Bagama't ito ay napagtibay lamang noong 325 AD sa Konseho ng Nicea bilang artikulo ngg ating pananampalataya, ang katotohanang ito ay nakaugat sa Banal na Kasulatan at noon pa man ay pinahahayag na ng ating pananampalatayang Kristiyano. Kaya naman nagpahayag sa atin ang Banal na
Santatlo ng mga pangyayari sa kasaysayang pangkaligtasan, mga propeta, at lalung-lalo na kay Hesukristo. Sa kanya natin nakilala ang pagiibigan ng Diyos Ama, Anak, at Espiritu Santo. Alam natin ang doktrina ay mas malapit sa ating pag-iisip kaysa sa ating emosyon o sa ating puso. Ngunit ito nga ang malaki nating pagkakamali, isip ang ating ginagamit sa pag-unawa sa Banal na Santatlo. Tandaan natin na ang misteryo ng Diyos ay napakalawak upag magkasya sa ating maliit na pag-iisip.
May isang lumang kuwento na may isang pari na pilit niyang iniintindi ang misteryo ng Banal na Santatlo kung paano ba ito maipaliliwanag gamit ang ating payak na pag-iisip bilang tao. Halos mawalan na siya ng bait kaya't naisip niyang magpalamig muna ng isipan at nagpunta siya sa isang dalampasigan. Nagkataong nakita niya ang isang bata na pabalik-balik na pumupunta sa dagat na may dala-dalang maliit na timba na puno ng tubig at pilit na pinupuno ang isang butas sa dalampasigan na kanyang ginawa. Tinanong siya ng pari kung ano ang kanyang ginagawa. Ang sagot ng bata ay: "Gusto ko pong ilipat ang tubig ng dagat sa butas na ito!" "Imposible yang nais mong gawin! Nagsasayang ka lang ng pagod. Hindi mo maaring gawin yan sapagkat lubhang napakalawak ng tubig ng dagat para pagkasyahin mo sa maliit na butas na yan!" tugon ng pari. Sumagot ang bata: "Padre, yan din ang ginagawa mo ngayon. Pilit mong pinagkakasya ang kadakilaan ng Diyos sa maliit mong pag-iisip. " At biglang naglaho ang bata sa kanyang harapan.
Kung ganooon ang tanong natin ay paano natin mauunawaan ang Diyos? Ang simpleng sagot ay: hindi natin dapat maunawaan kundi dapat ay maranasan natin ang kanyang presensiya sa ating buhay. Katulad ng sinabi ko kanina na ang Diyos ay napakadakila para unawain ng ating payak na isipan. Ngunit ang Diyos din sobrang liit para magkasya sa puso nating mga tao. Sa madaling salita, ang Diyos ay hindi dapat unawain kundi dapat natin siyang mahalin! Sapagkat ang Diyos ay nararanasan lamang ng taong marunong magmahal. Ang pagmamahal na ito ay nagdadala sa atin ng pagkakaisa.
Hindi ba't ito ang nararanasan natin sa ating pamilya? Kapag tayo ay nakikitungo sa bawat miyembro ng may pagmamahal ay mas nakakakitaan tayo ng pagkakaisa. Ang pamilyang nagmamahal ng sama-sama nananatiling magkakasama. Kaya nga ang pamilya ay masasabing repleksiyon ng Banal na Santatlo kung kinakakakitaan ito ng pagkakaisa dala ng pagmamahalan nila sa isa't isa.
Taong 2017 ay dineklara rin ng ating mga obispo, sa pamamagitan ng CBCP, na ang Kapistahan ng Banal na Santatlo ay tatawaging Basic Ecclesial Community Sunday. Ang BEC ay mga munting pamayanang kristiyano na binubuo ng ilang pamilya sa isang lugar na nagsasama-sama upang manalangin, magbahagi ng Salita ng Diyos, at mag-usap upang bigyan ng solusyon ang mga suliranin sa kanilang lugar. Sila ay maliit na komunidad na nagmimistulan maliit na Simbahan na tumutugon sa misyon ni Hesukristo. Ang kanilang pagkakaisa at pakikitungo sa bawat isa ay hango sa inspirasyon na binibigay sa kanila ng Banal na Santatlo.
May pagkakaisa sa pagmamahal. Kaya nga ang hamon sa bawat isa sa atin ay mabuhay tayo sa pag-ibig. Ang Banal na Santatlo ay ang ating huwaran sa tunay na pagmamahal. Ang pag-ibig ng Diyos Ama na nagbigay sa atin ng Kanyang bugtong na Anak, ang pag-ibig na Anak na nag-alay ng kanyang buhay upang sundin ang kalooban ng Ama na tayo ay maligtas, at ang pag-ibig ng Espiritu Santo na patuloy na humiihimok sa ating magmahal upang maging isang Sambayanan tayong pinaghaharian ng Kanyang pag-ibig. Kaya nararapat lang na ang ating Diyos na Santatlo ay ating papurihan at mahalin. Hindi man Siya maintindihan ng ating isipan... kaya naman Siyang damhin ng puso nating marunong umibig!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento