May kuwento ng aso na hinahabol ang isang pusa. Naghabulan sila hanggang sa labas na ng kalsada. Patuloy sa pagtahol ang aso habang hinahabol niya ang pusa. Nakuha nito ang atensiyon ng ibang aso sa paligid at maging sila ay nakisama na rin sa paghabol. Habang tumatagal ang habulan ay parami na ng parami ang mga asong tumatakbo at nakikihabol. Hanggang sa napakarami na sila at ang mga asong nasa likod na tumatakbo ay nagtanong na sa kanyang kapwa aso sa harapan. "Pare bakit ba tayo nakikitakbo? Sino ba ang hinahabol natin sa harapan?" Sagot ng kausap niya, "hindi ko alam 'tol, kahit ako takbo na lang takbo at nakikikahol!"
Marahil marami sa atin ay ganyan ang sagot kapag tinanong mo kung bakit ba sila nagsisimba? Parang silang mga asong takbo ng takbo ngunit hindi nakikita ang kanilang sinusundan. Ni hindi nga nila masabing "mahal nila si Jesus" na kanilang sinusundan. Pero sasabihin nilang "Kristiyano ako!" dahil pumapasok naman ako ng simbahan. Sabi ng isang sikat na mangangaral: "Hindi sapagkat pumasok ka ng Simbahan ay Kristiyano ka na, kung paanong hindi ka nagiging kotse pag pumasok ka sa talyer!" Totoo nga naman, mas higit pa sa pagsisimba ang sinasabi ng ating pagiging Kristiyano. Marahil ay marami sa ating alam naman na sila ay naging Kristiyano noong sila ay nabinyagan. Sa katunayan ay marami sa atin ay may maipapakita pang "baptismal certificate". Ngunit sapat ba ito upang masabing miyembro ka na ng pamilyang "Kristiyano"?
Ngayon sa ating mga pagbasa ay pinaaalalahanan tayo kung ano ang hinihingi sa atin ng pangalang ito na ating tinataglay, isang ganap at walang pasubaling pagsunod kay Hesus. "Ganap" sapagkat ang pagsunod kay Hesus ay wala dapat na hinihinging kundisyon, wala dapat pag-aatubili! Kung minsan magaling tayong tumawad. "Yes, Lord! Susunod ako pero sa isang kundisyon..." Ang mga pagbasa ngayong Linggo ay nagsasabi sa ating gawin nating "ganap" ang ating pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Sa unang pagbasa ay narinig natin kung ano ang ginawa ni Propeta Eliseo upang ipakita ang ang ganap na pagsunod kay Propeta Elias, iniwan niya ang kanyang kabuhayan, kinatay niya ang kanyang mga alagang toro at ibinigay sa mga tao at ginamit niya pang panggatong ang kanyang pang-araro. Sa Ebanghelyo ay narinig naman natin ang sagot ni Jesus sa tatlong nagnanais na sumunod sa kanya: "Susunod po ako sa inyo kahit saan...." ang sabi ng isang nagnanais na sumunod kay Hesus. Ang tugon ni Hesus sa kanya ay: "May lungga ang asong gubat at may pugad an ibon, ngunit ang anak ng Tao'y wala man lang matuluyan o mapaghingahan." May kahilingan naman ang pangalawa sa kanyang pagsunod. “Ipaubaya mo na sa mga patay ang paglilibing ng kanilang mga patay," ang tugon ni Jesus sa nagsabing uuwi muna siya upang ipalibing ang kaanyang ama. Hindi winawalang-halaga ng Panginoon ang pagmamahal sa magulang. Nais lang niyang ipahayag na wala sanang tayong pag-aatubili sa pagsunod sa kanya. Kalimitan kasi ay napipigilan tayo ng maraming bagay sa ating pagtugon sa pagtawag ni Hesus.
Ang ating maraming alalahanin sa buhay ay hindi dapat maging sagabal sa patupad natin sa kalooban ng Diyos. Ang pagsunod kay Hesus ay nangangahulugan na handa nating iwanan ang mga makamundong bagay para sa Kanya! Ang paalala niya sa mga nagnanais na sumunod sa Kanya ay "Ang sinumang nag-aararo at palaging lumilingon ay hindi karapat-dapat sa paghahari ng Diyos." Nakakalungkot sapagkat marami pa rin sa atin ang "teka-teka" sa ating pagiging Kristiyano. Urong-sulong sa pagsunod sa Kanya. Magsisimba sa Linggo ngunti hindi naman maiwanan ang masamang pag-uugali o bisyo. Magkukumpisal ngayon ngunit uulitin ang parehong kasalanan bukas. Seryoso ba tayo sa ating pagsunod kay Kristo? Ayaw niya ang Kristiyanong papatay-patay sa buhay. Ayaw niya sa "Kristiyanong teka-teka!" Higit sa lahat ay ayaw niya ang KRISTIYANONG URONG-SULONG sa pananampalataya!
Maganda ang panawagan ni San Pablo sa mga taga-Galacia. Marahil ay marami sa kanila ang nagsasabing may kalayaan silang gawin kung ano ang gusto nila sa buhay. Marahil ay nagiging pabigat sa kanila ang pagsunod kay Kristo. Ito ang tugon niya: "Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya... huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang pita ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa dahil sa pag-ibig." Tinatawag tayo ng ating Panginoonb sa isang buhay na marangal at banal. Sa Misang ito ay hingin natin sa Panginoon ang biyayang maging tapat at masunurin sa Kanyang pagtawag sa atin. Sundan natin si Hesus sa kabanalan!