically educated."
Mahirap mangyari ang pagbabago kung panay pagbabangayan, paninira, panlalamang, pandaraya ang nangyayari sa ating halalan. Totoo nga naman, ang mga partido ay wala ng pinag-kaiba sa mga nagtutunggaling fraternities o gangsters. Kaya nga't napakahalaga na ang pagbabago ay magmumula sa katarungan at pagmamahal. Kapag may katarungan ay walang paninira, walang pamimilit at walang pandaraya.
Ngunit hindi sapat ang katarungan lamang. Bilang mga Kristiyano ay dapat din tayong kumilos ng may radikal na pagmamahal. Ang radikal na pagmamahal ang sukatan ng ating pagkaka-Kristiyano. Ang radikal na pagmamahal ay may malasakit, may pagggalang, may pagpapakumbaba sa kabila ng galit na nadarama ng ating mga puso. Hindi tayo magkakamali kung sa lahat ng ating ginagawa ay ginagamitan natin ng pag-ibig na nagmumula sa Diyos. "Love and do what you want" ang sabi nga ni San Agustin. Kapag may pagmamahal ay may paggalang, pagpapatawad at pagsasakripisyo para sa iba kahit na iba ang kanilang paniniwala. Kaya nga marahil ay ito rin ang habilin niya sa kanyang mga alagad: "Mag-ibigan kayo! Kung
paanong inibig ko kayo, gayon din
naman, mag-ibigan kayo. Kung kayoÊy
mag-ibigan, makikilala ng lahat na
kayo'y mga alagad ko."
Ang biyayang dulot ng Muling Pagkabuhay ni Kristo ay pagbabago tulad ng Kanyang sinabi sa Aklat ng Pahayag: "Ngayon, binabago ko ang lahat ng bagay!" (Pahayag 21:5) Isang bagong mundo ang inaalok sa atin na kung saan ay pinaghaharian ito ng pagmamahal at katarungan. Hindi ba't ito ang inaasam-asam natin? Mundong mapayapa, maunlad, maayos at tahimik. Nais nating baguhin ang lipunang ginagalawan natin ngayon upang matutunan lamang na ang ang pagbabago pala ay dapat magmula muna sa ating mga sarili.
Sabi nga ng isang post sa Facebook: "I am a Filipino and real change begins with me.... not the President you are a fan of!" Ibig sabihin hindi ang ating iniidolo ibinoto ang magsisimula ng pagbabago sa ating lipunan. Marami kasi sa atin ay nabubuhay sa idol complex. Gusto natin ang lider na na nagpapatupad ng disiplina pero ayaw naman nating madisiplina! Tingnan mo ang sarili mo baka ikaw ang tipong nagkakalat ng basura kahit saan, tumatawid kahit saan, lumalabag sa mga batas trapiko, dumudura o umiihi kung saan-saan, naninigarilyo sa mga lugar na bawal, nanunuhol sa mga pulis... haaay... gusto ng disipina pero wala namang disiplina na sarili. Kahit anung galing pa ang ilagay mo sa puwesto ng pamumuno... walang pagbabagong mangyayari. Ang sabi nga ni Hen. Luna: "Mga kapatid, mayroon tayong mas malaking kaaway kaysa mga Amerikano. Ang ating mga sarili!"
Kaya nga ang pagbabago ay dapat magsimula muna sa ating lahat ng sa gayon ay maging tama ang pagpili natin ng mga kandidato. Hayaan nating pagharian tayo ng katarungan at radikal na pagmamahal sa ating pakikitungo sa iba. Ito ang maka-Kristiyanong sagot natin sa mundong magulo at marahas. Nanganak ang alaga kong pusa. Natuwa ako sa kuting nung makita ko syang nakapikit pa at nakalabas ang ulo sa kanyang munting cat-house. Tila baga sinasabi niyang: "One day I will open my eyes and see the beauty of God's creation!" Totoo naman talaga, ang mundong ibingay ng Diyos sa atin ay maganda at mabuti. Tayo lang talaga ang nagpapasama dito! Maganda ang ating bansang Pilipinas. Tayo lang ang nagpapangit nito. Ibalik natin ang kagandahan at kabutihan ng mundo sa harap ng maraming kasamaaan sa ating paligid.
Sa mga taong dama pa rin ang panghihinayang dahil tila baga hindi natupad ang inaasam-asam na abot kamay na sanang pagbabago ay panghawakan natin ang sabi ng isang kandidato: "Walang nasayang. Hindi tayo nabigo. Masasayang lang ang ating pinagsikapan kung titigil tayo at babalik sa dating kalakaran. Gaya ng sabi ko: ang namulat, hindi na muling mapipikit."
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento